Chapter 32

432 17 7
                                    

ELYSSA

"Elyssa, okay ka lang?" tanong sa akin ng aming Chef. Kasalukuyan kong hinihintay ang pulutang order. Marahan akong tumango.

"Sana ay nagpahinga ka muna."

Napakagat labi ako at tumahimik. Ang katulad ko ay walang karapatang manatiling nagluluksa lamang. Walang mangyayari sa buhay namin ni Ashley. Kahit masakit pa rin ang pagkawala ni Papa ay kailangan kong magpatuloy.

Hindi porke asawa ko si Ali ay sasandal na lang ako sa kanya sa pinansiyal na bagay. Ali has his own struggle. Hindi man siya magsalita ay nararamdaman ko iyon. Isa pa, tinutulungan niya lamang kami, mag-asawa lamang kami sa papel.

"Yssa, patulong please, pakidala naman ito sa private room o! Kailangan kong magbanyo, masakit na talaga ang tiyan ko," pakiusap ni Joy na isa sa naging kaibigan ko sa club.

Inilapag ni Joy ang isang basong tubig na may yelo saka nagtatakbo papunta sa banyo. Naglabasan ang mga guhit ko sa noo sa pagkakakunot. Iginala ko ang tingin kung may iba pang naroon pero ako lamang ang naghihintay ng order.

Napatingin ako kay Eliazar, ang chef cook namin. Tumango siya sa akin.

"Ipunta mo na. Matagal pa naman itong order. Tubig lang naman iyan, nandito ka na pagkatapos itong maluto," utos niya kaya agad ko na rin namang kinuha ang tray.

Napapabuntong hininga na lamang talaga ako. Iniiwasan ko talaga ang pag-se-serve sa mga private rooms. May tatlo kaming ganoon sa club. Gusto akong italaga ni Mamang sa mga iyon dahil malaki raw ang tip pero tumanggi ako.

Binasa ko ang numero na naroon sa tray, number three. Muli akong napabuga ng hangin bago kumatok at tuluyang pihitin ang pinto pabukas. Nagsalubong ang kilay ko nang mabungaran ko ang madilim na silid at tila walang tao.

Kung hindi ko nga lamang narinig ang kaluskos mula sa mahabang sofa ay pumihit na ako pabalik.

Pilit kong inaaninag ang bulto ng taong naroon. Nakayuko ito at ang kamay ay nakasabunot sa buhok batay sa itsura ng pagkakaupo nito. Tumikhim ako bago isinara ang pinto. Lalong dumilim sa loob kaya halos kapain na ng mga paa ko ang daan papunta sa mesa. Pilit ko rin ini-adjust ang mata ko sa dilim.

"Narito na po ang tubig na order niyo." Inilapag ko sa mesa ang tray. "May order pa ba kayo?"

Napalabi ako dahil malalalim lang na hininga ang pinakawalan niya sa tanong ko. Kaya naman nagpasya na akong magpaalam. Tumalikod ako at humakbang.

"Elyssa..."

Napahinto ako dahil sa pagtawag niya sa pangalan ko. Inatake ako ng sobrang kaba, lalo na nang naramdaman kong tumayo siya at humakbang palapit sa kinaroroonan ko.

Hindi ako makakilos, para akong napako sa kinatatayuan. Bakit siya narito? Dumagundong sa sobrang kaba ang dibdib ko habang nararamdaman ko ang papalapit na niyang yabag. Pinagsalikop ko ang aking mga kamay ng mahigpit. Halos bumaon na ang aking kuko sa aking balat.

Nang naramdaman ko ang sakit ay para akong nagising. Nag-ipon ako ng lakas para humakbang palayo sa kanya. Ngunit hindi pa ako nakalalayo ay napigilan na niya ako. Napasinghap ako nang niyakap niya ako mula sa aking likuran.

"I just want to talk to you, Elyssa." Mababakasan ng lungkot ang boses niya. "I want to comfort you. I want to stay by your side," malumanay na bulong niya na ikinapanindig ng aking buhok sa batok. Hindi ako nakahuma nang ipihit niya ako paharap at niyakap pa lalo ng mahigpit.

Lalong bumilis ang tibok ng aking puso. Napapikit ako nang masamyo ko ang kanyang amoy. It was comforting enough na pinanatili ko ang aking sarili sa yakap niya ng ilang segundo. Naitulak ko nga lamang siya nang humagod ang mga kamay niya sa aking likod.

"Lauro, nakikiusap ako, kung maaari, tama na. Huwag mo akong pahirapan!" Gumaralgal ang boses ko habang nakatukod ang aking mga palad sa kanyang dibdib. Nakayuko ako dahil ayaw kong salibungin ang kanyang tingin.

Narinig ko ang malalalim na paghugot niya ng hininga. Halos dumugo naman ang aking labi mula sa pagkakakagat. Pinipigilan ang emosyong pumupuno sa aking dibdib.

Emosyong maaring magkanulo sa akin sa isa na namang kasalanan. Nanginig ang aking labi nang hawakan niya ang aking baba para itinaas. Hinuli niya ang aking mga mata. Nangingilid na ang aking luha.

"Kung iyon ang gusto mo. Kung iyon ang kailangan para manatili ka lang sa nakikita ko. I will..."

Doon na tuluyang nag-unahang bumagsak ang luha ko sa mga mata. Hanggang kailan magiging ganito ang sitwasyon ko?

"Let me love you from afar, Elyssa. Like I always do for the past years. Hindi man kita nakikita, hindi man kita nakakasama, pero nanatili ka sa puso ko, Elyssa."

Lumunok ako ng laway dahil parang nagbabara ang aking lalamunan. Pareho lang kami ng nararamdaman ni Lauro. Minahal ko rin siya kahit sinaktan niya ako. Minahal ko pa rin siya kahit ilang taon na ang nakaraan.

Kinasabikan ko si Lauro ng ilang taon. Baliw na rin yata ako noon dahil pumayag ang isip ko na kapag binalikan niya ako ay tatanggapin ko na siyang muli kahit may pamilya siya. Kahit may masaktan akong iba. Kahit itakwil ako ng aking pamilya.

Bagay  na umuusig sa aking konsensiya, noon at mas matindi pa ngayon. Dahil kay Ali. Dahil ngayon, pakiramdam ko ay nahuhulog na rin ang loob ko sa kanya. Unti-unti na niyang napapasok ang puso kong naging bato simula noong masaktan ako kay Lauro. Bagay na pilit kong pinipigilan dahil hindi ko siya dapat mahalin.

Hindi ako nagsalita, bagkus ay muli ko siyang itinulak at kumawala. Mabilis akong naglakad paalis. Nasa pinto na ako nang muli siyang magsalita.

"Stay with me, sa bahay kung ayaw mong malaman ni Alyjah ang lahat ng tungkol sa atin!"

Umakyat ang dugo ko sa ulo. Sa isang iglap ay napabaling ako sa kanya at hindi makapaniwala. Gamit ang remote ay binuksan niya ang ilaw sa silid na iyon. Sakto lang para matitigan namin ang isa't isa.

"Binabantaan mo ba ako?" Hindi ako makapaniwala sa sinabi niya. At hindi ako makapaniwala sa nakikita kong determinasyon sa mukha niya. Seryoso at walang bahid ng anumang pagsisisi sa kanyang sinabi. "Mas gugustuhin mong masaktan ang anak mo? Para saan, Lauro?" Nagpupuyos ako sa galit.

Blanko ang kanyang ekspresyon at hindi ko mabasa ang nilalaman ng kanyang isip.

"Kahit anong gawin ko, nasaktan ko na silang mag-ina. Nadurog ko na ang pagkatao ng anak ko..."

"Iyon nga, kaya bakit mo ako iniipit sa isang bagay na alam mong muling dudurog sa pamilya mo! Bakit kailangan mong saktan ang anak mo..."

"Dahil mahal kita. Sa buong buhay ko, pangalawang beses akong nagmahal ng totoo at buo! Ang kaibahan lang, sa una nagpakatanga ako kahit hindi naman ako kayang mahalin. At ikaw, minahal mo ako pero anong ginawa ko? Naduwag akong ipaglaban ka. Kaya sa pagkakataong ito, ilalaban ko ang pagmamahal ko."

Umiiling ako habang napapaatras. Muling bumagsak ang luha sa mata ko habang nakatitig sa kanyang mga mata. Sa mga matang bumubuhay at dumudurog pa rin sa puso ko.

"I know you still love me, Elyssa. Hindi maipagkakaila ng mga mata mo na mahal mo pa ako."

Marahas akong umiling.

"Nakakamali ka, kailanman ay hindi kita minahal!" giit ko ngunit alam kong sarili ko lamang ang aking kinukumbinse.

Tumawa siya ng pagak kaya nagpanting ang teynga ko. Matapang kong tinitigan ang kanyang mga mata. Kahit pa nga natutunaw na ako at gusto na akong sukuan ng mga paa ko.

"Hindi kita minahal, hindi kita mahal, at hindi kita mamahalin. Kaya sana tigilan mo na ang kahibangan mo."

Mas lalo siyang napahalakhak. Sa mahahabang hakbang niya, sa isang iglap ay nakalapit na siyang muli sa akin.

"Prove it!" hamon niya sa akin.

My Wife Is My Father's Mistress (R-18)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon