Chapter 45

331 19 24
                                    

Elyssa

"Umalis na kayo ni Ashley dito. Ayaw kong madamay ka sa anumang gulo na papasukin ko," bulong ni Aiden habang nakahilig ang ulo niya sa balikat ko. "Magpakalayo-layo kayo, Ely. Kalimutan mo na ang plano," muli niyang bulong na ikinaputla ko lalo na at naroon pa si Ali sa malapit.

Nahalata ni Ali ang biglang pagkabalisa ko kaya naman nilapitan niya si Aiden para yayaing umuwi.

Ngayon nga ay tulala akong naka-upo sa sala. Hindi ko matanto ang sariling saloobin, natatakot ako na hindi ko alam, ayaw kong umalis, ayaw kong magtago at lumayo. Gusto kong manatili, hindi dahil sa wala kaming mapupuntahan kundi dahil ayaw kong iwanan si Ali. Natatakot akong lalo siyang mamuhi sa akin.

Nasa malalim akong pag-iisip nang biglang may umubo. Napatingala ko at nakita ko si Lauro sa itaas ng hagdan habang nakakapit sa hawakan nito. Halatang nanghihina siya, mataas rin ang lagnat niya kanina kaya alam kong pinipilit lamang niyang maglakad.

Napatayo ako at sinalubong siya nang dahan-dahan siyang bumaba.

"Bakit ka bumangon? Bumalik ka na muna sa kuwarto mo, Lauro. Kailangan mong magpahinga." Hinawakan ko siya sa kamay para igiya para muling umakyat, ngunit hindi siya tuminag bagkus ay tumigil siya at hinarap ako.

Nagawa pa niyang ngitian ako kahit halatang nahihirapan siya. Sinipat ko rin ang kanyang noo na ngayon a6 mas mainit.

"Lauro, magpahinga ka na muna, gagawa lamang ako ng kakainin mo para makainom ka na ng gamot," utos kong hinila ang kamay niya para muling pumanhik.

Nag-aalala ako sa kanya dahil mas inuna pa niya ang kapatid ko kahit na pati pala siya ay may nararamdaman.

Nagpahila naman siya sa akin at hindi na umimik. Hila-hila ko siya sa kanyang kamay at muli siyang pinahiga sa kanyang kama.

"Magpahinga ka, magluluto lang ako," ika ko at akmang aalis na nang hawakan niya ang kamay ko at pigilan.

Hinila ko ang aking kamay ngunit lalo lamang niyang hinigpitan ang hawak doon. Malamlam ang mata kong napatitig sa kanya.

Nandito pa rin sa puso ko ang galit sa panloloko niya sa akin noon, subalit hindi ko mapigilang mag-alala sa kanya. Naging parte pa rin siya ng buhay ko, at hanggang ngayon ay isa pa rin siya sa mga taong ayaw ko man papasukin sa buhay ko ay pilit pa rin isinisiksik ng tadhana. Patuloy pa rin ginugulo ang magulo ko ng buhay.

"Gusto ko na yatang magkasakit palagi, at least when I'm like this, aalagaan mo ako," ika niyang namamalat na.

Hindi ko mapigilang mapait na mapangiti. Sa totoo lang ay naaawa ako kay Lauro. May sakit siya pero heto, kahit narito ang anak niya ay hindi naman siya magawang alagaan. Walang ibang titingin sa kanya kundi si Nanay Minda at Kuya Juancho.

Oo nga at may pera siya, pero kahit kailan ay hindi siya naalagaan ng pera niya. Hindi rin siya naging masaya, maliban na lang noon, alam kong naging masaya siya sa piling ko at naging kuntento.

Napagtanto kong siguro ay nagawa niyang ilihim na pamilyado siya noon dahil ayaw niyang mawala ang kaligayahang meron kami. Siguro ay natatakot siyang bigla na lang magbago ang lahat sa amin. Siguro...

Gaya ng ginagawa kong paglilihim ngayon kay Ali tungkol sa ugnayan namin ni Lauro dahil natatakot akong magbago ang lahat sa amin. Naging kabit ako ng ama niya, at alam kong nakatatak na sa pagkatao ko ang pagiging kabit, hindi na iyon mabubura pa!

"Magpahinga ka na, babalik ako dala ang pagkaing lulutuin ko," paalam kong hinila ang kamay kong hawak niya.

"Salamat, Elyssa."

My Wife Is My Father's Mistress (R-18)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon