"Mga Higanteng Demonyong Sawa"
-------
"Krrrriiiikkkk! Krriiikkkkk! Krrriiiikkkk!"
Lumalagitik ang mga tuyong dahon at nababaling mga maliliit na tuyong sanga ang buong kapaligiran ng kagubatan ng Pulang Lupang habang sinusuyod ito ng iba't ibang uri at laki ng mga aswang. Inaamoy nila ang hanging nanggagaling sa Pulang Lupa. Naglalaway ang kanilang mga bibig sa amoy ng sariwang dugo at laman ng buhay na tao. Lalo silang ginugutom pero hindi sila nagmamadali sa kanilang paglalakad. Naghihintay pa rin sila ng utos sa kanilang dalawang panginoong demonyo.
Naduwag ang mga mababangis na hayop sa kagubatan. Bigla silang nagtago. Maging ang mga ibon at insekto ay nanahimik. Nauuna sa mga aswang ang dalawang sawa na malaki pa sa drum ang bilog ng mga katawan at mahigit sa isang daang talampakan ang haba. Kaya nilang lunukin ang isang buong kalabaw sa isang iglap lamang. Ang ulo nila ay may dalawang itim na sungay sa ibabaw ng mga itim na mata. Nakalabas ang kanilang mga itim na dila na nilalasahan ang hangin. Umuusok ang kanilang dinadaanan tanda ng matinding init na sumisingaw mula kanilang katawan. Malapit na ang malaking pangkat ng mga impakto sa hangganan ng kagubatan at mga malalawak na tumanang taniman ng mais, palay at mga gulay.
Sa kapilya ay nagsisiksikan na ang mga taong takot na takot. Marami pa rin silang naiwan sa Pulang Lupa kahit marami na ang nakalikas patungo sa ibang barangay at bayan. Sa labas ng kapilya ay nakahanda na ang mga kalalakihang magtatanggol sa barangay dala ang kanilang mahahabang gulok at buho. Ang iba ay may mga dalang baril. Pinamumunuan sila ni Kapitan Oca na naghihintay ng utos mula kina Ka Paeng. Sa altar ay nakaluhod sina Ka Paeng, Nolan, Retired Gen. Brandon Almonte, Captain Bunye at ibang tauhan nila. Binebendisyunan sila ng pari. Nang matapos ay tumayo na ang grupo.
"Kapitan ilan ang dala ninyong incendiary mines?"
"Mga treinta Ka Paeng."
"Ipakalat na ninyo sa tumana hanggat may araw pa."
"Okey. Sargeant Lontoc magsama ka ng dalawa at ilagay na ang mga mina sa tumana. Tenyente Ding i-guide ninyo sina sarhento."
"Yes sir. Bilisan ninyo sarhento."sagot ng tenyente na sinisipat ang malawak na tumana. Lumabas kaagad ang tatlo sa kapilya dala ang mga incendiary mines.
Nagpakitang bigla si Lola Gundina kina Ka Paeng at Nolan.
"Parating na sila Paeng. Patungo na sila kagubatan ng Pulang Lupa.. Napakarami nila."
"Lola makakaya kaya namin silang talunin?"
"Hindi ko masasabi ang sagot Paeng pero kung mananaig sa inyo ang takot at karuwagan ay tiyak na matatalo kayo. Magtiwala kayo sa inyong kakayanan."
"Opo lola."
"Insan, Captain Bunye iisang grupo na lang tayo. Hihintayin natin sila sa labas ng Ilaya malapit sa malawak na tumana. Iyon lamang ang dadaanan nila paglabas nila ng kagubatan. Magtalaga ka ng magtatanggol dito sa loob ng kapilya. Palilibutan nina Ka Oca ang buong kapilya kasama ang ibang Rangers at SAF. Ang iba ay pumasok sa mga gusaling nakapalibot sa liwasan."
"Tenyente Diaz may nakikita na ba kayo sa hangganan ng kagubatan." Tawag niya sa radyo.
"Wala pa Ka Paeng. Tahimik ang buong paligid."
"Sige. May green signal na kayo. Paputukan ninyo ano mang impakto ang lalabas sa kagubatan. Mabawasan man lang sila bago sila pumasok ng Pulang Lupa."
"Affirmative Ka Paeng."
'Tayo na Insan. Sa labas na tayo."
Nagsimula ng magdasal ang mga tao sa loob ng kapilya sa pangunguna ng kanilang Kura Paroko. Tinawag ni Ka Paeng si Kapitan Oca at sinabihan kung saan sila magtatanggol. Nagtungo ang grupo sa liwasan na may isang daang metro ang layo sa kapilya.
BINABASA MO ANG
Princess Of Darkness (COMPLETED)
HorrorMula sa Mundo ng Kadiliman ay isinilang si Maria Luna ang Prinsesa ng mga Aswang na nakatakdang labanan ang mga Nilalang ng Kadiliman. Hinubog at sinanay upang linisin ang pangalan ng kaniyang Angkan.