Chapter 32 : The Yes

175 17 0
                                    

32 : The Yes



"Huminga ka nang malalim Alex, hinga," sabi ni Richard nang tuluyang makahiga si Alex sa isang parte ng bahay kung saan kami napadpad. Hindi ko alam kung sala ito, o kung anong parte ng bahay dahil madilim.

Ilang beses impit na sumigaw si Alex dahil sa sakit na nararamdaman niya sa tiyan niya. Hinawakan ko ang kamay niya at hinayaang pisil-pisilin niya ito para mailabas niya kahit papano ang kirot na nararamdaman niya.

Napatingin si Richard kay Jiro na nasa tabi rin ni Alex. Hawak naman ni Jiro ang kabilang kamay niya. Kahit madilim, ramdam ko ang pag-aalala ni Jiro sa asawa niya.

"Eunice, kailangan ko ng maligamgam na tubig at bimpo o tuwalya, dali!" utos ni Richard kaya agad akong tumayo.

Tinanggal ko sa pagkakasukbit sa likuran ko ang bag na bitbit ko. Nilabas ko lahat ang laman no'n dahil natataranta ako. Pinagpapawisan ako kahit na malamig sa lugar na 'to.

Agad kong kinuha ang isang malaking bottled water, at manipis na tuwalya sa mga gamit na nasa bag ko. Lumapit ulit ako kay Richard at sinabing, "hindi ko alam kung ayos na 'tong tubig na 'to—"

"Ayos na 'yan," aniya bago kuhain sa akin ang bote ng tubig. "Alex, huminga ka ng malalim, sundin mo ang mga sasabihin ko," sabi ni Richard habang pilit na pinapakalma si Alex. Pina-inhale exhale niya ito ng ilang beses.

Sa aming lahat, si Richard ang pinaka-capable na makapagpa-anak kay Alex. Kaya wala na kaming ibang pagpipilian pa.

Agad akong napatayo nang marinig namin ang ingay na nanggagaling sa pintuan ng bahay. Nando'n si Aries, Charles at Randy, pero pinuntahan ko pa rin sila.

Pagdating ko sa may pintuan, nakita ko silang tatlo na pilit dinadaganan ang pinto para hindi makapasok 'yung kung sino mang nasa labas. Hindi ko alam kung paano, pero mukhang nasundan kami ng mga infected.

"Eunice! Hanapan mo ng ibang lugar sila Richard. Hindi ko alam kung hanggang kailan na lang namin mapipigilan sa pagpasok 'tong mga 'to. Dali!" sigaw ni Charles sa akin.

Tumango lang ako at mabilis na bumalik sa pwesto kung nasaan sila Richard. Natisod pa ako dahil madilim ang lugar, pero hindi ko pinansin 'yon.

"Kailangan niyong lumipat ng lugar," saad ko. Palakas nang palakas ang tibok ng puso ko. Sa bawat kalabog na nanggagaling sa pintuan, at sa bawat impit na sigaw ni Alex, natutuliro ako at hindi ko alam kung anong dapat kong unahin.

Tumayo ako at pilit na kinapa ang mga bagay sa madilim na lugar. Nakapa ko ang bag ko kaya kinuha ko ro'n ang flaslight, at inilawan ang kabuuan ng bahay na pinasukan namin. Halatang luma na ito dahil sa mga sapot ng gagamba sa bawat sulok. Gawa sa kahoy ang interior ng bahay, at hindi na katiwa-tiwala ang kisame at sahig dahil maaari ng masira sa isang maling hakbang.

Maingat ako naglakad patungo sa pinakamalapit na pintuan. Nang makalapit, dahan-dahan kong binuksan 'yon. Nakita kong maluwag na espasyo lamang 'yon, at may mga gamit na nakatakip ng puting tela.

Kung sino man ang may-ari ng bahay na 'to, malamang matagal ng umalis dito.

"Richard! Dito!" sigaw ko.

Maingat na binuhat ni Jiro si Alex papunta sa loob ng k'warto. Sinarado ko ang pintuan at siniguradong naka-lock muna ang doorknob bago ko gawin 'yon. Hingal na hingal ako, pawis na pawis at natataranta. Nang makita ko si Mandy at Maldi, dagli ko silang nilapitan.

"K-kaya mo pa bang maglakad?" tanong ko kay Mandy. Naka-upo siya sa sahig at yakap-yakap si Maldi.

Sinubukan niyang tumayo pero kahit inalalayan ko na siya ay hindi pa rin niya nagawa.

SuicidiumTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon