Saging na naman!

48 1 0
                                    

Tuwing darating si Papa mula sa trabaho, tuwang-tuwa ako. Lagi siyang may pasalubong sa akin. Kung hindi gelatin, ang dala niya ay fried chicken. Kadalasan, ang bitbit niya ay saging.

Ang hapag-kainan namin ay hindi nawawalan ng saging. Kung hindi señorita, latundan ang nakahain. Kundi saba, lakatan ang aming kinakain.

Minsan nga, naisip ko, ganito pala ang maging matsing. Araw-araw kasi kaming kumakain ng saging. Sa almusal, may nilagang saging. Kapag tanghalian, may panghimagas na saging. At sa hapunan, may saging pa rin.

Minsan nga, naisip ko, baka ako'y maging tsonggo. Tubuan na ako ng buntot at balahibo. Humaba na ang mga kamay ko. At mas mahaba pa kaysa sa mga paa ko. Pagkatapos, umakyat na ako sa mga puno. At sa kagubatan ay manirahan na ako.

Minsan nga, natanong ko si Mama. "Bakit po madalas saging ang dala ni Papa?"

"Kailangan kasi ito ng ating katawan," sagot ni Mama.

"Gaano po kasustansiya ang saging," tanong ko uli sa kanya.

"Napakasustansiya!" sabi niya. Pagkatapos nagbiro pa siya. "Pampakinis din ito ng mukha. Kapag mahilig ka sa saging, hindi ka titigyawatin."

Nagtataka ako, kaya nagtanong muli ako. "Bakit po?"

"Tingnan mo ang mga unggoy sa gubat... Hindi ba, wala silang tigyawat?"

Natawa ako sa biro ni Mama, pero hindi ako naniniwala sa kanya.

Isang gabi, umuwi si Papa. Saging ang pasalubong niya.

"Saging na naman!" sabi ko bago ako nagmano kay Papa. Hindi ko napansin na nasaktan ko ang damdamin niya.

Kaya sa mga sumunod na araw, wala na siyang dala ni isa. Nalungkot ako at nagsisisi na.

Nami-miss ko na ang saging, pero hindi ko binigkas ang aking hinaing.

Isang gabi, malungkot na umuwi si Papa. May nararamdaman daw siya.

Kinabukasan, hindi siya pumasok sa trabaho. Nahihirapan daw siyang kumilos at tumayo.

Minsan hindi niya mahawakan ang baso. Nahuhulog at nababasag ito.

Isang linggo nang hindi makapagtrabaho si Papa. Kaya isang araw may dumating na doktora. Tinanong at tsenek-ap siya.

Sabi ng doktora, kulang si Papa sa potassium. Nabanggit nito ang saging at gamot na ipaiinom.

"Salamat po!" sabi ni Mama nang ihatid niya ang doktora.

"Walang anuman! Basta ang bilin ko sa inyo, ha? Ang saging ay napakahalaga. Sa bawat tahanan, hindi dapat ito nawawala."

Simula noon, hindi na ako nagrereklamo kung ang pasalubong ni Papa ay saging.

Hindi na ako napapangiwi kapag saging ang nakahain. Hindi na rin ako nagtatanong kung magiging kamukha na ako ng matsing.

Basta ang mahalaga, ang saging ay napakagaling! 

Mga Kuwentong PambataTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon