Chapter XXVIII
UMAWANG ang labi ko, hindi makapaniwala. "Paano po nangyari 'yon?" Hinawakan ni Elias ang nanlalamig kong kamay. "Paanong siya ang ama ko at hindi si Daddy Rafael?"
"Sina Chairman Rowan at Ma'am Talitha ang tunay na magkasintahan. Unang kita pa lang ni Sir Rafael sa mommy mo, nagkagusto na siya. Nabuntis si Ma'am Talitha at akala ni Sir Rafael, anak niya ang nasa sinapupunan nito. Nagpaubaya si Chairman Rowan kahit alam niyang siya ang tunay na ama. Ngunit nang sumapit ang 10th birthday mo, nalaman din ni Sir Rafael ang totoo. Lalo na nang matuklasan pa niyang ikaw ang magmamana ng Gil Group of Companies. Nagalit siya dahil buong buhay niya, alam niyang siya ang tagapagmana niyon. Doon na nagsimula ang lahat ng kalbaryo sa buong pamilya niyo."
Bumigat ang dibdib ko, tila nagpatong-patong na ang mga rebelasyon at hindi makayanan ng isip ko.
"Bakit hindi po sinabi sa akin ni Mommy ang tungkol do'n? Buong akala ko si Daddy Rafael ang ama ko."
Pero masaya ako. Masayang-masaya ako na si Lolo Rowan ang tunay kong ama dahil mula pa noon, dama ko ang busilak niyang pagmamahal sa akin. Parati niya akong tinutulungan sa assignments at projects ko. Maging sa pagsali ko sa chess competition ay suportado niya ako at nagce-celebrate kami sa tuwing nananalo ako. Alagang-alaga niya ko.
"Hindi sinabi sa'yo ni Ma'am Talitha dahil baka sumama ang loob mo at ayaw din niyang magkagulo sa mansion."
"Ibig pong sabihin, silang tatlo lang ang nakakaalam niyon?"
Tumango siya. "Hindi ko rin alam kung bakit hanggang ngayon, hindi sinasabi ni Sir Rafael ang totoo sa pamilya niyo."
"Dahil natatakot siyang mawala ang posisyon niya," buntong-hininga ko. "Na kapag nalaman ko, babawiin ko sa kanila ang lahat."
"Iyon naman ang dapat mangyari, Tatiana. Ikaw ang tunay na tagapagmana ng Gil Group of Companies at wala ng iba."
"Paano po sina Rafael at Vivian?"
"Hindi nahuhusayan si Chairman Rowan kay Sir Rafael sa pagpapatakbo ng business. Marami na rin siyang nahawakan at lahat ay nalugi. Ayaw din niyang si Ma'am Vivian ang mamahala roon dahil hindi naman daw ito madiskarte sa stock market. Ikaw ang huli at bunsong anak, ikaw rin ang kinakitaan ng husay sa business. Highschool ka pa lang, gusto na ni Chairman Rowan na ikaw ang magmana niyon. Mahal na mahal ka niya, Tatiana."
Tuluyan nang bumagsak ang luha sa aking mga mata. "Mahal na mahal ko rin po siya. At sana magising na siya."
"Didinggin ng Panginoon ang ating panalangin. Basta magtiwala lang sa tayo sa butihin Niyang mga gawa."
Yumakap ako sa kaniya. "Maraming salamat po."
"Mabuti kang bata, Tatiana. Kaya hinding-hindi ako magsasawang tulungan ka. Malaki rin ang naitulong sa akin ni Chairman Rowan, lalo na sa pamilya ko. Magiging matapat ako sa inyo hanggang sa dulo ng aking hininga."
Tumango ako at paulit-ulit na nagpasalamat sa kaniya. Kumalas din ako saka nginitian siya.
"Saan ko po mahahanap 'yong pulis na tinanggalan ng trabaho ni Rafael? Sigurado akong alam niya ang lahat ng nangyaring imbestigasyon."
"Sa huling pagkakaalam ko, nasa Mandaluyong siya."
"Sergeant Roche," lingon ko. "I-trace mo na agad ang location niya. Kailangan ko siyang puntahan."
YOU ARE READING
Drops of Divine
General Fiction"One day, we will meet again but only when the time is right. I will be standing in the light. And I'll give you drops of divine." A Captain of special operations unit of French Armed Forces, Tatiana Rae Gilbert acts tough and arrogant, but hides he...