"Lumilipad na naman 'yang isip mo, Totong!" bulyaw ng ama sa katorse anyos na anak, habang ito'y nakapangalumbaba sa may bintana. "Pumarini ka na nga't tulungan mo ang nanay mo. Magsalok ka ng tubig. "Puro ka pantasya. Sa buhay nating ganito at sa kalagayan mong 'yan, imposible na."
Sanay na si Totong sa masasakit na salita ng ama. Hindi na iyon tumatalab sa manhid niyang puso. Totoo naman, e. Nagpapantasya lamang siya. Imposible ang mga pangarap niya. Ni hindi nga siya nakatuntong sa Kinder. Bukod sa napakalayo ng eskuwelahan, wala pang yayakag sa kanya. Hindi siya maaaring ihatid-sundo ng kanyang ina, lalo na ng kanyang ama. Mas pinili na lamang niyang mamalagi sa bintana, tumanaw sa kabukiran o 'di kaya'y magtampisaw sa ilog at umakyat sa taas ng talon, at makipag-usap sa kalikasan.
Pinagmasdan niya ang kanyang ama, mula sa bintana habang ito ay naghahanda sa pag-alis. Isinukbit na nito ang kanyang bag, na kinapapalooban ng baon, tubig, itak, hasaan, bimpo, ekstrang damit, at iba pa. Natanaw naman niya sa bakuran ang dalawang maliliit na kapatid na naglalaro ng lupa at ang inang naglalaba malapit sa balon.
Malayo na ang kanyang ama, nang isang bagay ang biglang pumasok sa kanyang utak. Dali-dali, ngunit maingat siyang bumaba. Nasanay na siyang maglakad gamit ang saklay sa kanyang braso at ibalanse ang maikli, baliko, at maliit na kanang paa.
"Nay, hindi po kita matutulungang magsalok ng tubig ngayon," masiglang sabi ni Totong.
Bahagyang nagulat ang ina, lalo na't hindi siya sanay na nakikita ang anak na nakangiti at masigla. "Sige lang, 'nak. Wala naman ang tatay mo."
"Salamat po!" Mabilis siyang lumabas sa kanilang bakuran.
"Totong, saan ka ba pupunta?" sigaw na tanong ng ina.
"Kuya Totong!" halos magkasabay namang tawag ng kanyang mga kapatid. Humabol pa ang mga ito hanggang sa tarangkahan. Umiyak pa ang bunso, habang tumatawag. Pero, tila kay bilis na nakalayo si Totong.
Ang pook na kinalakhan ni Totong ay malayo sa kabihasnan. Tanging ang mga huni ng mga ibon, ang mga pagaspas ng mga dahon tuwing iihip ang mahinhing hangin, at ang mga lagaslas ng tubig sa talon ang tanging mga ingay na kanyang naririnig. Kabisado na rin niya ang pasikot-sikot sa kagubatan. Naging kaibigan niya na rin halos ang mga hayop at insekto sa kanilang paligid. Nakakausap niya rin ang mga ito, gaya ng napapakinggan niya sa radyo.
Ngayong araw, muli niyang tinungo ang itaas ng talon. Gamay na niyang akyatin ito,sa kabila ng mga malalaking bato. Marahil ay naging ehersisyo na niya ang pag-akyat doon, kung saan nakakahinga siya, nakakalimot, at napapalipad ang isipan.
Mula doon, tinanaw niya ang paligid ng talon. Tanaw na tanaw niya ang mga natataasang puno, na ikinukubli ang malalayang ibon doon.
Dumukwang siya sa puting tubig na bumabagsak sa talon. Napuno ng ligaya ang puso niya sa tila musikang tunog niyon at mahika ng tubig, habang ito ay nagiging asul na agos patungo sa ilog na siyang nagsusuplay ng kuryente sa kanayunan. Umupo siya sa batong hindi inaagusan ng tubig.
"Nay, maganda po ba ang Maynila? Masarap po bang tumira doon?" Naalala niya nang minsang itanong niya sa kanyang ina. Nuwebe anyos pa lamang siya noon.
Hindi agad nakapagsalita ang ina. Hinawi niya muna ang buhok ng anak. "Sa tulad natin, isang paraiso ang Maynila."
"Paraiso?" bulalas niya. Nanlaki pa ang mga mata. "E, 'di... maganda po doon? Pupunta po ako doon paglaki ko."
Bahagyang tumango lang ang ina niya, saka ipinagpatuloy ang pagpapaligo sa kanya.
Hinubad niya ang kanyang manipis, nangingitim, gula-galanit nang damit. Nalantad ang kanyang manipis na katawan, na hindi umakma sa kanyang edad. Mapagkakamalan siyang sampung taong gulang pa lamang.
BINABASA MO ANG
Mga Kuwentong Pambata
Cerita PendekAng mga bata ay mahilig sa kuwento kaya ang mga kuwentong ito ay dedicated para sa kanila.