"Ang babaho naman ninyo!" maarteng sigaw ni Mikay Plastik. "Lumayo nga kayo sa akin!" Nagtakip ito ng ilong.
"Hay, naku! Sinabi mo pa, Plastik," sabad ni Melay Papel. Nakapamaywang pa ito. "Bakit ba naman kasi tayo napasama sa kanila?"
"Ang aarte naman ninyo! Kapareho lang naman namin kayong basura," nauuyam na singhal ni Bentong Tinik.
"Excuse me! Hindi kami basura. Napakikinabangan pa kami." Inirapan pa ni Mikay Plastik si Bentong Tinik.
"E, bakit narito kayo sa basurahan?" sagot naman ni Bino Buto. Isa itong buto ng manok.
"Isa ka pa! Katulad mo lang naman itong si Bentong Tinik. Wala na kayong silbi pagkatapos ibasura." Ngumisi pa si Mikay Plastik.
Katulad ni Bentong Tinik, napahiya rin si Bino Buto. Hindi na ito kumibo, lalo na't tahimik rin sina Bong Bote at Gina Lata. Hindi nito alam kung kakampi ang mga ito o hindi.
Naging tahimik sa loob ng basurahan, maliban sa ingay ng mga langaw sa paligid nila.
Nakatakip pa rin ng ilong si Mikay Plastik. Samantalang iwas na iwas naman si Melay Papel kina Bino Buto at Bentong Tinik kasi nababasa ito.
Lumiwanag ang paligid nang isang matandang lalaki ang nagbukas ng basurahan. Sinipat-sipat nito ang laman niyon.
"Ayan na! Kukunin na niya tayo!" sabi ni Mikay Plastik.
"Oo nga!" dagdag pa ni Melay Papel. "Hoy, Manong, nandito ako. Pakikinabangan mo ako. Hoy!" sigaw ni Melay.
Parang nandidiri at naduduwal na ibinalik ng mama ang takip ng basurahan. Muling dumilim ang loob niyon.
"Nakakainis! Hindi tayo kinalkal!" reklamo ni Mikay Plastik.
"Ito kasing mga buto-butong ito, panira ng araw! Ang babaho! Kahit langaw ayaw na kayong kainin," sabi naman ni Melay Papel.
"Oo na, kasalanan na namin," sarkastiko, ngunit nakangiting sagot ni Bentong Tinik.
"Hindi natin kasalanan, Bentong Tinik," bulong ni Bino Buto. "Sadyang wala lang disiplina ang mga tao. Ayaw nilang maging malinis ang paligid nila. Ang tingin tuloy sa atin ng iba, basura. Ang totoo, ang tunay na basura ay ang mga taong ayaw magpahalaga sa bagay na mapakikinabagan pa, gayundin ang mga taong walang awa kung sirain ang kalikasan na kanilang ginagalawan."
"Tama ka," sang-ayon ni Bentong Tinik. "Pero, tanggap ko nang hanggang basurahan na lang talaga ako."
"Huwag kang magsalita ng ganiyan," sabad ni Gina Lata. "Naniniwala akong pare-pareho tayong may silbi. Hindi nga lang nila alam kung paano tayo pakikinabangan."
"Basta ako, masaya ako kahit saan ako mapadpad. Huwag lamang akong mababasag," sabi naman ni Bong Bote.
"Pinagtsitsismisan ba ninyo kami ni Mikay Plastik?" nakapaywang na tanong ni Melay Papel.
"At bakit ninyo kami pinag-uusapan? Naiinggit kayo sa amin dahil kami ang madalas na i-recycle ng mga tao?" mataray na tanong ni Mikay Plastik.
Walang sumagot sa mga tanong ng dalawa.
"Kapag may dumaan uli, I'm sure, kami ni Melay Papel ang kukunin. Hindi kayo. Wala kasi kayong silbi."
Nagkibit-balikat lang si Gina Lata.
"Sana... sana kunin na kayo para wala nang maiingay at maaarte rito," bulong ni Bentong Tinik.
Narinig iyon ni Bino Buto, kaya natawa ito.
"Ay, grabe siya, o! Kung makatawa, wagas. Tingnan natin..." ani Melay Papel.
Saglit na natahimik ang mga basura nang biglang lumiwanag ang loob ng basurahan.
Nakita nilang dumukwang ang dalawang bata. Kinalkal ng mga ito ang basurahan.
"Narito kami, mga bata!" sabi ni Mikay Plastik.
"Yes, kids! Maaari ninyo kaming gawing bagong bagay o kaya ay ibenta sa junk shop," dagdag ni Melay Papel.
"May plastik, o!" Hawak na ng isang bata lalaki si Mikay Plastik.
"Ba-bye, mga kasama. I told you, hindi ako basura," kumakaway-kaway pang sabi ni Mikay Plastik.
"Ito, papel... Kailangan din natin ito, Kuya," sabi naman ng batang babae. Hawak na nito si Melay Papel.
Inirapan ni Melay Papel sina Bino Buto at Bentong Tinik. "Hay, salamat, makakatakas na ako sa nakakadiring lugar na ito." Humalakhak pa ito.
Nakihalakhak pa si Mikay Plastik. "Bes, tagumpay tayo."
"Korek!" maarteng sagot ni Melay Papel.
"Halika na, Kuya, sunugin na natin ang mga langgam sa bahay," yaya ng batang babae.
Nagtawanan sina Gina Lata, Bong Bote, Bentong Tinik, at Bino Buto. Alam nilang susunugin ng dalawang bata ang mga langgam, gamit sina Mikay Plastik at Melay Papel.
Muling dumilim sa loob ng basurahan. Napuno iyon ng tawanan ng apat na basura. Hindi na nila narinig ang paghingi ng saklolo ng dalawang basura na dala ng dalawang bata.
BINABASA MO ANG
Mga Kuwentong Pambata
Short StoryAng mga bata ay mahilig sa kuwento kaya ang mga kuwentong ito ay dedicated para sa kanila.