Part 55

546 29 9
                                    

"Hana! Naku, ang bunso ko." Mangiyak-ngiyak na bulalas ng kanyang ina nang makita siya sa harap ng maliit nilang gate. "Pepe, Matt, ang kapatid mo nandito na!" baling nito sa loob bago nagmamadaling sumalubong. Halos hindi makahinga si Hana nang yapusin siya ng ina.

"Na--y, teka h-hindi po ako makahinga," aniya pero gumanti naman ng mahigpit ring yakap.

"Hana!" Puno rin ng kagalakang sabi ng kanyang tatay na lumapit at hinagkan ang kanyang noo.

"Tay..." Napaluha na rin siya sa nakitang kasiyahan sa mukha ng pamilya. Maging si Matt ay lumabas ng bahay at nakangiting nakisali sa emosyonal na tagpo. Sinulyapan nito ang kanyang likuran at tumango.

"May masakit ba sa 'yo, anak? Nasugatan ka ba?" tanong ni Rosita na sinuri ang kanyang katawan.

"Wala po, Nay. Wala akong sugat."

"Sigurado ka?" anitong hinagod ang kanyang mukha. "Miss na miss ka na ni Nanay, Anak. Ilang araw akong hindi nakatulog nang maayos kakaalala sa 'yo."

"Ako rin po, Nay. Miss na miss ko na kayo ni Tatay. Sorry po kung pinag-alala ko kayo."

Kung ang ina niya ay walang tigil ang pagbagsak ng mga luha sa pisngi, ang itay niya ay tahimik lang na hinagod-hagod ang kanyang ulo.

"Uhm...Nay, Tay, si...Jin po pala," pagkuwa'y sabi niya na bahagyang binalingan ang lalaki sa likuran para malipat ang atensiyon ng pamilya rito. "Naaalala n'yo pa po siya, di ba?"

"A, oo! Ang boypren mo," sagot ng matandang babae na itinuro pa si Jin.

"Good afternoon, Ma'am, Sir," usal ni Jin na yumuko .

"Good afternoon din, Sir," sagot ng kanyang ina.

"Magandang hapon din sa 'yo, hijo. Mabuti at nakabalik ka rito. Hali na kayo sa loob ng bahay. Doon na natin ipagpatuloy ang kumustahan." Si Pepe ang nagsalita bago nagpatiunang naglakad.

"Nasabi ni Matt sa amin na ikaw raw ang sumagip kay Hana, Sir. Maraming salamat sa 'yo. Akala ko talaga...hindi na namin makikita si Hana," sabi ng kanyang ina nang magkaharap na silang nakaupo sa sala. Nabasa na naman ang mga mata nito.

"Maraming salamat sa pagtulong sa mga anak ko, hijo. Kung wala ang tulong mo, hindi namin alam kung ano ang matatanggap naming balita. Bigla na lang ang pagkawala ni Hana, masyado kaming nag-alala nang hindi na namin siya mahanap," saad ni Pepe.

"Huwag n'yo na pong isipin 'yon, Sir. Responsibility ko na siguraduhin ang safety niya at sainyo rin na kapamilya niya. Hindi ako papayag na may mangyaring masama kahit isa sa inyo lalo na kay Hana." Pinagsalikop ng lalaki ang dalawang kamay bago nagpatuloy. "She was with me for a couple of days already, pero ngayon lang kami nakapunta rito dahil kailangan pa niyang magpagaling at magpahinga."

"Naiintindihan namin. Naipaliwanag na rin ni Matt sa amin ang sitwasyon. Ano ang pakay ng mga bandidong kumidnap kay Hana? Bakit siya ang napili nilang kunin? Sindikato ba?"

Hindi ba naikuwento ni Matt ang lahat ng detalye ng insidenteng nangyari? Sa paraan ng pagtatanong ng kanyang itay, mukhang wala pa itong alam.

Napasulyap siya sa kapatid na nasa tabi, nakatayo rin sa likuran ng kanyang mga magulang. Huli niya ang pakikipagpalitan nito ng tingin kay Jin.

"Kakopetensiya sa negosyo. Unfortunately, nang nalaman nila ang relasyon ko kay Hana, ginamit nila siya para maghiganti sa akin. But that tactics won't bite me. Sa ilang taon kong nagnenegosyo, marami na akong natatanggap na hamon mula sa mga competitors."

HanaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon