Mader Nos Bes

99 1 0
                                    

Mader nos bes!

Lagi kong naririnig iyan noon sa nanay ko, pero hindi ko alam ang ibig sabihin.

Basta ang alam ko, kay rami niyang propesyon.

Madalas siya ay doktor.

"Umuubo ka na naman, Nimrod. Natuyuan ka na naman ng pawis sa likod!" pagalit niya sa akin, kasabay ng pinong kurot.

"Hindi po, Mama," mangiyak-ngiyak kong sagot.

"Anong hindi?"

Pagkatapos, narinig ko na naman ang kanyang magic words. Kulang na lang magtakip ako ng mga tainga.

"Sige na! Magpalit ka na ng damit, bago ka pa magka-pulmonya! Pagkatapos mong magbihis, paiinumin kita ng katas ng oregano na may honey."

Minsan, pinapagalitan na ako sa harap ng hapag-kainan.

"Napanood mo ang mga bata sa telebisyon, 'di ba? Walang silang bahay, walang mga kasamang magulang, at walang pagkain. Kailangan pa nilang magpalimos. Samantalang, ikaw, nariyan na sa harap mo ang pagkain. Alam mo bang 795 milyong tao sa buong mundo ang nagugutom?" litanya ni Mama.

Umiling lang ako, habang nakatitig sa gulay na nasa plato ko.

"At humigit-kumulang tatlong milyong bata ang namamatay kada taon dahil sa malnutrisyon," dagdag pa ni Mama.

Para siyang statistiscian. Ang dami niyang alam.

"Paano po ninyo nalaman?" tanong ko.

"Mader nos bes," ang sagot na narinig ko.

May pagkakataon pa, na kahit sa simbahan, sinisermunan niya ako. Tinalo pa niya ang pari.

Kinurot na nga ako sa tagiliran, pabulong pa akong pinagalitan. "Makinig ka. Ang batang mabait, ang magulang ay hindi niya ginagalit."

Hindi na ako kumibo kasi sigurado akong sasabihin na naman niyang "Mader nos bes."

Kahit sa palengke, nasasabihan niya ako ng kaniyang mahihiwagang salita. Umaandar ang pagiging mathematician niya.

"Mama, kawawa naman ang mga tindera at tindero, panay ang hingi ninyo ng diskwento," puna ko sa Mama ko.

"Kailangan nating gawin ito kasi ang mamahal na mga bilihin ngayon. Alam mo bang kahit pisong matatawad mo sa bawat produkto, kapag inipon ko ay malaki ang mabubuo? Mas marami ang mabibili mo... Ganito, halimbawa, nakatipid tayo ngayon ng dalawampung piso, i-multiply mo sa pito, kasi araw-araw tayong namalelengke. Hindi ba, isandaan at apatnapung piso rin?" litanya ni Mama, na daig pa ang ekonomista.

Pinuri ko na lang siya. "Ang galing mo, Mama!"

"Siyempre, mader nos bes!" natatawang sagot niya.

Madalas, nagiging teacher siya. Tinuturuan niya ako.

Isang araw, nagbabasa ako ng libro.

"Be... a.. yu... ti... pul.," sabi ko. Inulit ko pa. "Beayutipul!"

Narinig iyon ni Mama. "Beautiful! Beautiful means maganda. Your mother is beautiful."

Totoo namang maganda siya, pero natawa ako sa biro niya.

"O, bakit ka tumatawa?" tanong niya.

"Wala po. Spell, beautiful po."

"B-E-A-U-T-I-F-U-L. Beautiful!"

"Hindi ka lang maganda, Mama, matalino ka pa. Ang dami mo kasing alam, e!" pambobola ko. At hindi ako nagkamali ---narinig ko naman...

"Mader nos bes."

Nakakatuwa rin naman si Mama, kaya lang kapag para na siyang sirang plaka, naiinis na ako sa kaniya.

"Nimrod, ano ba naman iyang pinanonood mo? Ilipat mo nga nang makapanood naman kami ng Papa mo," madalas sabi niya kapag ako ang nanonood.

"Nimrod, magpalit ka nga ng damit. Para kang batang yagit," madalas niyang punain ang suot kong pambahay.

"Nimrod, inupakan mo na naman ang junk food. Mamaya niyan sa tanghalian, hindi ka na naman makakakain nang maayos!" madalas na bulyaw niya.

"Naku, Nimrod, kung ngayon pa lang, hindi ka na marunong sa mga gawaing-bahay, sinasabi ko sa 'yo, kawawa ka kapag nagpamilya ka na," madalas niyang sinasabi sa akin kapag wala akong ginagawa.

"Nimrod naman, bakit ang bababa ng grades mo? Saan ba kami nagkulang sa 'yo ng Papa mo?" madalas niyang tanong tuwing nakikita niya ang card ko. "Mag-aral ka naman nang mabuti. Wala kaming kayamanang maiiwan sa 'yo kundi ang edukasyon mo."

Paulit-ulit niyang sinasabi at itinatanong ang mga iyan sa akin noon. Pero ngayong isa na akong titser, naunawaan ko nang lahat. Para pala sa akin ang lahat ng mga sermon, pagalit, at payo niya. Saka ko lang naunawaang 'Mother knows best.'

Mga Kuwentong PambataTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon