Part 46 . . . "Bagong Anak ni Toshiro"

116 12 3
                                    


"Bagong Anak ni Toshiro"

---------------

Walang malay taong nakahiga sa lupa si Onami. Nakagapos ang kanyang dalawang kamay. Nakatayo sa kanyang tabi ang berdugong si Tokijiro na nakatitig kay Shintaro. Hinihimas nito ang isa niyang kamay na may bakal ang guwantes na gawa sa katad ng hayop.

"Tayo naman ang mag-uusap Tanda."

"Animal ka! Kalagan mo ako. Maglaban tayo. Ako ang kalaban mo hindi ang aking apo?" Galit na sabi ni Shintaro.

"Huwag kang mag-alala Tanda. Hindi ko na sasaktan ang maganda mong apo kundi paliligayahin ko pa. Ha ha ha!"

Nagwawala ang matanda dahil sa galit. Ibig niyang makawala sa pagkakabitin ng patiwarik. Lumapit si Tokijiro sa kanya at sinakmal ang kanyang mukha. Habang hinihigpitan ang pagkakasakmal ay . . .

"Saan sa katawan mo ako gustong magsimula Tanda? Dito ba?"

"Hmmmmp!" Namimilipit sa sakit ang matanda dahil pinipiga ng malaking kamay ni Tokijiro ang kanyang namamagang mukha.

"DUWAG KA LANG! MGA WALANG LABAN ANG KAYA MO. AKO ANG HARAPIN MO!"

"HUH!" Napalingon si Tokijiro sa  pinanggalingan ng malakas na sigaw sa may bukana ng kweba. Isang matangkad na naka-itim na Ninja ang pumasok sa bukana at papalapit sa kanya. Kinikilala niya ang Ninja na may takip ang mukha. Tanging mga mata lang ang kanyang nakikita. Matikas ang katawan kung maglakad. Naisip niya na mukhang masyadong malaki ang  kompiyansa sa sarili ang lalaking biglang naghamon sa kanya.

"BAKA! (Istupido ) Gusto mong tayo ang maglaban? Gusto mong matulad sa kanila? Sige pagbibigyan kita."

Tinanggal ng binatilyo ang takip sa kanyang mukha. Nagngingitngit ang kalooban niya dahil sa nakikitang nakahandusay sa lupa ang kanyang mahal at sugatang nakabitin ang kanyang iginagalang na guro.

"Hindi kita mapapatawad sa ginawa mo sa kanila."

"Boss siya si Zeno ang banyagang kasama sa paglusob sa ating planta."

Ngumisi si Tokijiro " Siya pala ang sinasabi ni Kaido na gustong tirisin. Isang totoy! Malas mo lang bata. Hindi ka na aabot ng buhay kay Kaido. Ako na ang kakatay sa iyo."

"Zeno!" Bulong ni Shintaro na nanghihina na.

"Gurong Shintaro, hindi na kayo masasaktan pa." Mabilis na kumilos ang isa niyang kamay at lumipad ang isang shiruken. Tinamaan ang nylon cord na nakatali sa mga paa ng matanda at naputol.

Nakatago ang isang kamay sa kanyang likuran at mabilis na kumilos ang kanyang mga daliri. Isang pwersa ng hangin ang nabuo sa ibaba ng matanda at sinalo ito. Marahan siyang inilapag sa lupa. Hindi ito nakita nina Tokijiro at Sato dahil nakatalikod sila sa matanda. Kumilos kaagad ang mga kamay ni Shintaro. Nakalag niya ang pagkakatali ng kanyang mga kamay gamit ang isang maliit na patalim na nakatago sa kanyang sinturon.

"Boss ako na ang mauna." Sabi ni Sato at biglang sumugod kay Zeno. Hawak nito ang chigrigi na pinapa-ikot ang mahabang tanikala.

Sinamantala naman ng matanda habang ang atensiyon ng dalawa na  kay Zeno ay nilapitan niya si Onami. Kinalong niya at hinimas ang pisngi. Nagising ang dalagita.

"Lolo!"

"Shhhhhh! Naririto na si Zeno." Kinalagan niya ang tali sa mga kamay ng dalagita.

"Si Zeno?" Umupo at nakita ang binatilyo na sinusugod ni Sato.

Napanganga naman ang matanda sa napapanood na labanan ng dalawa. Mabilis si Sato sa pag-atake pero hindi tumatama ang bolang bakal ng kanyang chigrigi. Nawawalang bigla ang binatilyo at lumilitaw sa ibang lugar. Lalong ikinagalit ni Sato ang hindi niya pagtama kaya nagwala na. Kung saan-saan na niya hinahataw ang bolang bakal kahit hindi niya nakikita ang kalaban.

Princess Of Darkness (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon