Mahilig si Pekto sa mga insekto. Umaga't hapon, kahit gabi, siya'y hindi mapakali hanggang hindi nakahuhuli.
Tuwing umaga, ang mga tipaklong, salagubang, at paruparo ang kaniyang kalaro.
Kapag nakahuhuli si Pekto ng tipaklong, sinisilip-silip niya iyon sa mga pinagtaklob niyang palad. Masaya niyang pagmamasdan iyon hanggang sa makawala at makalipad.
Kapag nakahuhuli si Pekto ng salagubang, nilalagyan niya iyon ng tali sa may pakpak. Iikot-ikot niya iyon hanggang ang insekto'y makalipad. Tiyak niyang hindi iyon makatatakas.
Kapag nakahuhuli naman si Pekto ng paruparo, agad niya iyong pinakakawalan. Nasisiyahan lamang siyang makipaghabulan.
Tuwing hapon, ang paghuli ng tutubi, uwang, at kuliglig ang kaniyang hilig.
Kapag nakahuhuli si Pekto ng tutubi, nilalagyan niya iyon ng kapang papel, na parang si Captain Barbell. Saka niya aalamin kung ang tutubi ba ay totoong may pangil.
Kapag nakahuhuli si Pekto ng uwang, ingat na ingat siyang hawakan. Sungay niyon ay talagang katatakutan. Kaya, madalas agad niyang pinakakawalan.
Kapag nakahuhuli naman si Pekto ng kuliglig, wala siyang ibang marinig. Iyon ay talagang nakatutulig. Kapag pinipindot niya, lalong lumalakas ang tinig.
Tuwing gabi, paghahanap ng mga alitaptap o gagamba ang kaniyang pinagkakaabalahan. Minsan, kahit gamugamo at langgam ay hindi niya inaayawan.
Kapag nakahuhuli si Pekto ng alitaptap, nilalagay niya iyon sa garapon. Aliw na aliw siya sa kumikislap-kislap na ilaw niyon.
Kapag nakahuhuli si Pekto ng gagamba, sa kahon ng posporo ay nilalagay niya muna. Kinabukasan, ibinibida niya sa mga kalaro niya.
Ang tanging hindi niya hinuhuli ay mga higad na makakati. Hindi rin niya mahawakan ang mandadangkal, na parang nagdarasal. Tinatanong na lamang niya iyon. "Saan ang langit?" At hahayaan na niya iyon, bago pa magalit.
"Anak, tama na ang paglaro ng mga insekto," sabi ng nanay ni Pekto.
"Bakit po?" Napakamot si Pekto sa ulo.
"Kawawa naman sila. Nasasaktan o kaya ay napipirat mo yata."
"Hindi po, Mama. Gustong-gusto ko lang po silang mahawakan at makalaro pa. Hindi ko po sila sinasaktan. Lahat po ng nahuhili ko, pinakakawalan ko naman."
"Mabuti kong ganoon, Pekto. At alam mo rin sana ang halaga nila sa buhay ng mga tao."
"Opo, Mama. Nakatutulong po sila. Kay ganda po nilang pagmasdan sa ating kapaligiran."
"Tama ka. Ang galing mo talaga! O, halika na, ika'y magmeryenda."
"Ano po ang meryenda?"
"Tsitsarong uod na isasawsaw sa suka."
Nagulat at napaurong si Pekto. "Totoo po?"
Tumawa muna ang ina. "Biro lang. Sige na, maghugas ng kamay ka muna."
Habang nilalantakan ni Pekto ang nilagang kamote, iniisip naman niya kung paano siya manghuhuli ng bulate at butete.
BINABASA MO ANG
Mga Kuwentong Pambata
Short StoryAng mga bata ay mahilig sa kuwento kaya ang mga kuwentong ito ay dedicated para sa kanila.