Chapter 40 : Final Chance

199 12 0
                                    

40 : Final Chance


9 HOURS BEFORE THE RESCUE.

Sa dami ng nangyari sa amin, paano kami makakahakbang pasulong?

Ilang oras na ang nakalipas nang muli naming subukan bumalik sa mga kasamahan namin, sa supermarket. Ilang beses ulit kaming napahinto sa iba't ibang parte ng mall dahil sa mga infected na pagala-gala.

Sa sobrang dami ng mga infected sa mga daang dapat naming dadaanan, napipilitan kaming humanap ng ibang ruta.

Kung tutuusin, hindi naman kami dapat nahihirapan nang ganito sa paghahanap ng daan pabalik sa supermarket. Pero sa laki ng mall, at sa dami ng pasikot-sikot sa gusaling 'to, mas nahihirapan kaming makabalik sa grupo namin. Idagdag mo pa na nag-iingat kami mula sa mga infected at sa mga magnanakaw na pagala-gala pa rin sa loob ng mall.

Gabi na. Malalim na ang gabi. Pasalamat na lang talaga kami na hanggang ngayon may kuryente pa rin sa loob ng mall, hindi kami nahihirapang maglakad at magpalipat-lipat ng pwesto.

Nakarinig kami ng yabag ng paa kaya napahinto kami sa paglalakad. Sinenyasan kami ni Randy na huwag kikilos at gagawa ng kahit ano mang ingay. Pagkatapos umabante siya para agad na matutukan ng baril 'yung kung sino mang paparating sa gawi namin.

Kung sino man 'yon, halatang nag-iisa siya dahil wala kaming marinig na ibang ingay bukod sa pagtakbo niya sa pasilyo kung nasaan kami malapit.

Pina-urong kami ni Aries, pinapunta niya kami sa likuran niya. Habang tumatagal mas umiinit ang pakiramdam ko, pero agad 'yong nawala nang makita na namin kung sino 'yung tumatakbo.

Gaya ng inaasahan, agad na tinutukan ni Randy ng baril 'yung dumating kaya napahinto agad ito sa paglalakad. Nang lumingon ito sa amin, itinaas niya ang magkabilang kamay niya.

"Randy!" bulalas nito kaya agad siyang hinatak ni Randy papunta sa pinagtataguan namin. "Ilang oras ko na kayong hinahanap! Ilang beses na rin akong dumaan sa parteng 'to ng mall, pero bakit ngayon ko lang kayo nakita rito?" sunud-sunod na saad ng lalaki.

Nang masigurong nasa ligtas na lugar na kami, tsaka hinarap ni Randy 'yung lalaking akala namin kung sino na tumatakbo papalapit kanina sa pwesto namin.

"Jiro. Bakit ka nandito? Anong ginagawa mo rito? Nasaan na 'yung iba?" tanong ni Randy sa kaharap niya. Halatang hingal na hingal si Jiro dahil sa mabibigat na paghinga niya at tagaktak na pawis sa noo at batok.

Nang maging maayos at normal na ang paghinga niya, tsaka lang siya nakapagpaliwanag sa amin.

"Alalang-alala kami sa inyo. Ilang oras na no'ng naghiwalay tayo para harangan niyo 'yung entrance ng mall, pero hindi pa rin kayo bumabalik," sabi ni Jiro pagkatapos ay napatingin siya sa akin. "Binalak ni Mandy na hanapin kayo, pero pinigilan ko siya dahil sa lagay ng binti niya."

Nagkatinginan kami ni Charles.

"Na-nasaan sila ngayon? Nasa supermarket pa rin ba sila? Ligtas pa ba sila?" nagmamadali kong tanong.

"No'ng umalis ako, iniwan ko sila sa supermarket. Umaasa ako na nando'n pa rin sila at ligtas," sagot ni Jiro.

Hindi ko alam kung anong meron, pero bigla na lang ako nakaramdam ng kaba kaya bigla akong napahawak sa balikat ni Randy.

"Kailangan na natin silang balikan. Wala na akong pakialam kung may mga magnanakaw pa tayong makasalubong, o kung may mga infected man tayong madaanan," madiin kong saad. "Ang importante sa akin ngayon ay makabalik sa kaibigan ko."

Nagkatinginan kaming lahat. Alam kong kahit itago man nila, kinakabahan sila. Wala kaming alam sa kung anong naghihintay sa amin sa mga oras na 'to. Ang alam lang namin, desperado na kaming lahat na makabalik sa mga kasamahan namin at maka-alis sa lugar na 'to.

SuicidiumTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon