Chapter 21

787 25 46
                                    

Nakatutok lang ang mga mata sa akin ni Ali, nakakunot-noo. Naikiling pa nito ang ulo dahil sa pagtataka sa ikinikilos ko.

Sa pagkakataong iyon ay napaupo ako at umiyak sa aking palad. Tumabi siya sa akin nang dahan-dahan para hindi mabulabog sa pagkakatulog si Ashley. Ginagap niya ang aking nanlalamig na kamay. Biglang sumikdo ang aking puso.

"Ganoon ka na ba ka-trauma na pati ama ng iba kinakatakutan mo?" Tanong niya. Napapikit ako dahil wala siyang kaalam-alam na ang babaeng tinulungan niya. Ang babaeng pinakasalan at asawa niya ay ang naging babae ng kanyang ama, isang kabit. Kung alam ko lang sana ay hindi ko muling papasukin ang mundo ni Lauro.

"Ganoon ka ba katakot..." marahas akong umiling at tinitigan ang maamo niyang mukha. Napakabait sa akin ni Ali para paglihiman ko. Gusto kong sabihin ang totoo. Wala akong pakialam kung magalit siya at ipagtabuyan kami. Wala akong pakialam kung ayaw na niyang tumulong. Gusto kong magsabi ng totoo.

"Nakakatakot nga talaga ang walang hiya kong ama!" Nanlaki ang mga mata ko sa nahimigang galit sa tono ng boses niya nang siya'y muling magsalita. Namamangha akong napatitig sa kanya. Nang lumingon siya, parang may mabigat na bato ang dumagan sa dibdib ko. Siya na ngayon ang may luha sa mata. Malungkot at halos walang buhay ang mga iyon na nakatitig sa akin. "Siya ang dahilan kaya nawala sa sarili ang pinakamahalagang tao sa buhay ko. Siya ang dahilan kung bakit napakamiserable ng buhay namin." Napasinghap ako sa kanyang sinabi.

Bumitiw ang kamay ko sa kanyang pagkakahawak at tila may sarili itong isip na humaplos sa pisngi ni Ali. Pinahid ang luhang naroon. Pumikit siya at dinama ang palad ko. Ipinatong pa niya ang kanyang palad doon.

"Walang hiya ang aking ama dahil sinaktan niya ang aking ina. May babae siyang kinakatagpo at kinahumalingan. Pinili niyang wasakin ang puso ng ina kong walang ginawa kundi ang mahalin siya!" Madiin nitong saad na puno ng hinagpis.

Nanginig ang aking kamay na nasa pisngi niya. Naramdaman niya iyon kaya lalong humigpit ang kanyang hawak doon. Halo-halong emosyon ang nararamdaman ko. Kaba at takot pero mas nangingibabaw ang kunsensiya ko lalo na at nakikita ko si Ali sa ganitong sitwasyon. Nanuyo ang aking lalamunan habang nakatitig sa mukha niyang nababalutan ng madilim na aura.

"Galit na galit ako sa kanya..." Nagmulat ito ng mga mata. Madilim ang mga matang iyon kagaya ng aura sa pagkatao niya. Kinilabutan ako. "Pero mas galit ako sa babaeng dahilan ng lahat ng iyon. Kung sana hindi niya kinatagpo si mama noon..."

Napakunot-noo ako sa pagtataka. Napaawang ang aking labi. Akala ko noong una ako ang tinutukoy niya pero nalito ako dahil hindi ko pa nakakaharap ang kanyang ina. Alam kong hindi ko ginawang harapin ang asawa ni Lauro, dahil natakot ako. Oo naging babae niya ako pero hindi ako kailanman nagkalakas ng loob para ipagpatuloy ang isang mali, kahit pa nga mahal na mahal ko siya.

Ibig bang sabihin, may babae pa siyang iba bukod noon sa akin?

Tuloy hindi ko na magawa ang kagustuhan kong umamin. Naumid ang dila ko at nabahag ang aking buntot. Lalo na at nakikita ko si Ali na nahihirapan. Puno ng hinagpis ang pagkatao niya. Pakiramdam ko nasa kumunoy siya ng kalungkutan at paghihiganti.

Bigla akong nakaramdam sa sarili na gusto ko siyang tulungang umahon doon. Alam kong nasa ganoon din akong estado. Pareho kaming may madilim na nakaraang pilit nilalabanan.

Gusto ko siyang iligtas. Kahit siya na lang ang mailigtas ko. Kahit hindi na ako. Gusto ko siyang lumigaya nang tuluyan iyong walang pagkukunwari.

Kaya pala! kaya pala kapag tumatawa siya, kapag ngumingiti siya, pakiramdam ko may kulang. Pakiramdam ko laging pilit. Hindi pala talaga iyon totoo. Dahil sa likod ng ngiting iyon ay isang madilim na nakaraan. Madilim na pagkataong alam kong unti-unting gumugupo sa isang mabuting Ali. Gusto ko siyang iligtas.

Walang kaabog-abog ko siyang niyakap.

"Masasandalan mo ako, Ali. Kapalit ng pagtulong mo sa akin ay ang teynga ko at pang-unawa. Maari mo akong sabihan ng mga alalahanin mo. Nang galit mo,lahat-lahat," bulong ko mula sa mahigpit na pagkakayakap sa kanya. Naging emosyonal ako dahil nakatagpo ko ang isang kagaya ko. Kaparehong-kapareho ko si Ali pero sa ibang pagkakataon lamang.

Nang bigla na lamang siyang natawa. Tawa na alam kong hindi natural. Na sa loob nang tawang iyon ay may kalakip na lungkot.

Bumitiw siya sa akin at malawak na ang ngiti sa labi. Napakamot pa ito sa ulo.

"Ang drama mo! Mag-ayos ka na nga. May trabaho ka pa hindi ba?"

Napanguso ako at tumango. Tumayo siya at tumayo na rin ako. Binalingan ko ng tingin ang kapatid kong mahimbing ang tulog dahil pagod sa paglalaro.

"Ihahatid na kita!" Muli ko siyang binalingan. Hindi pa rin naaalis ang malawak niyang ngiti sa labi.

"Hindi na, baka magising at maghanap ang kapatid ko. Bagong kapaligiran ito kaya siguradong maninibago siya. Mas makakabuting dito ka na lamang muna. Alam mo naman kung gaano ka niya kagusto e!" Nakanguso ko pa ring saad. Ewan ko ba kung bakit napakadali niyang nakuha ang loob ni Ashley. Samantalang aloof si Ashley sa ibang tao dahil sa kanyang kalagayan.

Naglakad ako at nilagpasan siya. Yumuko ako sa isang paper bag at naglabas ng ilang damit. Nakamasid lamang sa akin si Ali. Bago ako pumasok sa banyo ay muli ko siyang sinulyapan.

"Huwag mo na na rin akong sunduin. Makakauwi naman siguro ako mag-isa." Tumango siya bago ako tumalikod. Nakita ko kanina na may mga nakaabang na trisicad sa labasan. Alam kong nakakapasok ang mga iyon sa loob ng subdivision.

"Ely," tawag niya sa akin kaya muli akong napalingon. Isasara ko na sana ang pinto. "Pasensiya ka na kung dito muna tayo sa ngayon. Bukas na bukas maghahanap ako ng matutuluyan natin para makaalis na tayo agad dito."

Malalim ang buntong hiningang pinakawalan ko bago tuluyang isara ang pinto. Hindi ko na siya sinagot dahil hindi ko naman alam kung ano ang sasabihin. Gustong-gusto ko talagang makaalis na sa bahay na ito.

Hindi ko alam kung paano haharapin si Lauro. Kung paano ako kikilos sa harap niya. Isang pagkakamali ang naging ugnayan naming dalawa.

Pero agad naman iyong natapos. Alam kong malaki ang kasalanan ko dahil nakasira ako ng isang pamilya. Ngunit napagbayaran ko na iyon. Hanggang ngayon nga ay pinagbabayaran ko pa rin. Hindi pa rin masaya ang buhay ko.

May kasamang babae...

Muling pumaimbabaw ang kanyang tinig at parang naririnig ko ulit ang kanyang sinabi. Nagkunwari siyang hindi ako kilala.

Sa totoo lang ay mas gugustuhin ko rin naman talaga na magkunwari na lang kaming hindi kilala ang isat-isa. Mas makakabuti rin siguro na wala na lamang alam si Ali. Tutal, aalis rin naman kami agad.

Napasandal ako sa pinto at napapikit. Kahit makaalis kami ay may nag-uugnay naman sa aming lahat. Anak niya si Ali. Biyenan ko na siya ngayon.
Kahit pagkukunwari lamang...

Napamulat ako at napatitig sa repleksiyon sa salamin.

"Huwag kang magpaapekto, Ely. Kalimutan mo na ang nakaraan," piping utos ko sa aking sarili habang naglalandas muli ang luha sa aking pisngi.

My Wife Is My Father's Mistress (R-18)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon