26 : It wasn't a Dream
"Eunice. Eunice!"
Agad akong napatayo pero agad din akong napahawak sa ulo ko nang mauntog ako. Napalingon ako sa gilid ko kung nasaan si Charles. Nagmamaneho siya.
Napalingon ako sa likuran ko at nakita kong nando'n si Richard, at nasa tabi niya si Hershie na natutulog.
Binalik ko ang tingin ko kay Charles. 'Yung isang kamay niya ay nakahawak sa manibela, habang 'yung isa ay nakahawak naman sa balikat ko. Siya 'yung gumising sa akin.
Nakatulog ba 'ko? Nanaginip ba 'ko? Panaginip ba 'yon? Bangungot?
"Ayos ka lang ba?" tanong sa akin ni Charles habang hinihimas-himas ang ulo ko. Saglit akong napapikit dahil napalakas 'yung pagka-untog ko sa bubong ng sasakyan. "Pasensiya na, hindi ko na nalagay 'yung seatbelt mo," aniya.
Nang sabihin niya 'yon, ako na ang nagkabit ng seatbelt sa sarili ko. Pagkatapos tumingin ako sa labas, sa dinadaanan namin. "Anong nangyari?" tanong ko habang hindi tumitingin sa kaniya.
"Hindi ko rin alam, hindi ba dapat ikaw ang tanungin ko niyan?" saad niya kaya napatingin ako sa kaniya. I gave him a what-look. "Bigla ka na lang nawalan ng malay kanina. Anong nangyari sa'yo? Dahil siguro sa puyat 'no? Hindi ka kasi natulog kagabi."
Huminga siya ng malalim habang maingat na binabagtas ang daan. Napatingin ako sa sasakyang nasa harapan namin. Malamang 'yun ang kotseng sinasakyan nila Mandy.
Muli akong napatingin sa labas ng bintana.
"Ubusin niyo sila! Ubusin niyo silang lahat!"
"Nanaginip ako," bigla kong sabi. Alam kong napatingin sa akin si Charles pero hindi ako tumingin sa kaniya.
"Anong napanaginipan mo?" tanong niya.
"Ingay," maikli kong tugon.
Hindi na niya ako tinanong. Siguro alam niyang panaginip lang 'yon at hindi na niya dapat pang alamin kung anong nangyari. Pero kahit tanungin niya kung anong ibig kong sabihin sa sagot ko, hindi ko rin naman alam kung paano ko ipapaliwanag.
Parang totoo.
'Yung sikip sa espasyo kung saan ako galing, 'yung dilim at liwanag na sumalubong sa akin pag-alis ko sa espasyo na 'yon. 'Yung pagdagan sa akin ng mga taong tumatakbo, at 'yung pagtama ng kung anong bagay sa noo ko— pakiramdam ko nangyari talaga lahat sa akin 'yon.
"Saan pala tayo papunta?" bigla kong tanong para mawala na sa isip ko 'yung panaginip na 'yon.
"Sa ligtas na lugar," sagot ni Charles.
"Safe area?"
"Sa mas sigurado at ligtas na lugar," aniya.
Napatingin ako sa radyo at nakuha ko agad ang sinasabi niya. Kung gano'n, lilihis kami ng plano at imbis na sundan ang mapa, mas magpapaka-praktikal kami? Kung iisipin, mas maganda nga siguro kung susundin namin ang sinabi ng boses sa radyo.
Pero hindi ko alam kung dahil ba sa napanaginipan ko, o sadyang hindi lang maganda ang kutob ko tungkol sa pupuntahan namin?
"Malayo-layo pa tayo sa bukana ng probinsya. Kung ganito karami ang bangkay sa daan, mas matatagalan tayo at baka abutin pa tayo ng gabi," ani Richard sa likuran namin. Napalingon ako sa kaniya. "Ayos ka na ba?" tanong niya sa akin.
Tipid akong ngumiti at tumango bago tumingin kay Hershie.
Payapa siyang natutulog habang nakalapat sa balikat ni Richard ang ulo niya.
BINABASA MO ANG
Suicidium
Science FictionSixth Sense Series #3 | There is no such thing as the safest place on Earth. *** A novel. "Death is inevitable, killing is a variable." When an odd and deadly virus spread all over the world, a pharmacist named Eunice has to survive in all means she...