Ringo Alimango

29 1 0
                                    


"Putik dito. Putik doon. Nandidiri na ako sa lugar na ito. Ayaw ko na ng putik. Ayaw ko nang tumira dito!" reklamo ni Ringo.

Nang araw na iyon, siya ay talagang desidido.

"Hindi na ako babalik sa maputik na lugar na ito. Hahanap ako ng maganda at hindi maputik na tirahan," sabi ni Ringo.

Sa di-kalayuan, natanaw niya ang kalawanging lata, na umuusad. Sa kaniyang pagtataka, binilisan niya ang lakad.

"Ay, umang!" Kaniyang sarili ay muntik na niyang makagat dahil sa pagkakagulat.

"Susmaryosep, may alimango!" Muntik na ring masuklaban ng lata ang umang na lolo.

"Ano'ng ginagawa mo riyan? Saan ka patungo?" tanong ni Ringo.

"Maghahanap ako ng pagkain. E, ikaw, saan ka naman patungo?" tanong naman ng umang kay Ringo. "Naliligaw ka yata."

"Hindi ako naliligaw. Naghahanap ako ng bagong matutuluyan."

"Bakit naman? Hindi ka na ligtas sa iyong dating tirahan?"

"Ayaw ko na sa putikan. Gusto ko ng bagong tirahan. May alam ka ba, Umang?"

"Naku, wala! Ako nga, tingnan mo... Kalawanging lata na lang ang pinagtataguan ko. Pumunta ka sa dalampasigan o ilog na maraming basura, baka may bahay kang makita."

"Galing na nga ako roon. Ayaw ko nang bumalik doon," sabi ni Ringo saka nagpatuloy sa paglalakad.

Sa mapunong lugar siya napadpad. Nagagalak siya dahil sa palagay niya, ang pangarap niya ay malapit nang matupad.

Sa di-kalayuan, natanaw naman niya ang isang ibon.

"Twit-twit, ibon! Ano'ng ginagawa mo? Bakit andami mong bitbit na tuyong dahon?" usisa ni Ringo sa kayumangging ibon.

"Yay, may alimango!" Naglaglagan ang mga tuyong dahon mula sa tuka at kamay ng ibon dahil sa gulat. "Ano'ng ginagawa mo rito sa kakayuhan?"

"Naghahanap ako ng bagong tirahan. Ikaw, bakit nangunguha ka ng mga parte ng halaman? Kinakain mo ba ang mga iyan?"

Tinawanan siya ng ibon habang dinampot ang mga dahon. "Gagawin kong pugad ang mga ito. Malapit na kasing mangitlog ang asawa ko. Doon namin palalakihin ang mga inakay namin hanggang sa sila ay marunong nang lumipad."

"Puwede rin ba akong gumawa ng pugad?"

Lalo pang natawa ang ibon. "Sige, kaya mo bang akyatin ang punong iyon?"

"Naku, hindi! Ayaw ko palang tumira sa pugad." At nagpatuloy si Ringo sa paglalakad.

Sa gitna ng kakahuyan, nakasalubong niya ang isang pagong.

"Hala, may alimango!" Agad na nagtago ang pagong sa bahay nito.

"Tao po. Huwag kang matakot sa akin," katok ni Ringo. "May itatanong lang ako."

"Ano? Bakit ka nandito?" tanong ng mahiyaing pagong, sabay bahagyang inilabas ang ulo.

"Naghahanap kasi ako ng bagong tahanan. Gusto ko sana ng katulad ng iyong tirahan. Paano ba gumawa niyan?"

Paimpit na tumawa ang mahiyaing pagong. "Hindi ko ito ginawa kasi mula pagsilang ito ay akin nang sunong-sunong."

"Ah, ganoon ba?"

"Oo, saka mabigat ito, kaya mabagal ang paglakad ko."

"Ay, ayaw ko na pala ng ganiyang tirahan. Mabigat na nga'y, dinadala mo pa kung saan-saan." At kaniyang itong pinagtawanan.

Biglang napahinto si Ringo, bago siya makalabas sa kakahuyan. "Aguy! Diyos ko po. Akala ko, kainin niya ako," sabi ni Ringo. Isang mahaba at malaking ahas ang dumaan sa kaniyang harapan.

Mga Kuwentong PambataTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon