17-True Story Telling II

0 0 0
                                    


   Lumunok muna ako. Naging matunog iyon. Sumakit ang lalamunan ko, pero di ko ininda iyon.

"Si Saturno Palermo. Siya ang tanging kapatid na tumanggap sa akin. Bandista at sikat sa school. Maganda ang pinapakita niya sa akin, ngunit wala siyang boses. Takot siya kay Celina at Shekina. Duwag siya. Pati sa school ay ayaw niyang ipaalam na magkapatid kami. Ilang beses niya akong nakitang pinagkakaisahan sa school pero di niya ako tinulongan. Iiwas lang siya ng tingin at aalis na parang di ako nakita. Pagdating sa bahay ay kakatok siya sa pinto ko, papasok at doon iiyak at hihingi ng tawad sa akin. Palaging ganoon. Kahit noong naging magkabanda kami. Dalawang taon ako sa Banda na di nalaman ng iba at ng mga kabanda namin na magkapatid kami. Di niya ako sinamahan ng mamatay si Mama, instead inamin niyang di niya kayang makita si Mama. Si Mama na muntik ng sumira sa pamilya niya. Duwag siya. Itinanggi niya ring magagawa ni Peter, ang vocalist ng Banda na pagtangkaan akong gahasain. Pinagtanggol niya ang hayop at binaliwala ang nararamdaman ko. Pinabayaan niya ako. Pinabayaan niya ako." Napahagolhol ako. Niyakap ako ni Sinester. Ramdam ko sa yakap niya ang panggigigil. Galit na galit. Humahangos siya ng malalim. Humigpit ang hawak niya sa akin. "Pinabayaan nila ako. Pinabayaan niya ako." Paulit-ulit ko na namang ngawa.

"Bakit ako pa Sy? Bakit kailangang ako pa? Paano nilang nasikmura na patirahin ako sa bahay nila at pabayaan lang na magdusa? Paano Sy Paano?"

Makailang ulit ko na namang sinuntok ang dibdib ko. Naglikot ako. Di ko alam kung paano ilalabas pa ang sakit. Kinuyom ko ng mahigpit ang mga kamay ko. Nananatiling  nakayakap lang sa akin si Sinester. Humahangos pa rin ng malalalim.

Tumigil ako sa pagngawa pero humihikbi pa rin. Taas-baba ulit ang dibdib ko. Di ko iniinda ang pawis, luha, sipon at maging laway na nagkalat sa mukha ko. Wala akong pakialam. Wala akong panahon na punasan iyon. Walang-wala iyon sa sakit na nararamdaman ko.

"Si Simon Palermo." Patuloy ko sa paos na boses. Huminga muna ako ng malalim. Marahas na pinunasan ang mata. Lumunok. "Ang ama ko. Duwag din siya. Palagi niyang pinaparamdam na welcome ako sa bahay, na mahal niya ako and the same time, binabaliwa rin ang nararamdaman ko kapag kumokontra na ang asawa at ang panganay niyang anak. Sunod-sunuran din siya paminsan-minsan. Di siya nagreklamo sa school kahit nakikita niyang puro galos at pasa ako sa tuwing uuwi. Bibigyan niya lang ako ng first aid kit, minsan siya ang gumagamot. Pagmalala dinadala niya ako sa Doctor. Katulad ni Saturn ay sa kwarto ko rin siya umiiyak at humihingi ng tawad. Yung kami lang ang nakakakita. Takot siya sa scandal. May pangalan siyang iniingatan. Di niya maatim na masira ang pangalan niya lalo na't kilala na ang business niya. Pati ang pagiging anak niya ko sa labas ay kinahiya niya. Di na niya pinilit na palitan ang apelyedo ko."

Sumabit ang boses ko. Pumiyok. Nagsisimula na namang mag-unahan ang mga luha ko. Nagsimula na naman akong humikbi. Di na ako makahinga. Mabigat na ang pakiramdam ko. Ang ulo ko. Ang mata ko. Ang dibdib at ang pagkatao ko.

"Noong---" Lumunok muna ako. "Noong nagsumbong ako sa kanya na muntik na akong gahasain. Umiiyak akong nagsumbong. Nagalit siya, pero---" Pumiyok ulit ang boses ko. Doon na pinatay ni Papa ang koneksyon namin. Doon niya na ako tuloyang pinatay. Iyon ang pinakamasakit sa lahat. "pero, wala siyang ginawa. Gaya ng sabi ko. Takot siya sa iskandalo. Lalo na't mas kilala ang pamilya ni Peterson. Lalo na't nasa politika ang linya ng pamilya niya. Lalo na't magkumpadre sila ng magulang nito. Takot siya. Isinaalang-alang niya ang pangalan niya kaysa sa naranasan ko." Naging madiin at matalim na ang boses ko. Napakawalang kwenta niyang Ama. Paano niya nagawang matulog ng mahimbing, habang ako ay nahihirapan at natatakot.

"Di lang yun. Sa pangalawang beses. Lampas isang taon na ang nakakalipas. Muling pinagtangkaan ni Peter na gahasain ako. Lulong ulit siya sa droga. Nagkita kami sa isang Mall, mula ng umalis ako sa poder ni Simon Palermo. Iniwasan ko siya kasi nabuhay muli ang takot at kilabot sa sistema ko. Ngunit sa gulat ko. Nahabol niya ako at tinakpan ang bibig para di makasigaw. Mahigpit niya akong niyakap at dinala sa kotse niya. Doon sa loob. Muntikan niya na naman akong gahasain. Sigaw ako ng sigaw. Mayroong lumapit na Guard pero ng makilala si Peter ay iniwan ako doon." Pumiyok na naman ako. Nadismaya ako noon. Putngnang buhay ko. Isang hamak na dumi nga lang talaga ako sa isang Peterson Aquino.

MUSIC AND HEARTS (COMPLETED)Where stories live. Discover now