Chapter 29 : Infected On-board

174 14 0
                                    

29 : Infected Onboard




"Aray!" daing ko nang may maapakan akong sanga sa dinadaanan namin.

"Ayos ka lang?" tanong ni Charles nang makalapit siya sa akin. "Be careful," paalala pa niya. Tumango lamang ako pero hindi na siya umalis pa sa tabi ko.

Naglalakad na kami ngayon sa gubat. Papunta itong dinadaanan namin sa ilog, kung saan kami tinuro ng mapa. Hindi ko man alam kung anong naghihintay sa amin, ang alam ko lang ay malaking tulong na may kasamang kaming alam na ang daan patungo sa lugar na pupuntahan namin.

Napatingin ako sa aming lahat na maingat na tinatahak ang gubat.

Naka-alalay maigi si Jiro sa asawa niya dahil baka matapilok ito o matisod sa daan.

Si Richard naman, nasa likuran nila Aries at Hershie. Karga-karga ni Aries ang anak niya para mas mabilis silang makapaglakad. Nangunguna sila dahil mas alam ni Aries ang daan dito. Isa pa, mas mabuti nang makinig kami sa kaniya dahil wala na kaming iba pang pagpipilian ngayon.

Nakita ko si Randy sa pinakalikuran namin. Kung si Aries ang guide sa harap, siya naman ang guide sa likuran namin. Para kung sakali man na may humabol sa aming mga infected, malalaman agad namin sa kaniya.

Hindi na namin dinala ang mga sasakyan dahil hindi na kasya rito sa kakahuyan. Bagkus, mga pagkain at iba pang kakailanganin na lang ang dinala namin. Ang sabi ni Aries, mas maganda kung hindi kami magdala ng maraming bagahe. Nagkaro'n pa ng kaunting pagtatalo kanina nang sabihin niya 'yon.

Lahat ng dala namin ay kailangan. Hindi namin luho 'yon.

Pero matapos ang ilang diskusyon, natapos din kami sa usapin na 'yon at napagkasunduang dalhin na lamang ang mga pagkain at kaunting damit. Sa ngayon, wala na kami pang ibang dala bukod do'n at sa mga gamot na nakuha namin ni Richard mula sa pharmacy.

Sa harap ni Randy, nakita ko si Mandy at Maldi na sabay na naglalakad.

Nakatingin nang diretso si Mandy sa dinadaanan. Hawak-hawak niya sa kaliwang kamay ang kanang kamay ni Maldi para alalayan ito. Hindi ko alam kung anong nasa isip niya, pero alam kong hindi pa rin siya ayos.

"Tumingin ka sa dinadaanan natin, baka matisod ka," sabi ni Charles kaya napatingin na ako sa dinadaanan ko.

Med'yo mamasa-masa ang lupa dahil sa pag-ulan kagabi. Mabuti nga't hindi na umuulan ngayon. Nakakapaglakad kami ng maayos. Ang tangi lang naming problema ay ang mga sanga at malalaking bato sa daan.

"Malapit na tayo," sabi ni Aries. Saglit niya kaming nilingon bago muling bumalik sa paglalakad.

Ilang segundo pa, palawak nang palawak ang tinatahak namin na lugar. Kasabay nito, narinig namin ang alon ng malakas na pagdausdos ng tubig. Mukhang malapit na nga kami sa ilog.

Bumungad sa amin ang sariwang hangin at amoy ng tubig mula sa ilog. Mas malalaki ang mga bato sa ilog na 'yon, pero halatang malalim 'to. Malawak din ang lugar, at hindi tanaw kung saan galing at kung saan papunta ang ragasa ng ilog.

Lahat kami ay napa-upo dahil napagod kami sa paglalakad. Mukha mang malapit 'yung ilog kapag nasa malayo ka, taliwas naman ito kapag nilakad mo na. Halos isang oras yata kaming naglalakad para lang marating ang ilog sa mapa.

"Tubig," alok sa akin ni Charles bago niya iabot sa akin ang isang bottled water. Tingin ko, ito pa 'yung tubig na nakuha namin sa grocery store kung saan namin nakita si Hershie. Tipid na tipid kami dahil hindi namin alam kung kailan kami magkakaro'n ulit ng chance makakuha ng mga ganitong supply.

Uminom ako ng hanggang kalahati, bago 'yon binalik sa kaniya. Siya ang uminom ng kalahating natira pa.

"May problema tayo," biglang sabi ni Randy kaya napatingin kaming lahat sa kaniya.

SuicidiumTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon