Ayaw Kong Matulog

398 2 0
                                    

Ayaw na ayaw ko talaga ang matulog sa hapon. Hindi ko alam kung bakit nila ako pinatutulog. Mas gusto ko pang maglaro at gawin ang mga gusto ko.

Noong Lunes, si Lolo Ambo ang kumatok sa pinto ng kuwarto ko.

"Bonbon, matulog ka na," sabi niya sa akin.

"Opo!" Nahiga ako at nagkunwaring natutulog.

Nang lumabas siya sa aking kuwarto, bumangon uli ako. Kinuha ko ang coloring book at nagkulay ako.

Nagkulay ako ng isda, paruparo, at kastilyo.

Noong Martes, si Lola Selya ang pumasok sa kuwarto ko.

"Bonbon, matulog ka na," sabi niya sa akin.

"Opo!" Nahiga ako at nagkunwaring natutulog.

Nang lumabas siya sa aking kuwarto, bumangon uli ako. Kinuha ko ang drawing book at gumuhit ako.

Gumuhit ako ng bahay, hardin, at dalampasigan.

Noong Miyerkoles, si Ate Dangdang ang kumatok sa pinto ng kuwarto ko.

"Bonbon, matulog ka na," sabi niya sa akin.

"Opo!" Nahiga ako at nagkunwaring natutulog.

Nang lumabas siya sa aking kuwarto, bumangon uli ako. Kumuha ako ng bond paper, ruler, at lapis at gumawa ako ng komiks.

Ang kuwento ni 'Mang Pinting' ang ginawa kong komiks.

Noong Huwebes, si Kuya Dondon ang pumasok sa kuwarto ko.

"Bonbon, matulog ka na," sabi niya sa akin.

"Opo!" Nahiga ako at nagkunwaring natutulog.

Nang lumabas siya sa aking kuwarto, bumangon uli ako. Kumuha ako ng papel at ballpen at nagsulat ako ng maikling kuwento.

Isinulat ko ang kuwento ni --------

Noong Biyernes, si Papa ang kumatok sa pinto ng kuwarto ko.

"Bonbon, matulog ka na," sabi niya sa akin.

"Opo!" Nahiga ako at nagkunwaring natutulog.

Nang lumabas siya sa aking kuwarto, bumangon uli ako. Kumuha ako ng canvas, paint brush, at mga pintura at nagpinta ako.

Nagpinta ako ng talon sa gitna ng gubat.

Noong Sabado, si Mama ang pumasok sa kuwarto ko.

"Bonbon, matulog ka na," sabi niya sa akin.

"Opo!" Nahiga ako at nagkunwaring natutulog.

Nang lumabas siya sa aking kuwarto, bumangon uli ako. Kumuha ako ng mga libro at nagbasa ako nang nagbasa.

Nabasa ko ang mga kuwentong 'Gaano Kalayo Patungong Paaralan?,' 'Sandosenang Kuya,' at 'Kayang-kaya Ko nang Maging Kuya.'

Noong Linggo, lahat sila ay pumasok sa kuwarto ko. Ginising nila ako.

Lahat sila ay nakabihis na para magsimba.

"Akala namin, nakabihis ka na," sabi ni Mama.

"Magsisimba tayo, 'di ba?" sabi naman ni Papa.

"Alas-tres na. Bangon na! Mahuhuli tayo sa misa," sabi ni Kuya.

"Sasama ka ba o magpapaiwan ka na lang?" tanong ni Ate Dangdang.

"Isama natin siya. Buong pamilya tayong magsisimba," wika ni Lolo Ambo.

"E, paano iyan? Parang ayaw niyang sumama," sabi naman ni Lola Selya.

Hindi ko sila maintindihan. Kung kailan gusto kong matulog, saka naman nila ako pinababangon.

"Ayaw ko pong sumama," sabi ko.

Hindi nila ako napilit. Sabi ko para akong may sakit.

"Sige. Matulog ka pa. Babalik agad kami pagkatapos ng misa," sabi ni Mama.

Nang umalis sila, hindi naman ako nakatulog pa. Kaya, bumangon na lang ako at nag-isip ng gagawin ko habang wala sila.

Ilang minuto ang lumipas, bumalikwas ako upang gawin ang nasa isip ko.

Bago sila dumating, tapos ko na proyekto sa aking kuwarto.

Kinagabihan, habang naghahapunan kami, may napansin sila sa akin.

"Bonbon, parang wala kang ganang kumain," sabi ni Lolo Ambo.

"Inaantok na siya," sabi ni Lola Selya.

"Hindi ka naman yata natulog kanina," sabi ni Papa.

"Naglaro lang siguro siya," sabi ni Mama.

"Ilang araw na siyang ganyan, Mama," sabi ni Kuya.

"Oo nga po... Nagkukunwari lang siyang tulog. Ilang araw ko na siyang naririnig sa kabilang kuwarto. May ginagawa po siya," sumbong ni Ate Dangdang.

"Naku, Bonbon! Bakit ayaw mo kaming sundin? Bakit napakahirap sa 'yo ang matulog o umidlip man lang?" sermon ni Mama.

"Kapag nagkaedad ka na, hahanap-hanapin mo ang tulog. Kukulangin ka na ng oras ng pagtulog," dagdag pa ni Papa.

"Ano ba ang ginagawa mo habang kami ay natutulog?" tanong ni Lolo Ambo.

Mangiyak-ngiyak na ako kasi lahat sila ay nakatingin sa akin.

"Hindi kami magagalit kapag magsabi ka ng totoo," sabi ni Papa.

"Bakit ayaw mong matulog?" untag ni Mama.

"Kasi po... kasi po... sa mga oras po ng pagtulog ninyo sa hapon, iyon po ang oras ng paggawa ko ng mga gusto kong gawin," paliwanag ko.

Nagtinginan sila. Parang hindi sila naniniwala.

"Ano? Linawin mo nga, Bonbon?" sabi ni Kuya Dondon.

"Sa kuwarto ko po ipapaliwanag," nakayuko kong sabi.

Sumunod sila sa akin. Ipinakita ko sa kanila ang kuwarto ko.

Nagtinginan sila. Lahat sila ay namangha.

"Ito po ang ginawa ko kanina. Naglinis po ako," sabi ko.

Hindi pa rin sila makapaniwala sa kanilang nakikita.

"Artroom?" tanong ni Lolo.

"Study room," sabi ni Lola.

"Library?" tanong ni Ate.

"Reading room," sagot ni Kuya.

"Wow, ang galing mo, Bonbon!" bulalas ni Mama.

"Oo nga, Anak! Bakit hindi mo agad sinabi sa amin?" sabi naman ni Papa.

"Kasi po baka magalit kayo sa akin," nahihiya kong sagot.

"Simula ngayon, hindi na kami magagalit sa 'yo kung ayaw mong matulog," sabi ni Lolo Ambo.

"Basta huwag ka lang magkalabog nang magkalabog," dagdag ni Lola Selya.

Tiningnan pa nila ang mga gawa ko. Pagkatapos, kinurot-kurot nila ang pisngi ko. Ang galing-galing ko raw kasi. 

Mga Kuwentong PambataTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon