27 : Headshot, Her Father
Maraming taong nadudulas dahil sa basa na ang kalsada. Hindi na natapos ang sigawan sa buong paligid, kasabay ang ingay ng mga putok ng baril at maya't-mayang pagkulog. Nakakadagdag sa tensyon ang ulan na para bang sinasadyang pakabahin lalo ang mapapatakan nito.
Takbo lang kami nang takbo hanggang sa makarating kami sa sasakyan namin. Naunang sumakay si Hershie at Richard, pero napatingin ako sa kabilang sasakyan— sa sasakyan nila Mandy.
Nakita kong hindi pa pumapasok si Mandy, at imbis na sumakay sa kotse ay pumunta siya sa compartment ng sasakyan. Do'n ko lang napansin na naka-angat ito, na tila ba binuksan ng kung sino man.
"Mandy..." pabulong kong tawag dahil bigla akong nag-alala. Alam kong iisa lang ang nasa isip namin ngayon. Alam kong si Claude ang nasa compartment na 'yon, at kung nakabukas 'yon—
Hindi p'wede.
Tumakbo ako papunta kay Mandy nang makita kong nakatayo na lang siya sa tapat ng compartment, parang na-estatwa.
"Eunice!" pagtawag sa akin ni Charles pero hindi ko siya pinakinggan. Takot man ako na matamaan ng bala mula sa mga nagpuputukang baril, mas natatakot ako na baka matamaan si Mandy nang wala akong ginagawa.
Nang makalapit ako sa kaniya, agad ko siyang hinatak at pina-upo. "Mandy, kailangan mo ng—" hindi ko natuloy ang dapat kong sasabihin nang makita kong nakatulala siya pero may umaagos na luha sa mga mata niya.
Kinutuban na ako ng masama kaya napatingin ako sa loob ng compartment.
Walang laman.
Wala si Claude.
"Mandy... shh." Niyakap ko siya at pilit na pinakalma sa gitna ng ulan, putukan ng baril, at sigawan ng mga taong tumatakbo para maisalba ang mga buhay nila. Pinapakalma ko siya kahit imposibleng mangyari 'yon sa sitwasyon kung nasaan kami ngayon.
Luminga-linga ako sa paligid para alamin kung nasaan si Claude. Kung wala siya sa compartment, it's either may kumuha sa kaniya o naka-alis siya rito.
Tumayo ako sandali para mas makita ko 'yung mga mukha ng mga tao, pero agad na may humatak sa akin paupo— si Randy.
"Magpapakamatay ka ba?" mahina pero madiin niyang saad sa akin.
"Kailangan kong mahanap ang kaibigan ko," halos maluha-luha kong saad bago ko pinilit na tumayo pero muli niya akong pinigilan. "P'wede bang bitawan mo 'ko?!" inis na saad ko sa kaniya bago sinubukang alisin ang kamay niyang nakahawag sa braso ko. Aaminin kong walang laban ang lakas ko sa pagkakahawak niya sa akin kaya hindi ko nabawi ang braso ko.
"Kailangan niyong kumalma. Isang maling desisyon niyo lang, p'wede na kayong mabaril," mahina muli niyang saad pero may diin.
Inaangat-angat niya ang tingin niya na para bang may hinahanap. Gano'n na lang din ang nagawa ko para mahanap kung nasaan si Claude. Walang kasiguraduhan na mahahanap namin siya sa ganitong paraan, pero wala rin akong choice dahil nakahawak sa braso ko si Randy.
"C-Claude..." Napalingon ako kay Mandy nang magsalita siya. "C-Claude!" sigaw niya. Akmang tatayo na siya pero pinigilan ko siya.
Sinundan ko ang tingin niya at nakita kong may isang lalaking tumatakbo— may takip na puting tela sa ulo, nakatali ang magkabilang kamay at paa nito pero sinusubukan pa rin niyang tumakbo sa pagtalon-talon.
Hindi ko man nakikita ang mukha niya, alam kong si Claude 'yon base sa tangkad at pangangatawan niya.
Ilang beses siyang nabangga ng mga nagtatakbuhang tao. Tuwing babagsak siya sa sahig ay nagbabalak na tumayo si Mandy pero hindi ko siya hinahayaan.
BINABASA MO ANG
Suicidium
Science FictionSixth Sense Series #3 | There is no such thing as the safest place on Earth. *** A novel. "Death is inevitable, killing is a variable." When an odd and deadly virus spread all over the world, a pharmacist named Eunice has to survive in all means she...