"Tumigil ka nga, Thirdy!" singhal ng ama sa anak, na nagsusumiksik sa pagitan nilang asawa, habang sila ay nanunuod ng pelikula. "Palabas lang 'yan."
"Natatakot po ako, e," natatawang sagot ni Thirdy. "Sabi ng multo sa bahay ni Lola Lima, huwag daw palaging manuod ng nakakatakot na palabas, kasi magkakatotoo raw."
"Ano ba 'yang pinagsasabi mo, anak? Nakakatakot naman. Paano naman sa 'yo sasabihin ng multo iyon, multo nga sila, e. May third eye ka ba?" Hinipo ng ama ang noo ng anak. "Wala naman, a. Kaya, tumigil ka. Matulog ka lang kaya sa taas."
Tuwing nanunuod sila ng horror, ganoon lagi ang sinasabi ni Thirdy sa kanyang ina at ama. Ayaw naman siyang paniwalaan ng kanyang mga magulang.
"Hay, naku, Thirdy! Gusto mo lang kasing manuod ng cartoons. Magbasa ka na lang kaya ng libro," sabi ng ina niya.
"Sabi ng reyna ng mga multo, kapag napagod daw silang magbantay sa atin, aalis sila. Hindi na nila tayo babantayan."
Kinurot ng ina si Thirdy.
"Aray ko po. Totoo po ang sinasabi ko."
"Paano nila tayo babantayan kung nasa probinsiya sila? Andami mong alam," palahaw ng ama.
Nakita ni Thirdy ang nakakatakot na mukha sa telebisyon. Napaurong siya sa kinauupuan at nagtago sa unan. "Ganyan... ganyan ang hitsura ng nakita ko."
"Nakita mo na pala sa personal, e bakit ka pa natatakot?" tanong ng ama.
"E, nakakatakot po, e."
Tatawa-tawa ang mag-asawa sa pagiging matatakutin ng anak.
Nang tulog na si Thirdy, nagkuwentuhan sa sala ang mag-asawa.
"Sa palagay mo, Liam, nagbibiro o gumagawa lang si Thirdy ng kuwento?" tanong ni Miley sa asawa.
"Oo. Ganyan daw ang mga bata-- masyasong imaginative. Nakita mo naman kung paano siya naglalaro, 'di ba?"
Tumango si Miley. "Gumagawa siya ng sarili niyang kuwento, na kunwari nag-uusap ang mga laruan."
"Tama ka. Isa pa, ganyan daw ang mga batang may imaginary friend."
Saglit na nag-isip si Miley. "Ang imaginary friend niya... multo? Weird ng anak natin." Kinilabutan siya.
"Oo nga."
"Baka totoong may third eye siya."
"Isa ka pa. Mana talaga sa 'yo ang anak mo."
"E, bakit nakatayo ang mga balahibo mo sa kamay? Takot ka rin, e."
"Hindi ako takot."
"Duwag!" tukso ng asawa.
Hindi ako duwag. Baka ikaw."
"Hindi ako duwag." Kumapit siya sa asawa.
"Ano 'yang nasa likod mo?"
Sumigaw si Miley ay kinurot-kurot ang asawa. "Kasi naman, e."
Nagtawanan ang mag-asawa, ngunit kinalaunan natata-takot sila sa sinasabi ng kanilang anak. Maaaring totoong may third eye siya. Maaari ring may imaginary friend. O maaari rin namang gawa-gawa lang niya.
Isang gabi, bago matulog ang mag-anak, pinagkuwento ng ina si Thirdy.
"Daddy, pakinggan mo ang kuwento ni Thirdy. Totoo nga palang may multo sa bahay ni Mama sa probinsiya. Ang nakita mong paa noon sa may hagdanan, totoo iyon," sabi ng ina.
Lihim na natakot ang ama. Kabaligtaran naman ng reaksiyon ni Thirdy. Hindi siya nagsumiksik sa kanila.
"Ganito po 'yon," pagsisimula ni Thirdy.
Matamang nakinig ang ama.
"Kaibigan ni Lola Cleofe ang multo. Kaya siya nandoon kasi dumadalaw siya..."
"Oo, Dad, kaya pala nagsasalita si Tita Cleofe noong nakaratay siya," singit ng ina.
"Nag-uusap siya bago mamatay si Lola Cleofe. Ay, nasabi ko." Tumayo si Thirdy at kumatok siya sa kahoy na mesa.
Natawa ang mag-asawa.
"Sabi raw, kumatok daw sa kahoy kapag nasabi mo ang patay o kamatayan para hindi magkatotoo."
Kinilabutan lalo si Liam sa tatas ng pananalita ni Thirdy, kaya mas ginusto niyang mapakinggang lahat ang kuwento ng anak.
Nakita niyang seryoso ang anak at walang bahid ng takot. "Anong hitsura niya?"
"Matanda na siya. Sabi niya sa akin, huwag daw akong matakot sa kanya. Dati raw siyang asuwang, inaasuwang niya raw ang mga nang-aaway sa kanya. Ngayon, mabait na siya. Prinoprotektahan niya lahat ng pamilya at kamag-anak ni Lola Cleofe," kuwento ni Thirdy.
"Tama! Love na love siya ni Tita Cleofe, kaya love rin siya ng multo," sabi ng ina sa asawa.
"Mabait daw po kasi ako, sabi ng multo."
"Kaya pala kapag nagpapasaway ka, nagkakasakit ka doon. Binibigyan ka niya ng sakit," wika ng ina.
"Hindi," tanggi ni Thirdy.
Natahimik ang ama. Gusto na niyang maniwala kay Thirdy. Namangha siya kung paano niya ikinuwento ang mga bagay na iyon. Sa edad na pito, alam niyang hindi niya pa kayang gumawa-gawa ng kababalaghang kuwento.
"Ano pa ang mga nakita mo roon? Ikuwento mo pa kay Daddy," utos ng ina.
"May lalaki pa. Nakasuot siya ng parang pangkasal."
Tiningnan ni Mommy Miley si Daddy Liam. "Barong."
Tumango ang ama.
"Anong hitsura niya?" tanong ng mommy.
"Matanda na siya. Parang hindi nagpapagupit ng buhok. May dugo siya mukha. Tapos ganito siya maglakad." Iniakto pa niya ang paglakad ng multo.
Hindi natawa ang ama. Para kasing nagaya ng anak ang tunay na lakad ng multo, na napapanuod niya sa telebisyon o pelikula.
"Hindi ka natakot?" kinikilabutang tanong ng ama.
"Noong unang nilapitan niya ako, natakot ako, pero, nang sinabihan niya akong huwag matakot, hindi na ako natakot. Mabait din siya."
Medyo nakukumbinsi na ni Thirdy ang ama.
"Nakakita pa raw siya ng kapre," sabi ng ina.
"Anong hitsura niya?" tanong ni Daddy Liam. Nagtataka siya kung bakit sa murang edad ng anak ay alam na niya ang kapre.
Nang ikuwento ng anak, mas lalo siyang bumilib sa husay nitong maglarawan.
"Nakita ko siya sa may bintana. Hindi ba may puno doon? Sumilip siya."
"Ano'ng sabi sa 'yo?" interesadong tanong ng ama.
"Wala. Nagpakita lang."
"Natakot ka?"
"Natakot. Mabait naman po siya."
"Ano'ng hitsura niya?" tanong ng ama.
"Green ang mukha. May ugat-ugat sa leeg. May mga stick sa ulo. Pito yata 'yon. Mukha lang ang nakita ko kasi nasa ilalim ng lupa ang katawan niya. Dalawa ang nakita ko, pero wala siyang stick."
"Daddy, meron pa," singit ng ina. "Ikuwento mo, anak."
"Ang manika na gaya ng kay Lola Salvacion, ganoon po. Naglalakad po siya. Ganito." Iniakto ni Thirdy ang lakad ng manika. "Parang robot."
Hindi na nakapagsalita si Daddy Liam. Naniniwala na siyang may third eye nga si Thirdy.
"Dito sa bahay, may nakikita ka?" usisa ng ama. Natatakot siya.
"Wala po."
Nakahinga nang maluwag si Daddy Liam. Bumalik na sa dati ang mga balahibo niya.
Simula noon, hindi na sila nanunuod ng horror film.
BINABASA MO ANG
Mga Kuwentong Pambata
Short StoryAng mga bata ay mahilig sa kuwento kaya ang mga kuwentong ito ay dedicated para sa kanila.