"Para sa Masining na Pagtatanghal ng Magice, iniimbitahan ko sa unahan ang Mages of the Ambitious," pumapalakpak ang mga tao habang naglalakad papunta sa unahan ang nabanggit na guild. Doon pala galing si Pyra.
"Para naman sa Tagisan ng Talino..." napahawak ako sa aking dibdib. Bakit kinakabahan ako? Kung hindi kami ang mababanggit, siguradong malabong makakausap ko si Erathaol. "Ang Imperial Knights."
Malungkot akong nagpakawala ng hininga. Mukhang kailangan kong gawin ang hindi ko dapat gawin, a?
"Ang huling guild na makakasama sa kanila, ang may pinakamataas na markang galing sa Tagisan ng Talino at Masining na Pagtatanghal. Sila talaga ang nanguna sa Tagisan ng Talino ngunit dahil sa patakarang hindi maaaring hakutin ng isang guild ang dalawa o lahat ng pwesto roon, kailangang ibigay ito sa susunod sa kanila," nagsimula akong maglakad palabas.
Kung kailangan kong pumunta sa pinagbabawal na lugar sa loob ng silid-aklatan, ngayon ko na dapat gawin habang abala pa ang lahat ng tao.
"Isa rin sa kanila ang nakakuha ng pinakamataas na marka. Ang pagsusulit na ito ay ibinibigay rin sa mga mag-aaral ng Unibersidad ng Mahika bilang kanilang pangwakas na pagsusulit ngunit ni isa sa kanila, walang nakakuha ng markang hihigit dito. Tanging tatlong katanungan lamang ang hindi niya naitama," wala na akong pakialam pa sa sinasabi ng Hari. Sigurado naman akong hindi kami iyon. O kung kami man, baka si Riley ang may pinakamataas na marka.
"Nasagutan niya ng tama ang lahat ng katanungan sa Sipnayan at Agham," nagulat ang ilan sa mga naroon. Madali lang naman kasi ang mga tanong na nandoon. "Hindi ko na papatagalin pa at iniimbitahan ko sa unahan ang mga kalahok mula sa..."
Napahinto ako dahil sa mga sunod niyang sinabi.
"Bandits of the Dead at nais ko ring batiin ang kanilang miyembro na si Yuyami Akatsuki na nakakuha ng pinakamataas na marka sa buong kasaysayan ng Evernight para sa pagsusulit na ito."
Nakatalikod pa rin ako. Hindi ko alam kung ano ba ang dapat kong gawin. Nangangatog ang aking tuhod. Dahil sa kaba? Tuwa? Hindi ko alam.
"Narito ka lang pala," halos mapatalon ako sa gulat nang hinawakan ni Charles ang aking braso. "Tayo na at pumunta roon sa harapan."
Naglakad kami papunta sa harapan. Nadaanan namin ang ibang mga kalahok. Nakangiti kaming sinalubong ni Yerachmiel at ng iba pang mga kalahok maliban kina Erathaol at Pyra na galit sa mundo.
Hindi ata natutuwa sa naging resulta.
"Yuyami," tinawag ng Hari ang aking pangalan na nagpabilis ng takbo ng aking puso. Nagkaroon sila ng kasunduan ni Mama kaya mataas ang posibilidad na kilala niya ako.
Lumingon ako sa hologram na naroon. Sa unang pagkakataon, pinakita ang isang parte ng katawan ng hari. Nasa screen na ngayon ang ibabang bahagi ng kaniyang mukha.
"Binabati kita, sigurado akong ipinagmamalaki ka ng mga magulang mo," nakangiti niyang saad na mas lalong nagpakaba sa akin. Gusto ko siyang irapan ngunit hindi maaari, baka mapatay pa ako.
Naniniwala akong alam niya ang tungkol sa akin at kung ano ba ang ginawa niya kay Mama. Kung sakali mang pasimple niyang sinasabi iyan dahil siya ang ama ko, maraming salamat na lamang ngunit hindi ko matatanggap.
Siya ang nagpahiwalay sa amin kaya wala akong pakialam kung ipinagmamalaki niya ako.
"Marahil hindi mo lamang alam ngunit ganoon ang nararamdaman niya," pinilit kong ngumiti at yumuko kahit sa totoo ay hindi ko nais gawin iyon.
"S-Salamat po," nanginginig kong sabi. Tinapik ni Charles ang likod ko, mukhang naiintindihan niya rin ang nangyayari.
Nag-aalala niya akong tiningnan, pati si Charlotte ay nadamay na rin at sinulyapan ako. Nginitian niya ako. Tumango ako sa kanilang dalawa para ipaalam na ayos lamang ako.
BINABASA MO ANG
A Tale In Evernight [ ✓ ]
Fantasy[ WATTYS 2021 WINNER | Fantasy ] [ TALE #1 ] Noong siya ay musmos pa lamang, laging kinukuwentuhan ng kaniyang ina si Yuyami tungkol sa isang mundong puno ng hiwaga, ang Evernight. Laman ng kuwento nito ang tungkol sa Maleficis, ang dakilang mangkuk...