Warning : SPG. Hindi dahil may bed scene, kundi dahil sa tema. Kung hindi mo kaya magbasa ng psychotic story, leave now. Kung makulit ka, then continue. But you've been warned.
- - -
2 : Injection
"Tumawag ka ng ambulansya! Bilis!" Sigaw ni Mandy kay Claude kaya si Claude, dali-daling nilabas ang cellphone mula sa bulsa at mabilis na nagtipa ng numero.
Natataranta kaming nakatingin kay kuya Elmer na ngayon ay nangingisay sa sahig. Hindi ko maipaliwanag ang itsura niya pero tumitirik ang mata niya at sobrang namumula ang balat. Hindi naman namin siya mahawakan dahil sobrang nakakatakot at hindi namin alam ang dapat naming gawin.
Oo may pinag-aralan kami sa medisina, pero sa mga gamot lang ang abot ng mga tulad namin. Lalo pa't sa sitwasyon ni Kuya Elmer, kung makikialam ang isa sa amin, baka lumala lang lalo ang lagay niya kaya mas mabuting ang mga eksperto na ang kumuha at sumuri sa kaniya mula rito.
"Padating na sila," ani Claude habang nakahawak ng mahigpit sa cellphone niya.
Wala kaming nagawa kundi ang maghintay na dumating ang ambulansya. At nang dumating ito, agad nilang isinakay si kuya Elmer, saka kami sumama papunta sa ospital. Naiwan si Claude para magbantay sa pharmacy at para ibalita kay Sir Arellano ang nangyari.
Namumula pa rin ng sobra ang balat ni kuya Elmer habang binibigyan siya ng mga paunang lunas. Para siyang pulang lobo na malapit ng pumutok.
"Ang init niya!" Gulat na saad ng isang nurse nang dumampi ang palad niya sa balat ni kuya Elmer.
Dahil sa sinabi niya, doon ko naisip na kaya pala mapula ang balat niya ay dahil mataas din ang temperatura niya.
"A-ayos lang ba siya?" Tanong ni Mandy sa dalawang nurse na nasa loob ng ambulansya at binibigyan ng first aids si Kuya Elmer. Chinecheck din nila ang mga hindi pamilyar na bagay tulad ng pulso ni kuya Elmer at kung humihinga pa ba ito. Ito ang unang beses ko na sumakay sa ambulansya, at sobrang nakakatakot pala. Hindi dahil mabilis ang takbo, pero dahil sa kaba na mararamdaman mo dulot ng vibes na dala nito.
"Hindi namin alam, sa ngayon, kailangan na madala natin agad siya sa ospital. Feeling ko kasi malala na ang lagay niya. Sobrang init niya. Lagpas na ito sa normal na init ng tao kapag nilalagnat," wika ng isa pang nurse kaya napahawak si Mandy sa kamay ko. Marahan pa niya itong hinigpitan kaya tumugon din ako ng higpit para iparamdam sa kaniya na parehas kami ng nararamdaman.
Dahil madaling araw, walang mas'yadong kotse sa kalsada kaya hindi kami nakaranas ng traffic.
Madaliang ibinaba ng ambulansya si kuya Elmer na ngayon ay tumigil na sa pangingisay. Bahagya ring bumalik sa normal ang kulay ng balat niya kaya sigurado akong bumaba na rin ang temperatura ng katawan niya, sana.
Isinakay siya sa de gulong na higaan at dinala kaagad sa emergency room. Wala kaming nagawa ni Mandy kundi ang umupo sa waiting area at hintayin kung anong mangyayari. Gusto sana naming bumalik sa pharmacy para matanong si Claude kung anong sinabi ni Sir Arellano. Kung pupunta ba siya rito o hindi. Siya lang kasi ang nakaka-alam kung sino ang mga kapamilya ni kuya Elmer dahil kaibigan ni Sir Arellano ang kapatid nito.
"Magiging okay lang kaya siya?" Tulalang tanong ni Mandy. Mukhang pati siya, hindi makalimutan ang itsura ni kuya Elmer kanina.
"Siguro. Hi-hindi ko alam," tangi ko na lamang tugon.
Walang nagsalita sa amin. Tanging tunog ng mga takong ng mga naglalakad na nurse at mga bumibisitang kamag-anak o kakilala ng mga pasyenteng naka-admit dito ang naririnig namin. Kinakabahan pa rin ako. May parte sa akin na sinasabing baka hindi na maging ayos pa si kuya Elmer dahil sa itsura niya kanina. Pero mas kinakabahan ako kung mangyayari 'yung hinala ko na 'yon.
BINABASA MO ANG
Suicidium
Science FictionSixth Sense Series #3 | There is no such thing as the safest place on Earth. *** A novel. "Death is inevitable, killing is a variable." When an odd and deadly virus spread all over the world, a pharmacist named Eunice has to survive in all means she...