Puyos

33 1 0
                                    

Sa baryo Mapolot, ang lahat ay may kakaibigang pangalan. Hindi nga kilala si Apolonio dahil mas kilala siya bilang 'Puyos.'Halos lahat ng kapitbahay niya, kinakantiyawan siya. Madalas, mga kalaro niya tumutukso sa kaniya.

"Puyos, kailan ka ba magpapatuli?" tanong ng pinsan niyang si Ugis."

Puyos, malapit na ang bakasyon. Sasabay ka ba sa amin nina Manoy?" dagdag pa ni Saday.

"Bakit kasi ayaw mong magpatuli? Parang kagat lang naman ng langgam, e," sabi ni Andong. Natawa pa ang kuya niyang si Temyong, kaya sobra siyang nainis.

Kapag ang kaniyang ama naman ang tumutukso sa kaniya, parang gusto niyang umiyak. "Kakausapin ko na si Lolo Supoy. Ipapatuli ko na kayo," sabi ni Mang Eliseo kina Apolonio at Temyong.

Napalunok si Apolonio sa narinig.

"O, bakit para kang tinakasan ka ng dugo? Puyos ka talaga!"

"Ako po? Puwede nang magpatuli?" sagot ng anim na taong gulang na kapatid ni Apolonio, na si Angelo.

Natawa ang kanilang ama. "Naku, hindi pa. Liit ka pa, e. Sina kuya muna, ha? Mabuti pa si Angelo, hindi duwag sa dugo.

"Kapag naririnig ni Apolonio ang usapang pagtutuli, hindi na siya mapakali.

Isang araw, naabutan niyang naghahasa ng labaha sa ilog ang nag-iisang manunuli sa Baryo Mapolot.

"Bukas, may mga tutuliin ako. Sasabay ka ba?" tanong ni Lolo Supoy.

Namutla si Apolonio sa kaniyang narinig. Hindi makalabas ang kaniyang tinig.

"Mamaya, pagkatapos kong maghasa, gagawa na ako ng lukaw," sabi uli ng manunuli.

"Ano po ang lukaw?" tanong ni Apolonio.

"Ang lukaw ay isang pakawil na kahoy na may pinanipis na dulo at ang isang dulo ay itutusok sa lupa. Kailangan ko ring maghanda ng kahoy na pamukpok. Ang sanga ng bayabas ang pinakamagandang gawing lukaw at pamukpok."

"Hindi po ba kayo natatakot sa ginagawa ninyo?"

"Hindi naman nakakatakot ang pagtutuli at pagpapatuli. Ang totoo, nakabubuti ito sa kalusugan ng tao. Saka, tradisyon ito na dapat maranasan ng bawat lalaki. Ikaw, gusto mo bang tawagin kang puyos habambuhay?"

Napalunok si Apolonio. Napatingin lang siya kay Lolo Supoy at hindi siya nakasagot.

Sinipat-sipat ni Lolo Supoy ang kaniyang labaha. "O, handang-handa na labaha ko. Marami na namang puyos ang magbabago nito! Sige, iwan na kita... Punta ka uli rito bukas, ha?"

Tumango na lamang si Apolonio kahit hindi niya talaga gustong makakita ng tinutuli.

Sa kanilang bahay, naabutan niya ang kaniyang tatay at nanay na may ginugupit mula sa lumang damit.

"O, nandito na si Puyos," sabi ni Mang Eliseo.

"Anak, sumabay ka na kay Kuya Temyong mo bukas. Magpapatuli na siya kay Lolo Supoy," sabi naman ni Aling Nacion. "Heto o, tingnan mo." Ipinakita nito ang isang parisukat na tela, na may butas sa gitna.

"Ano po iyan?" tanong ni Apolonio. Hindi pa rin nawawala ang kabog sa kaniyang dibdib.

"Ito ang pamutpot. Ito ang ipambabalot sa ari ng bagong tuli."

"At ito naman ang panali," dagdag ng ama.

"Ano, handa ka na?" nakangiting tanong ng ina.

Napatingin na lang sa malayo si Apolonio.

"Naku! Puyos talaga! Ikaw na yata ang tagapagmana ni Lolo Supoy." Natatawa na lang ang ama.

"Eliseo, baka hindi pa nga siya handa. Puwede namang sa susunod na taon na siya. Sige na, Apolonio, pauwiin mo na ang kuya mo. Magpahinga na kamo para bukas may lakas siya," utos ng ina.

Mga Kuwentong PambataTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon