Chapter 55

329 20 9
                                    

Elyssa

Wala akong nagawa kundi ang kausapin si Ashley at ipaliwanag sa kanya ang sitwasyon. Hindi nga lamang buo at may lamang kasinungalingan ang sinabi ko dahil ayokong masaktan siya lalo.

"Ate, sasama na lang ako sa inyo ni Kuya. Pangako, hindi ako magpapasaway," pakiusap niyang dumudurog sa puso ko.

Hinila ko si Ashley para yakapin. Hinagod ko ang likod niya nang magsimula na siyang umiyak. Pati ako ay lumuha na dahil nahihirapan na rin sa sitwasyon

"Shhhh, baby, alam mo naman ang work ni ate hindi ba? Mag-iipon lang si ate tapos kapag may pera na, kukunin kita para magkasama na tayo," saad kong pinigilang mapahikbi.

"May pera naman si kuya, bakit ka pa magtatrabaho?"

Napailing ako kahit hindi naman niya nakikita. Nakukunsensiya dahil hindi naman sa trabaho ang dahilan para iwanan ko si Ashley sa poder ng tunay niyang ama.

Nanginig ang labi ko habang pinipigilang mabulalas ang iyak. Hindi dapat malaman ni Ashley na nasasaktan akong mawalay sa kanya. Hindi dapat niya malamang nahihirapan ako at nasasaktan dahil siguradong hindi rin siya magiging masaya.

"Isa pa, baby, nandito si Nanay Minda at Kuya Juancho para tingnan ka kapag nasa trabaho kami. Hindi ba at gustong-gusto mo si...Papa Lauro mo, makakasama at makakalaro mo siya kapag nakauwi na siya galing trabaho," paliwanag kong gumaralgal na ang boses. Tumingala ako sa kisame at lumunok.

Bigla ay inapuhap ni Ashley ang mukha ko. Hindi ko agad napunasan ang luhang naroon.

"Umiiyak ka ba ate dahil nahihirapan kang iwan ako rito?"

Malungkot na sabi niya na agad pinahid ang luha sa pisngi niya.  Pagkatapos ay ngumiti na parang walang nangyari.

"Sige ate, basta sabi mo kukunin mo ako ng Sabado at Linggo, ha? Hindi ka magta-trabaho, pangako?"

Tumango ako na para bang nakikita niya ang sagot ko.

"Pangako ate?"

"Pangako, baby."

Hindi ko napigilan ang hikbi sa aking bibig nang hilain siyang muli para yakapin ng mahigpit.

Nasa ganoon kaming posisyon nang may yumakap mula sa aking likod. Inunat ang mahabang kamay at niyakap rin si Ashley.  Nakakulong kaming dalawa ni Ashley sa mga braso nito.

"You  don't  need to do this, Ely. Annul my son, kumawala ka na lamang sa kanya,"mahinang bulong ni Lauro sa aking teynga.

Napapikit ako nang mariin. Gusto ko siyang sagutin ngunit kaharap namin si Ashley. Umiling na lamang ako bilang tanggi sa gusto niya.  Gusto kong kunin ang pagkakataon na ito para ipakita kay Ali ang aking pagsisi at makumbinsi siyang patawarin ako, kami ng kanyang ama. Ayaw kong sukuan si Ali. Hanggang  kaya kong kapitan siya, hindi ako bibitiw. Mahal ko si Ali para magpatalo agad at mawalan ng pag-asa.

Kung may natutunan ako sa nakaraang anim na taon, iyon ay ang hindi sumuko kahit anong hirap ang ibato ng buhay sa akin. Gusto kong kapitan ang alam kong makapagbibigay sa akin ng kaligayahan. Hindi ako tatakbo at magtatago. Haharapin ko si Ali, hanggang sa tuluyang matunaw ang galit na meron siya.

Pasimple kong tinabig si Lauro kaya napatayo siya at bumitiw sa yakap sa aming dalawa ni Ashley. Hinalikan ko si Ashley sa ulo bago harapin si Lauro na malamlam ang matang nakatingin sa akin. Naglakad kami palayo nang kaunti kay Ashley para hindi niya marinig ang aming usapan.

"I don't want you to suffer alone, kilala ko ang anak ko, Elyssa."

Pagod kong nginitian si Lauro, ginagap ang kamay niya. Masinsinan na naming napag-usapan ang lahat tungkol sa amin. Diniretsa ko na siyang wala na talaga siyang maaasahan. Mas importante ang kapakanan ni Ashley. Alam niya ang kalagayan ng bata kaya nga gusto niyang dalhin ito sa ibang bansa para doon ipatingin, ngunit nais nitong kasama ako.

"Kunin mo itong pagkakataon para mapalapit pa lalo sa anak mo, Lauro. Hindi kita pipigilan para punan ang pagkukulang mo sa kanya..."

Alam kong hindi niya tanggap ang desisyon ko. Pilit pa rin niyang ipinagpipilitang siya ang mahal ko. Na tanging guilt lang ang nararamdaman ko para kay Ali.

Dugo at laman niya si Ali kaya hindi ko maintindihan kung bakit ganoon na lamang niya tratuhin ang kanyang anak. Siya ang may pagkukulang dito, kaya naguguluhan pa rin ako sa relasyon nilang dalawa.

"Salamat sa pag-aalala mo, Lauro, pero pinal na ang desisyon ko. Gusto kong sumugal para sa amin ni Ali..."

Bagsak ang balikat niyang hinila ako para yakapin. Hinayaan ko siyang yakapin ako dahil alam kong ito na ang huli. Hindi ko na hahayaang mamagitan pa siya sa amin ni Ali. Ako ang may dala ng sugat kay Ali, pipilitin kong hilumin iyon. Luha man at sakit ang kapalit.

Ilang beses na rin naman akong nagpakamartir. Kay mama na minahal ko rin naman kahit ganoon siya. Kay Anassa na ibinigay ko ang lahat para sumaya siya.  Kay Papa na nagkandahirap ako para punan ang pagkukulang niya bilang padre de pamilya, at kay Ashley, naglihim ako para sa kapakanan niya.

Iisa lang ang gusto ko para sa sarili ko, at iyon ay si Ali. Kung makasarili iyong maituturing, magiging makasarili ako.

Maingat akong humiwalay kay Lauro, hindi na rin ako nagtaka nang makita ko si Ali na nakasandal sa hamba ng pinto at nakamasid. Katulad ng dati, naroon na naman ang nanlikusik niyang tingin. Gustong-gusto kong tunawin ang galit niyang iyon. Sa loob ng ilang buwan naming pagsasama, nakilala ko ang tunay na siya, alam kong hindi siya ganoong katigas.

Pumasok si Ali sa loob ng kuwarto. Napakagat ako sa aking labi nang mapansing nagsusukatan ng tingin ang mag-ama. Bumuga ako ng hangin para lapitan sana si Ali pero umiwas siya at  mabilis na nilapitan si Ashley. May ibinulong siya na ikinahagikgik ng bata at tumango-tango pa.

Kunot-noo ako nang balingan niya. Patay malisya siyang humakbang palapit sa akin, pagkatapos ay huminto sa tapat ko.

"Let's go!"

Muli akong napakagat sa aking labi dala ng lamig ng pakikitungo niya sa akin. Muli kong nilapitan si Ashley at nagpaalam. Ngayon ay halos ipagtulakan na niya ako para sumama kay Ali.

Si Lauro, na halatang hindi pa rin masaya ay walang nagawa. Hawak sa kamay si Ashley nang ihatid kami sa kotse ni Ali. 

"Bye ate," masayang kumaway si Ashley. Paalis na kami.

Pakiramdam ko, tila may kulang sa pagkatao ko habang papalayo. Minamasdan ko si Ashley at mga taong nakasama ko kahit saglit sa side mirror. Malungkot kaya hindi ko napigilang hindi mapaluha.

"Iniiyakan mo bang nagkahiwalay kayo agad at hindi nabigyan ng pagkakataong magkasama na dalawa!"

Puno ng pang-uuyam ang tinig na iyon ni Ali habang nagpupunas ako ng luha. Agad akong bumaling sa gawi niya. Pinatatag ang aking sariling huwag bumigay sa pang-iinsulto niya.

"Pinili kita, Ali. Sana ay masaya ka na."

My Wife Is My Father's Mistress (R-18)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon