Isang araw, nagising si Makopa dahil sa ingay ng mga ibon sa kanyang mga sanga, ngunit imbes na magalit, natuwa siya. Namilog ang kanyang mga mata sa galak dahil ang pinagkakaguluhan pala ng mga kaibigan niyang ibon ay ang mga namumula-mula na niyang mga bunga.
"Magandang umaga, mga kaibigan!" masayang bati niya. Madalas niyang gawin iyon sa lahat ng mga kaibigan niya, lalo na kay Balete.
Humuni-huni lang ang mga ibon at nagpalipat-lipat ng sanga at masayang pinagmasdan ni Makopa kung paano sila naghanap ng uod mula sa kanyang papahinog na mga bunga.
Nang mabusog ang mga ibon. Nagpasalamat muna ang mga ito bago nagliparan palayo.
"Salamat din sa inyo!" Kumaway pa siya. "Wala na nga akong mahihiling pasa Panginoon. Ako na yata ang isa sa mga pinakamapalad na nilalang ng Diyos!" Naisaloob niya.
Maya-maya, nagising si Balete. Binati niya ito. Tulad ng dati, kunot ang noo nito, ngunit hindi naman galit. Siguro dala ng katandaan, kaya natural na salubong na ang kanyang mga kilay.
"Kay saya mo yata ngayon, Anak!" Anak ang turing ni Balete kay Makopa, simula pa nang sila'y naging magkaibigan.
Limang taon pa lang si Makopa sa lugar na iyon, kaya si Balete na ang kanyang naging tatay-tatayan.
"Opo! Hitik na hitik po kasi ako ngayon sa bunga. Natutulungan ko pa ang mga ibon at ibang hayop."
"Mapalad ka sapagkat nakakapagbigay ka ng ligaya sa ibang nilalang," malungkot na saad ni Balete.
"Bakit naman po kayo malungkot?"
"Tingnan mo naman ako... Kinakatakutan. Walang halos gustong lumapit sa akin. Patanda pa ako nang patanda." Nangulubot lalo ang katawan ni Balete.
"Hindi po ba nakakapagbigay ka rin naman ng ligaya sa mga hayop? Ikaw po ang tirahan nila. Ang bunga niyo naman po ay nakakain rin ng ibang ibon."
"Oo, anak... pero iba ang ligayang dulot mo sa lahat."
"Hayaan niyo po, darating din po ang araw na kayo rin ang magiging kaakit-akit sa kanilang paningin." Nginitian niya si Balete.
"Salamat! Ito ang tatandaan mo, ha? Hindi naman ako nagrereklamo kung anong mayroon ako o kung ano ang naibibigay ko. Kuntento na ako sa buhay ko."
"Pareho po tayo, 'Tay!"
Ilang araw pa ang lumipas, hinog na hinog na ang ibang bunga ni Makopa. Masayang-masaya niyang pinagmasdan ang mga nakakaakit na prutas sa kanyang mga sanga.
Marami ang natatakam sa kanyang mga pulang-pulang bunga.
"Aray!" Isang malaking kahoy ang pumukol sa kanya. Pagdilat niya, tatlong batang lalaki ang nakita niya. Nagkandalaglagan din ang mga hinog at hindi pa hinog niyang mga bunga.
Sumigaw siya sa galit, ngunit hindi siya naririnig ng mga bata. Bagkus, inulit-ulit pa ng mga ito pagpukol sa kanya hanggang sa mapuno nila ng hinog na bunga ang kani-kanilang mga supot.
Habang masayang-masayang nagtatakbuhan palayo ang mga bata, habag na habag naman si Makopa sa kanyang sarili.
"O, bakit ka umiiyak?" maamong tanong ni Balete.
Humikbi muna si Makopa. "Bakit kailangan nila akong pukulin? Hindi ko naman ipinagdadamot ang aking mga bunga?"
"Mapalad ka, Anak."
Umurong ang mga luha na nais pang pumatak mula sa mga mata ni Makopa nang marinig ang sagot ng kaibigan. Kumunot ang noo niya. "Hindi po kita maunawaan."
Idinikit ni Balete ang kanyang sanga sa mga dahon ni Makopa. "Mapalad ka dahil ang mga punong namumunga lang ang binabato. Ang katulad kong walang bunga ay hindi nakaranas ng ganyan. Ganyan ang tao... Ganyan sila."
Lumiwanag ang mukha ni Makopa.
"Isipin mo na lang na nakatulong ka sa mga batang iyon, na pumukol sa 'yo. Wala silang makain. Wala silang kakayahang mamunga ng katulad ng prutas mo, kaya nila iyon ginawa."
"Nakatulong po ako, kahit nasaktan ako?"
"Tama ka! Tandaan mo. Nawalan ka man ngayon, ngunit patuloy ka pa ring mamumunga. Walang makakapigil noon." Tinapik-tapik pa niya ang tuktok ni Makopa.
"Salamat po! Hindi na po ako magagalit kapag may mambabato sa akin."
Sumilay ang ngiti sa mga labi ni Balete.
BINABASA MO ANG
Mga Kuwentong Pambata
Короткий рассказAng mga bata ay mahilig sa kuwento kaya ang mga kuwentong ito ay dedicated para sa kanila.