Chapter 1 : The News

922 43 12
                                    

1 : The News




"Naku 'la, hindi nga po kayo p'wedeng bumili ng gamot na sinasabi niyo hangga't wala kayong reseta mula sa doktor," pag-uulit ko sa matandang nasa harapan ng botika, at pilit na bumibili ng gamot.

"Ang dami ninyong kaartehan! Reseta reseta, maka-alis na nga!" Aniya bago nagdadabog na umalis sa harapan ko.

Sanay na ako sa ganitong uri ng mga customer. Iniintindi ko na lang sila dahil nakakainis naman talaga na bumyahe ka pa papuntang botika para lang bumili ng gamot, pero in the end, hindi ka makakabili dahil wala kang hawak na reseta mula sa doktor. Isang masakit na katotohanan na hindi namin p'wedeng palagpasin bilang pharmacist.

Tungkulin namin na ibigay ang mga gamot na hinahanap ng mga mamimili, pero kung ang gamot na gagamitin ay pasok sa listahan namin na kailangan muna dapat ng reseta, hindi talaga namin dapat ibigay. Tulad no'ng lola kanina dito, bumibili siya ng gamot para sa sakit daw sa puso ng asawa niya. Eh kaso, hindi naman namin siya p'wedeng bigyan ng kung anong gamot lang ng walang reseta. Baka mamaya kami pa ang sisihin niya kapag lumala ang sakit ng asawa niya.

"Haggard ka siz?" Tanong sa akin ni Mandy, co-pharmacist ko.

Napa-upo ako sa upuan na nakap'westo mismo sa counter bago pinunasan ang pawis ko na namuo dahil sa tens'yon kanina sa pagitan namin ng matandang babae. Mapilit talaga siya, pero sorry na lang siya dahil mas mapilit ako na hindi p'wede.

"Nakita at narinig mo naman 'yung matandang babae kanina 'di ba? Jusko. Buti na nga lang at sumuko na rin sa wakas. Kung hindi pinahatak ko na siya kay kuya Elmer, nakakastress siya," wika ko.

Si kuya Elmer ang security guard namin sa night shift. 24/7 kasi ang botika na ito kaya naman kailangan talaga ng security guard na hindi madaling makakatulog, presenting, kuya Elmer.

Sa buong panahon ng pagttrabaho ko rito sa Arellano Pharmacy, never ko pang nakita na nakatulog o humikab itong si Kuya Elmer habang nasa trabaho. Madalas ko siyang nakikitang nagkakape, pero hindi naman siguro sapat ang kape lang para hindi makatulog hindi ba? Kahit pa may laman na caffeine ang kape at nabibilang sa mga stimulants.

"Siz, pang ilan na ba 'yang si lola sa mga naka-engkwentro mo sa araw na 'to," tanong ni Mandy habang inaayos ang mga box ng gamot sa ilalim ng counter. Nakayuko siya at halatang hirap na hirap sa ginagawa dahil sa suot naming damit.

"Luckily, siya ang una. And hopefully, siya na ang huli para sa araw na 'to. Hindi ko na kakayanin pa kung may isang tao na pumasok dito sa loob ng botika, maghanap ng gamot na wala naman siyang reseta, at ipagpilitan ang gusto niya," sabi ko kaya naman natawa ng kaunti si Mandy. "Anong nakakatawa?"

"Ikaw," aniya kaya bahagya akong napakunot ng noo. "Kung makapagsalita ka, parang hindi ka pharmacist. Siz, paalala ko lang sa'yo, tungkulin natin na makipag-away sa mga customer na makukulit at hindi maka-intindi," saad niya kaya naman napabuga ako ng hangin mula sa bibig.

"Alam ko 'yon Mandy. Pero hindi ba, kahit sanay ka na sa mga gano'ng bagay, nakakapagod pa rin. Lalo pa tayo na 24 hours kung magtrabaho. Sabado nga lang ang pahinga natin tapos araw-araw pa tayong makikipagtalo sa mga pasaway na customer," ani ko bago tumayo muli at tumulong sa pag-aayos ng mga box.

May mga bagong deliver kasi ng mga gamot, kaya naman ang daming nakatengga na kahon ngayon sa loob ng botika. Buti na lang talaga at kasama namin si kuya Elmer, siya na ang nagbuhat ng ibang mga kahon para maipasok dito sa botika mula sa delivery truck.

"Kuya Elmer, baka gusto mo munang magkape? Mag-aalas dos na ng madaling araw," pag-aalok ni Mandy kay kuya Elmer kaya napatingin ito sa gawi namin. Tumango ito ng marahan bago magpaalam sa amin na bibili lang ng kape sa katapat na convenient store na 24/7 din na bukas.

"Hindi ba't kakainom lang niya ng kape?"

Mula sa likuran ng counter ay lumabas si Claude, isa pa sa mga pharmacist na kasama ko sa botika na 'to.

"Hayaan mo lang siya, for security and safety natin siya kaya kailangan gising na gising ang diwa niya," ani Mandy. "Teka nga, saan ka ba galing? Si Kuya Elmer tuloy ang nagbuhat ng mga box na 'to. Dapat ikaw ang gumagawa no'n 'di ba?" Panunumbat ni Mandy kay Claude kaya napatakip siya sa tainga niya.

"Galing ako sa likod. May mga expired na kasi na mga gamot do'n. Remember? Sinabihan ako ni Sir Arellano na tanggalin na ang mga gamot do'n sa likod dahil matagal na raw nakatambak?" Depensa ni Claude.

Si Sir Arellano, obviously, ang may-ari nitong Arellano Pharmacy. Byudo na siya at walang naging anak sa namatay niyang misis kaya naman ang pharmacy na lang na ito ang pinagtutuunan niya ng pansin. Kada araw pumupunta siya rito para icheck ang lagay ng botika at ng mga pharmacist niya. Mabait siya at mahaba ang mga pasensya, isa rin siyang doktor kaya naman kwalipikado siyang magtayo ng pharmacy.

Inirapan ni Mandy si Claude kaya agad na sinuyo ni Claude si Mandy.

"Beloves, ikaw naman. Tampo ka agad. Miss mo agad ako ano?" Malokong saad ni Claude kaya agad siyang sinuntok ni Mandy sa dibdib.

"Miss ka diyan," iritableng wika ni Mandy kaya natawa si Claude sa kaniya.

"Kayo talaga. Naglalandian kayo sa harapan ko. Hindi na kayo nahiya sa mga tulad kong single, justice please," sabi na kunwari ay nandidiri sa nakikita ko.

"Gaga! Single ka riyan. May choice ka naman na kasing sagutin 'yang si Charles, pero ano? Naghihintay ka pa ng 'sign' . Eh kailan pa dadating 'yon? Kapag gumuho na ang mundo?" Ani Mandy habang gumagawa ng intimidating na tono ng pananalita.

"Tse!" Tangi ko na lamang saad.

Bumukas ang pintuan ng botika, niluwa nito si kuya Elmer na pinapalo ang kaniyang balat. May hawak siyang styro cup na sa tingin ko may laman na kape dahil ingat na ingat siya sa paghawak dito pero at the same time may binubugaw siya.

"Ang daming lamok sa labas! Tingin ko uulan," aniya habang pinapakpak pa rin ang mga lamok na dadapo sa balat niya.

"Buksan niyo nga 'yung TV, ang boring-boring ng gabi natin. Sobrang tahimik," wika ni Mandy kaya agad na kinuha ni Claude ang remote mula sa ilalim ng counter at binuksan ang TV.

Ang TV lang ang nagbigay ng ingay sa loob ng botika bukod sa nakabukas na aircon. Naka-ilang hikab na rin ako dahil walang senyales na may papasok pang customer. Gusto ko sanang matulog, pero hindi ko magawa dahil namomonitor kami ni Sir Arellano. Kalat pa naman sa botika ang mga CCTV at kapag pumupunta siya rito ay nirereview niya ang mga iyon. Galit pa naman siya sa mga tamad na pharmacist.

"Ang lamok talaga!" Dinig ko pang palatik ni kuya Elmer habang nagkakamot sa leeg at braso niya.

"Magkakatol na ba tayo?" Tanong ko.

"Siz, kapag nagkatol ka rito, iikot lang 'yung usok at mangangamoy sa buong botika. Baka hindi na pumasok ang customer dito dahil sa amoy ng usok," agad na tutol ni Mandy.

Nagkibit balikat na lang ako at hindi na nagsalita pa. Bagkus, nakinig na lang ako sa balita sa TV. Nakakamangha lang na kahit alas dos pa lang ng madaling araw, mayroon ng balita.

"Ayon sa World Health Organization, nakatala na ng humigit-kumulang isang daang kaso ng suicide ang bansang Taiwan. Bukod pa dito ang nasa sampung kaso ng suicide sa Indonesia, at limang kaso sa Malaysia. Sa ngayon, nagaganap ang mga pagsusuri at pananaliksik kung bakit lumolobo ang bilang ng suicide case sa mga nasabing bans--."

Namatay bigla ang TV kasabay ng ilaw at ng aircon. Biglang dumilim pero agad namang bumalik ang ilaw matapos ang ilang minuto. Maya-maya pa, pagbalik ng ilaw ay biglang tumumba sa sahig si kuya Elmer at tumapon ang kape sa puti at malinis na sahig. Nangingisay siya kaya hindi namin siya agad nalapitan.

"Kuya Elmer!?"

SuicidiumTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon