"Liwanag"Sampung kalalakihan ang patagong lumabas mula sa loob ng isang supermarket. May mga pasan silang mga sako na ang mga laman ay mga pagkaing ninakaw nila. Maingat sila sa paglalakad sa gilid ng kalsada. Patago-tago sa mga gusali o kaya likod ng mga sasäkyang abandonado sa gilid ng kalsada.
"Opring bilisan natin. Kinakabahan ako!"
"May araw pa naman. Kaya ko nga kayo niyaya kanina. Hindi lalabas ang mga halimaw sa araw. Anong gusto ninyo? Mamatay ang ating mga pamilya sa gutom?"
"Oo na. Dalian na lang natin. Ako rin ay kinakabahan." sabi naman ng isa pa.
Nagmadali sila sa paglalakad. Pawisan na sila dahil sa bigat ng kanilang mga pinapasan. Wala silang kamalay-malay na sa itaas ng mga gusali ay may mga matang nagmamasid sa kanila. Sinundan sila mula ng lumabas sila sa supermarket.
Pumasok ang mga kalalakihan sa isang butas ng isang pader na semento. Isang maliit na warehouse ang nasa kabila ng pader. Kumatok ang nauuna sa malaking bakal na sliding na pintuan. May sumilip sa kanila. Pinapasok sila at kaagad na isinara ang sliding na pintuan.
Marahang lumapag sa bubong ang dalawang bampirang aswang. Naghanap sila ng masisilipang butas. Para silang dalawang higanteng paniking marahang gumagapang sa yerong bubong. Naaamoy nila ang maraming tao sa loob ng warehouse na may mga buntis pa. Nakakita sila ng masisilipan. Tumulo ang kanilang laway dahil sa gutom at kahayukan sa laman ng tao lalo na ang amoy ng sanggol sa nasa loob ng sinapupunan ng tatlong buntis na babae. May mahigit na walongpung katao sa loob ng warehouse.
"Tawagin mo sila at hihintayin ko kayo rito. Bilisan ninyo." bulong ng halimaw sa kasama.
Umigkas ang kasama niyang halimaw at nagbantay ang naiwan. Hindi nagtagal ay isa-isang dumarating ang mga halimaw. Dumadapo dila sa ibabaw ng bubong ng warehouse. Sa bakod na butas ay pumapasok ang mga aswang na baboy. Nakataas ang kanilang mga nguso at inaamoy ang hangin. Tumayo sila sa harapan ng sliding door. Ang iba ay pinalibutan ang warehouse. Naghahanap sila ng madadaanang papasok sa warehouse.
Sa bubong ay sinimulan ng isang bampirang aswang na baklasin ang yero. Narinig ng mga tao ang ginagawang ingay ng aswang. Napatingala sila.
"ASWAAANNG! EEEEEEEEEE! EEEEEEEEEE!"
Sigawan na ang mga babae at bata. Naglabas ng itak ang mga kalalakihan. Nataranta na sa takot ang mga babae. Niyakap ang kanilang mga maliliit na nag-iiyakan na. Pinapunta ang mga babae at bata sa isang sulok ng warehouse. Wala silang matatakbuhan. May mga bintana pero nasa itaas malapit sa bubong at may bakal na grills. Iisa lang ang labasan, ang malaking sliding na pintuan at nakabantay ang mga aswang na baboy sa harapan.
Abala ang hayok na bampirang aswang sa pagbaklas ng yero. Naglalalaway siya. Nakayuko siya at sakmal ang gilid ng yero na umaangat na. Napupunit ang yero. Isang pares na paa ang lumapag sa kanyang tabi na kanyang tinignan. Nakasuot ng mataas na leather boots halos hanggang tuhod ang dalawang paa. Tumingala siya. Butas ng Glock ang kanyang nakita na nakatutok sa kanyang mukha.
"Praaat" "Unggggg!" Sabog ang kanyang mukha at kalahati ng kanyang ulo. Sumubsob siya sa iniaangat niyang yero.
"Colonel Go!" Sigaw ni Maria Luna. At nagsimula ng bumuga ang hawak niyang dalawang pistola. Mahigit sa dalawangpung halimaw ang nasa ibabaw ng bubong ang nagulat pa ng paputukan sila ng dalaga. May biglang lumipad pero sinalubong nila ang dalawang matatalas ng ama ni Maria Luna.
Ang iba ay sumasabog ang mga ulo ng mga balang 50 mm cal. Nasa mga bintana ng isang mataas na gusali sina Tenyente Diaz at Ding at kasama nilang anim na snipers. Sa ibaba ng gusali ay nakaparada sa tagong lugar ang APC nina Romano.
BINABASA MO ANG
Princess Of Darkness (COMPLETED)
HorrorMula sa Mundo ng Kadiliman ay isinilang si Maria Luna ang Prinsesa ng mga Aswang na nakatakdang labanan ang mga Nilalang ng Kadiliman. Hinubog at sinanay upang linisin ang pangalan ng kaniyang Angkan.