Masayang masaya si Ashley na nakapamasyal. Hindi man niya nakikita ang napuntahan namin, malaking tulong ang ginagawa ni Lauro na ipinapaliwanag kung ano ang nasa paligid. Sinasagot niya lahat ng tanong ni Ashley. Hindi ko masasabing nag-enjoy ako dahil sa totoo lang, sa buong araw ay kabado ako. Lalo na sa tuwing magdidikit ang katawan namin ni Lauro sa 'di inaasahang sitwasyon.
Ngunit kung masaya si Ashley, masaya na rin ako, iyin lang naman ang hangad ko para sa kanya, ang maging masayang bata.
Tahimik kami habang pauwi na. Tulog na si Ashley sa likod at ako naman ay nakatingin sa labas. Wala akong pakialam kung mangawit ang leeg ko sa iisang posisyon. Gusto kong magkunwaring tulog pero alam kong hindi iyon uubra dahil mas lalo ko lamang binibigyan si Lauro ng pagkakataong titigan ako. Lalo na ngayon na nararamdaman ko ang panaka-nakang pagsulyap niya sa akin. Pilit ko na lamang iyon binabalewala. Hindi na rin namin napag-usapan ang tungkol sa nangyari kanina. Hangga't maaari, iiwas ako.
Gusto ko ng katahimikan. Pero ipinagkakait iyon ni Lauro sa akin.
"Hindi ko pinagsisisihang minahal kita, na hanggang ngayon ay mahal pa rin kita," paninimula na naman niyang guluhin ang utak ko.
Hindi ako umimik. Hindi ko rin siya binalingan ng tingin, ang gusto ko ay tumahimik siya. Ayaw kong lituhin niya ng muli ang isip ko. Maging ang puso ko.
"Hindi ko gustong ilagay ka sa gitna naming mag-ama at maipit sa sitwasyon, Ely, pero hindi mo ako mapipigilang iparamdam sa iyo na mahal kita. Hindi mo ako mapipigilang alagaan ka. Kung kailangan kong makipagkumpitensiya sa anak ko, gagawin ko, maipakita ko lamang na seryoso ako..."
Madiin ang pagkakakagat ko sa labi ko dahil sa nararamdamang tensiyon, at dahil na rin sa papabilis na tibok ng aking puso. Hindi ko na rin matanto kung dahil ba sa kaba sa sinabi niya o dahil bumabalik ang damdamin ko sa kanya.
"Gusto kong bumalik sa iyo. At alam kong hanggang ngayon, hinihintay mo pa rin ako, that's why..."
"Nagkakamali ka!" Gumaralgal ang boses ko dahil sa matinding kaba. "May mga dahilan ako kung bakit wala akong naging relasyon pagkatapos mo. At wala ka sa mga dahilang iyon. Si Ali na ang dahilan ko para magpatuloy..."
"Continue the lies, Elyssa." Putol niya sa sasabihin ko. "Mahal mo ang anak ko? Sige, ipagpatuloy mo ang kasinungalingan mo, pero hindi mo ako mapapaniwala," dagdag pa niya saka ipinarada ang sasakyan.
Napatingin ako sa paligid. Nakarating na pala kami nang hindi ko namamalayan. Lumabas ako agad at hindi na siya hinintay na pagbuksan ako ng pinto. Kukunin ko na sana si Ashley sa likod pero naunahan niya ako at binuhat ang tulog kong kapatid. Napabuntong hininga na lamang ako at sinundan ang likod niya habang buhat si Ashley na payapang nakahilig ang baba sa balikat ni Lauro.
Nangilid ang luha sa mata ko. Kung tignan ay para silang mag-ama, bagay na agad kong iwinaksi sa isip ko. Agad kong pinahid ang luha at sinundan sila nang tahimik papasok sa bahay. Tumigil nga lamang ako saglit at tumingin sa lumang relo na suot ko. Alas singko pa lang ng hapon.
"Narito na kaya si Ali?" piping tanong ko sa sarili.
"Lauro, may naghihintay sa iyo sa loob."
Dinig kong sabi ni Nanay Minda kaya napahinto si Lauro sa paglalakad. Huminto rin ako nang binalingan niya ako at hinarap. Agad akong lumapit at kinuha si Ashley sa kanya.
Nang nakuha ko si Ashley ay napadako naman ang tingin ko sa taong naghihintay kay Lauro sa sala. Napaawang ang bibig ko at napakunot noo. Bakit siya narito? Ano ang kailangan niya kay Lauro?
"Hmmm."
Napatingin ako kay Lauro nang tumikhim siya at matamang nakatitig pala sa akin. Hindi ko tuloy maipagkaila ang gulat kong reaksiyon. Naging kuryoso tuloy ako sa inte siyon ng kanyang bisita.
BINABASA MO ANG
My Wife Is My Father's Mistress (R-18)
Художественная прозаSi Elyssa, nagmahal at nasaktan sa maling tao. Sa muling pagbubukas ba ng kanyang puso, maling tao na naman kaya ang iibigin niya? Si Alyjah, nasaktan sa kinahinatnan ng kanyang ina. Poot at galit ang itinanim niya sa kanyang puso. Mababago kaya ito...