“Mabuti at naabutan pa kita,” nilingon ko si Charlie. Hingal na hingal siya. Mukhang tinakbo niya mula sa arena hanggang dito sa pier, sa likod niya ay sina Sol at Luna. May mga benda ring nakabalot sa kaniyang katawan.
“Anong ginagawa mo rito? Dapat nagpapahinga ka,” sabi ko sa kaniya. Mabuti na lamang at hinayaan ako ng mga Kabalyerong nakabantay sa akin na kausapin ko muna siya.
“Hindi ko hahayaang maghiwalay ang landas natin ng hindi man lang ako nakakapagpaalam sa iyo, ano,” nalulungkot niyang sabi.
“Hindi ka ba galit sa akin dahil sa ginawa ko kahapon? Nasaktan kita, baka nga muntik pa kitang napatay.”
Napangiti siya sa sagot ko na nagpagulo lalo sa akin. Bakit ganiyan ang reaksyon niya?
“Sabi ko na nga ba at hindi mo sinasadyang gawin iyon,” aniya. “Kahit na ilang araw pa lamang tayong nagkakilala, alam kong hindi mo magagawang makapanakit ng mga tao at maging katulad ng sinasabi nila sa iyo. Gusto mo lamang mabuhay ng normal, hindi ba?”
“Huwag kang mag-alala, aalagaan ko sina Sol at Luna tulad ng pag-aalaga mo sa kanila. Hindi ka na raw ba makakaalis doon? Habang-buhay ka ng makukulong doon?”
“Hindi ko alam pero baka oo. Mas maigi na naroon na lamang ako dahil wala akong masasaktan kapag malayo ako sa mga tao,” sabi ko sa kaniya. “Pero kung bibigyan ako ng pagkakataon, gusto ko sanang bumisita rito kahit papaano o kaya naman ay bumalik sa mundong kinalakhan ko.”
“Mangungulila ako sa iyo, Yuyami,” aniya. Gusto ko siyang yakapin ngunit nakatali ang aking mga kamay. Mabuti na lamang at naintindihan niya iyon. Siya na yumakap sa akin.
“Ako rin, mami-miss din kita,” sabi ko. “Alagaan mo rin iyong Manong mo.”
Biglang lumungkot ang reaksyon niya.
“Bakit? Anong nangyari?” tanong ko.
“Bumaba si Kuya mula sa Mahia Tribuisti kanina at umalis siya sa Tagrid. Si Ina ang pumalit sa kaniya sa paligsahan habang hindi pa nabibigyan ng petsa ang kanilang paglilitis. Walang nakakaalam kung nasaan siya ngayon pero kasalukuyan na rin naman siyang hinahanap ng pangkat ni Ama.”
“Nag-aalala nga kami, e,” dagdag niya. “Dati noong namatay si Titania, umiyak, nagalit o kaya ay nagwala siya. Ngunit ngayon, ni wala man lang kahit na anong emosyon sa kaniyang mga mata, Yuyami.”
“Kaya dapat lamang na mas alagaan mo siya at pagtuonan ng pansin. Ikaw na lang ang mayroon siya, depende sa kung anong mangyayari sa paglilitis sa ina mo at kina Pinunong Nurphus. Alam kong nakakainis siya pero siyempre, intindihin mo pa rin ang kapatid mo, mahal ka niyon, e.”
“Ikaw rin naman.”
“Anong ako? Mahal kita? Oo naman, siyempre, mahal din kita, ano.”
“Hindi nasabi sa iyo ni Manong?” tanong niya. Nagtagpo ang aking mga kilay. “A, kaya marahil nais niyang mapag-isa ngayon. Naulit na naman ang dati.”
“Anong dati?”
“Wala iyon. Huwag mo ng alalahanin pa. Basta alagaan mo sarili mo roon,” nagpaalam na ako sa kaniya dahil malapit na ring kumagat ang dilim. Aabutin daw ng ilang araw ang biyahe papunta sa pagkukulungan sa akin.
Umakyat na ako sa barko. Ipinunta nila ako sa isang silid. Tinanggal din nila ang tali sa aking mga kamay. Iniunat ko ang aking mga kamay at humiga sa kama. Napatingin ako sa isang pamilyar na bag. Sa akin iyon, a?
Nilapitan ko ito at binuksan. Isang ngiti ang nabuo sa aking labi nang makita ko ang kwintas na may larawan ni Mama. Binuksan ko ito at tiningnan ang kaniyang imahe.
BINABASA MO ANG
A Tale In Evernight [ ✓ ]
Fantasy[ WATTYS 2021 WINNER | Fantasy ] [ TALE #1 ] Noong siya ay musmos pa lamang, laging kinukuwentuhan ng kaniyang ina si Yuyami tungkol sa isang mundong puno ng hiwaga, ang Evernight. Laman ng kuwento nito ang tungkol sa Maleficis, ang dakilang mangkuk...