Sabado na naman! Nagmamadali na naman si Arman. Mayroon siyang dalawang kalaro na tuturuan. Mabilis siyang nagwalis ng mga tuyong dahon sa bakuran. Isinunod niya ang pag-igib ng tubig na inumin kina Aling Maryan. Nagsalok din siya ng tubig sa ilog, na panghugas naman. Nakaligo na rin siya bago bumalik sa kanilang tahanan.
"O, naka-isputing ka, Arman," pansing-bati ng kaniyang ina, na nag-aayos ng mga labahan. "Saan ang punta mo niyan?"
Ang pagsusuklay ay itinigil niya nang panandalian. "Magiging maestro po ulit ako kina Monang at Mayang."
"Ay, oo nga pala, Maestrong Arman... Sige na, iyong pagbutihan!"
Sa isang kubo, sina Tio Umpong, Monang, at Mayang ay naabutan. Sila muna ay nagbatian. Dalawang babaeng kalaro ay sabik na nag-aabang.
"O, ikaw na ang bahala sa kanila, Arman. Ako'y tutungo muna sa niyugan. Maghahanap ng mga niyog na mapagkakakitaan," paalam ng ama nina Monang at Mayang.
Nang araw na iyon, tinuruan niyang magbasa, magbilang, at magsulat ang dalawa. Kitang-kita ni Arman sa magkapatid ang ligaya. Alam niyang maraming natutuhan ang mga ito sa kaniya.
Si Monang ay nakasusulat na ng sariling pangalan. Mula isa hanggang sampu ay kaniya nang nabibilang. Iba't ibang hugis at kulay ay nakikilala at napapangalanan.
Si Mayang naman ay nakababasa na ng mga pangungusap at talata. Kaya ang dalang komiks ni Arman ay gustong-gusto nitong binabasa. Nakasusulat na rin ito simpleng tula, na may tugma.
"Salamat, Manoy Arman!" sabay na sambit nina Monang at Mayang.
"Walang anoman! Sa Sabado ulit," kaniyang paalam.
Paalis na siya nang dumating sina Aga, Hali, at Gabby. Sabay-sabay nilang tanong, "Puwede pa ba kaming sumali?"
Hindi na nagulat si Arman, kaya siya'y napangiti na lamang. "Oo naman! Sa susunod na Sabado, pumunta kayo rito. Ako ang magiging maestro ninyo."
Nang dumating ang araw na iyon, lima na ang estudyante ni Arman— sina Aga, Hali, Gabby, Monang, at Mayang. Iba-iba ang kanilang kakayahan, pero hindi iyon naging hadlang kay Arman. Ang pagtuturo ay lalo niyang ginalingan. Kaya ang limang kalaro at kaibigan ay maraming natutuhan.
"Maraming salamat, Manoy Arman!" Ang lima ay sabay-sabay na nagwika at nagpaalam.
Para kay Arman, iyon ang pinakamasayang paalam. Alam niyang pagkatapos ng pagtuturo niya, ang lima ay naging maalam. Maraming napulot na kaalaman sa Filipino, Ingles, Sipnayan, at Agham.
Isang Sabado, naabutan ni Arman na malulungkot ang kaniyang mga kaibigan. "Bakit ang lulungkot niyo naman?"
Nagtinginan sina Monang at Mayang. Samantala, ang tatlo ay yumuko na lamang.
"Sabi ni Papay, hindi na niya maipapasok si Monang sa eskuwela sa pasukan," sabi ni Mayang.
"O, bakit?" Si Arman ay nagtataka at naguguluhan. "Marunong na siyang magsulat ng kaniyang pangalan. Nakakabasa na rin ng Abakada at nakakapagbilang."
"Lilipat na kami ng tirahan," sabi ni Mayang.
"Saan? Baka malapit lang naman dito o sa paaralan," tanong ni Arman.
"Sa ibang probinsiya, Kuya Arman."
Noon din, ang mundo ni Arman ay parang gumuho at nabagsakan ng buwan. Ang
magkapatid ay kaniyang kinaawaan. Apektado ang edukasyon ng sitwasyon at kahirapan, simula nang sila'y iwanan ng ilaw ng tahanan. Ngayon, lilipat na naman ng tirahan upang si Tio Umpong ay makahanap ng kabuhayan.
"Salamat, Manoy Arman! Mahusay kang maestro at mabuting kaibigan," sabi ni Mayang.
"Hindi ka naman makakalimutan. Hindi namin kakalimutan ang aming mga natutuhan," sabi naman ni Monang.
"Sikapin ninyong makapasok at makabalik sa eskuwelahan. Mag-iingat kayong palagi. Paalam!" Iyon ang pinakamalungkot na paalam para kay Arman.
Simula noon, ang dating kubo ng mag-aamang Tio Umpong, Monang, at Mayang ay ginawang munting eskuwelahan nina Manoy Arman. Siya ang tumatayong maestro sa kaniyang mga kalaro at kaibigan. Hindi na lang sina Aga, Hali, at Gabby ang kaniyang tinuturuan. Sumali na rin sina Mariya, Ali, Liit, Neneng, at Gurang.
Tuwing Sabado, minamadali niya ang mga gawaing-bahay. Sabik siyang turuan ang mga kaibigang naghihintay. Saksi ang lumang kubo sa kanilang pagtuturo at pag-aaral. Nagpatuloy iyon hanggang ang lahat ay natututo at nagkaroon ng sari-sariling buhay.
"Happy Teachers' Day, Sir Armando!" sabay-sabay na bati ng mga estudyante at mga magulang nito.
Saglit siyang huminto sa pagtuturo. Nagpunas ng mata upang luha ay hindi tumulo. "Maraming salamat sa inyo!"
"Sir Armando, may mga bisita po kayo," sabi ni Ricco.
"Sino?" nagtatakang tanong ni Sir Armando, saka tumingin sa may pinto.
Isa-isang pumasok ang mga pamilyar na mukha ng kaniyang mga unang estudyante.
Nauna si Aga, sumunod sina Hali at Gabby. Bitbit nila'y nakabilaong pagkain, at suot ang malalapad na ngiti.
Pumasok din ang mga masisipag niyang HRPTA officers na sina Mariya, Ali, Neneng, Gurang, at Liit. Ang bawat isa ay may hawak na lobo, prutas, at gulay na nakabasket.
"Maraming salamat sa sorpresa!" Si Sir Armando ay naluluha na. Pero nang makita ang dalawang pamilyar na mukha, tuluyan nang umagos ang kaniyang mga luha.
"Happy Teachers' Day, Manoy Arman!" bati ng magkapatid na Monang at Mayang.
"Diyos ko! Maraming salamat sa tagumpay nilang ito," usal ni Sir Armando.
Niyakap siya ni Monang na isa nang abogado. "Hindi ka namin makakalimutan, Maestro."
Yumakap din sa kaniya si Mayang, na isa na ring guro. "Hindi namin kinalimutan ang iyong mga itinuro."
Nagpalakpakan ang mga estudyante at mga magulang.
Iyon na ang pinakamasaya at huling beses na 'Araw ng mga Guro' na mararanasan ni Manoy Arman. Magreretiro na siya sa susunod na buwan. Subalit magpapatuloy siyang magiging maestro kahit hindi na sa eskuwelahan.
BINABASA MO ANG
Mga Kuwentong Pambata
القصة القصيرةAng mga bata ay mahilig sa kuwento kaya ang mga kuwentong ito ay dedicated para sa kanila.