35 : Who's hungry?
3 HOURS BEFORE THE RESCUE.
Takbo.
Bilisan mo pa.
'Wag kang titigil.
Hindi ka p'wedeng tumigil.
Hingal na hingal na ako at hindi ko na alam kung saan ako liliko sa tuwing makakakita ako ng kaliwa't kanan. Pakiramdam ko sasabog na ang puso ko.
Ilang oras na lang.
Malapit nang dumating ang tulong. Pero pakiramdam ko malapit na ring dumating ang katapusan ko. Sa bawat hakbang ko, sa bawat paghinga ko, sa bawat pagpipigil ko ng luha, mas lalong bumibigat ang pakiramdam ko.
Hindi ko alam kung nasaan na ako. Hindi ko na alam kung saan ako pupunta. Kung nasaan na ang mga kasama ko. Kung nasa'n si Mandy. Kung nasa'n si Charles. Ang alam ko lang, tumakbo ako nang tumakbo hanggang sa makarating ako sa isang store. Parang clothing shop.
Nagpalinga-linga ako sa paligid. Magulo, oo. Wala namang bago sa ganitong itsura. Kalat-kalat ang lahat—mas madali akong makakapagtago sa lugar na 'to.
Pigil na pigil ang luha, pumasok ako sa isang closet. Puno ng damit ito kaya habang umuupo ako, pinagkukumpul-kumpol ko ang mga damit sa harapan ko. Sa ganitong paraan, mahihirapan 'yung mga humahabol sa akin na mahanap ako.
Mabilis kong sinarado 'yung pintuan ng closet.
Ang tahimik.
Sa sobrang tahimik, naririnig ko ang impit kong iyak, ang limitado kong paghinga, at ang tibok ng puso ko. Tinalasan ko ang pakiramdam ko. Unstable na ang bilis ng tibok ng puso ko dahil pakiramdam ko, ilang minuto na lang, mahahanap na ako ng mga humahabol sa amin.
Gusto ko nang lumabas sa pinagtataguan ko at hanapin sila Charles, pero hindi ko magawa dahil hindi pa tiyak ang kaligtasan ko. Ang alam ko lang, kailangan kong makapunta sa rooftop bago pa mahuli ang lahat.
Napagitla ako at agad kong pinigilan ang paghinga ko nang makarinig ako ng mga yabag malapit sa akin— papalapit nang papalapit, hanggang sa takpan ko ang bibig ko na animo'y may ingay itong ginagawa kahit wala naman.
Ramdam na ramdam ko ang pag-agos ng dugo sa mga ugat ko dahil sa malakas na tibok ng puso ko. Pinagsamang kaba at hingal—sinong hindi kakapusin ng hininga sa ganitong sitwasyon?
"Miss beautiful, nasaan ka na?" dinig kong tanong ng humahabol sa akin. Mapaglaro ang tono ng boses niya, at alam kong malapit na siya sa lugar ko base sa pinanggalingan ng boses. "Hindi pa tayo tapos sa habul-habulan, nagbago ka na ng laro? Hide and seek na ba miss beautiful?"
Huminga ako nang malalim at dahan-dahan.
Pawis na pawis na ako at med'yo nangangalay na ako sa pwesto ko pero nanatili akong hindi gumagalaw. Isang maling galaw lang na makakalikha ng kahit mahinang tunog, paniguradong katapusan ko na.
"Miss beautiful..." Kumanta-kanta ito habang nararamdaman ko ang maya't mayang paglalakad niya sa lugar. Tingin ko, alam niyang nandito ako. "Malapit na 'ko... alam ko na kung nasaan ka..."
BINABASA MO ANG
Suicidium
Science FictionSixth Sense Series #3 | There is no such thing as the safest place on Earth. *** A novel. "Death is inevitable, killing is a variable." When an odd and deadly virus spread all over the world, a pharmacist named Eunice has to survive in all means she...