Epilogue

300 15 1
                                    

Epilogue.



Nakatulala ako at hindi ko alam kung anong uunahin kong isipin. Sa dami ng sabay-sabay na pumapasok sa utak ko, tila naging blangko ang utak ko.

Umiiyak si baby Yam na hawak-hawak ko gamit ang dalawang kamay ko na nababalutan ng dugo, pero hindi ko siya magawang patahanin. Ilang minuto pa, naramdaman ko na lang na may kumuha kay baby Yam kaya agad akong bumalik sa wisyo.

Nakita ko si Richard na hawak-hawak na ang sanggol at pinapatahan. Unti-unting tumigil si baby Yam sa pag-iyak, hanggang sa tuluyan na itong makatulog. Pagkatapos, nilingon ako ni Richard.

Simpleng ngiti ang binigay niya sa akin, pagkatapos marahan niyang tinapik ang likod ko, hanggang sa bigla na lang akong umiyak. Tuloy-tuloy. Sa dami ng dahilan ko para umiyak, wala sa isip ko ang huminto.

"Magiging ayos din ang lahat," mahinang saad ni Richard.

Mas lalo akong naiyak nang tingnan ko ang mga kasama namin sa loob ng helicopter, at wala ang mukha ng taong dapat kasama kong nakangiti ngayon habang sinasabi ang mga salitang, "ayos na ang lahat. Ligtas na tayo."

Paano?

Paano magiging maayos ang lahat kung ang taong dahilan kung bakit ako buhay ngayon, ay wala na?

1 HOUR BEFORE THE RESCUE.

"Eunice kailangan kong hanapin si Jiro. Hindi ko alam kung ano na ang nangyari sa kaniya. Ilang araw na kaming hindi nagkikita," sabi ni Alex sa akin. Natataranta siya habang buhat-buhat ang anak niya.

"Alex kumalma ka. Maghintay pa tayo saglit, alam kong mahahanap din nila tayo," sagot ko. Pinilit ko siyang pakalmahin dahil matatakot 'yung baby kung hindi siya kakalma.

"Hindi ko talaga kayang kumalma, Eunice," aniya bago lumapit sa akin. Inabot niya sa akin si baby Yam kaya nanlaki ang mga mata ko.

"Anong binabalak mo, Alex? Saan ka pupunta? Alex!"

Ilang beses ko siyang tinawag pero hindi na niya ako nilingon nang iangat niya 'yung harang ng shop na pinagtataguan namin. Mabilis siyang tumakbo na tila hindi natatakot sa kung ano mang nasa labas ng shop kung nasaan kami.

Mabuti na lang at nawala na 'yung mga infected sa area namin kaya mabilis at ligtas siyang naka-alis. Pero hindi ko na sigurado kung ligtas pa siya sa mga dadaanan niya.

Kani-kanina lang, nakarinig kami ng sunud-sunod na putok ng baril. Parang may mga nagbabarilan sa unang floor ng mall kaya hindi ko masisisi si Alex kung bakit nag-aalala na siya sa asawa niya.

Naisip ko na ring hanapin si Charles kanina, pero hindi ko magawa dahil kailangan kong protektahan ang mga kasama ko.

Napatingin ako sa sanggol na hawak ko. Tahimik itong natutulog. Hinele-hele ko pa ito bago ako napatingin sa dalawang bata na kasama ko pa sa loob ng shop.

Gusto kong hanapin si Charles. Gusto kong malaman kung ligtas ba siya, kung nasaan na siya. Kung nahanap na ba niya ang iba pa naming mga kasama. Pero ang priority ko ngayon ay ang mga bata na kasama ko. Hindi ako p'wedeng magpadalos-dalos ng desisyon.

Napabuga ako nang hininga dahil sa pressure na nararamdaman ko.

Habang hinehele si baby Yam, hindi ako mapakali. Hindi ko alam kung anong nangyari sa iba naming mga kasama, hindi ko alam kung may makakahanap pa ba sa amin.

Bigla akong napahinto nang maalala ko ang sinabi ni Aries sa akin bago kami nagkahiwalay.

Rooftop.

SuicidiumTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon