20 : Police Survivor
Randy's P.O.V.,
"Maiwan ka rito Corpuz. May nagaganap na hostage taking sa isang subdivision sa may Muntinlupa. Kailangan ka namin dito para sa interrogation sa isang kriminal. Hintayin mo si Chief. Siya ang may dala sa kriminal na sinasabi ko," ani ni PO2 Rodriguez, isa sa mga kasamahan ko sa station na 'to.
Tumango ako at nanatiling naka-upo sa main desk. Sa p'westo na ito, mas madali kong makikita kung may papasok sa police station. Nag-aanalyze rin ako ng mga records at profiles ng mga na-detained na preso rito sa istasyon namin.
"Mauna na kami," muling paalam ni Rodriguez. Muli akong tumango bago sila lumabas ng istasyon. Sakay sila ng police mobile hanggang sa mawala sila sa paningin ko.
"Umalis na sila?" Tanong ng bagong saltang pulis na si PO1 Santos. Bago lang siya sa istasyon namin. Dito agad siya pinadala sa istasyon na 'to dahil hindi kami gaanong humahawak ng malalaking kaso. Pwera sa aaksyunan nila Rodriguez na hostage taking ngayon.
"Oo," tangi kong saad.
Hindi lang ako at si Santos ang natira sa station na 'to. May dalawa pa kaming kasama. Parehong nasa labas.
"Gusto mo ng kape?" Tanong sa akin ni Santos. Bata-bata pa ito, fresh graduate rin kasi. Kaya ganito kabait dahil baguhan pa lang, magaling makisama. Kahit pa utusan lang ang tingin sa kaniya ng ibang mga pulis dito.
Umiling ako. "Hindi na. Ako nalang ang magtitimpla," sabi ko bago tumayo. "Ikaw muna magbantay dito ha?" dagdag ko pa.
"Ako bahala!" Aniya bago pabirong sumaludo. Bahagya akong napangiti dahil sa ginawa niya. Kahit maliit na bagay lang ang pagbabantay sa front desk, natuwa na agad siya ro'n.
Palibhasa, dahil baguhan, ayaw siyang papuntahin sa mga aksyon. Sabi ng mga kasama kong pulis, mukhang hindi pa raw handa si Santos sa mga bakbakan kaya hindi muna nila ipapadala sa mga laban. Gayunpaman, tingin ko may magandang kapalaran sa pagpupulis si Santos. Magaling siyang makisama, malaking bagay 'yon sa pagsulba ng mga krimen.
Pumunta ako sa maliit na kusina sa loob ng istasyon. Wala kaming preso ngayon dahil kakalaya lang mga mga binatilyong nahuli namin kaninang umaga. Lahat sila nagbugbugan sa kalye kaya nahuli. Hindi sila sumunod sa curfew kaya ilang araw din silang namalagi sa istasyon na 'to.
Nagtimpla ako ng kape. Mabuti't may supply kami ng kape at mainit na tubig. Kahit gabi na hindi kami nakakatulog. May shift naman kami rito, pero madalas, nanatili pa rin ako rito. Ayokong umuwi dahil wala naman akong kasama. Binubuhay kong mag-isa ang sarili ko. Mas gusto kong nakatambay sa istasyon kapag free time ko. Kaysa manatili sa bahay at manood ng TV buong araw.
Napahinto ako sa paghahalo ng kape nang makarinig ako ng putok ng baril.
Hindi ko alam kung sino sa mga kasamahan ko ang nagpaputok, pero sigurado akong malapit lang sa istasyon ang bumaril.
Iniwan ko muna ang ginagawa ko at pumunta na ako sa front desk. Nakita ko si Santos doon na parang napako sa kinatatayuan niya. Nanlalaki ang mga mata niya habang nakatingin ng diretso sa labas ng istasyon.
"Anong nangyari?" Tanong ko sa kaniya. Pero imbis na sumagot, tinuro lamang niya ang labas.
Sinundan ko nang tingin 'yon.
Sabay sa pagtingin ko ang sunud-sunod na putok ng baril. Umalingawngaw ang mga 'yon sa labas ng istasyon. Nakita ko ang dalawang kasamahan naming pulis sa labas. May pinapuputukan sila ng baril. May mga taong pilit silang ginugulpi at kinukuyog. Hindi ko alam kung ano ang nangyayari, naguguluhan ako pero sigurado akong wala sa katinuan ang mga lumalapit sa mga kasamahan ko.
BINABASA MO ANG
Suicidium
Science FictionSixth Sense Series #3 | There is no such thing as the safest place on Earth. *** A novel. "Death is inevitable, killing is a variable." When an odd and deadly virus spread all over the world, a pharmacist named Eunice has to survive in all means she...