Ang Magbabagong Kaibigan

57 1 0
                                    

"Pulutin mo 'yan," utos ni Emil sa kaibigang si Darius nang makita niyang itinapon nito ang balat ng kendi sa kalsada.

"Huwag na. May street sweeper naman tayo," natatawang sabi ni Darius. "Halika na!"

Hinila siya nito, pero hindi siya natinag. Binalikan niya ang balat ng kendi, na itinapon ni Darius. Pagkatapos, naghanap siya ng basurahan at doon niya itinapon.

Tahimik silang naglakad patungo sa bahay ng kanilang kaklase dahil ikinalungkot niya nang husto ang inasal ng kaibigan.

Bago pa sila nakatawid ng kalsada, sumalpok sa malaking paso ang batang lalaki habang nakasakay ito sa bisikleta. Naging dahilan iyon upang sumemplang ang bata.

Pumulanghit ng tawa si Darius. Agad namang tinulungan ni Emil ang bata upang maitayo ito at matiyak na hindi nasaktan.

Malapit na sila sa bahay ng kanilang kaklase nang isang matandang babae ang naglahad ng kamay sa kanilang.

Mga iho, baka may barya kayo riyan. Pahingi naman. Pandagdag lang sa pambili ko ng pagkain," sabi ng matanda, na halatang hirap na hirap sa buhay.

"Naku, Lola, hindi hinihingi ang barya ngayon. Alam ko na ang mga style ninyo! Mga manloloko!" walang kaabog-abog na sabi ni Darisus.

"Ano ka ba, Darius? Kung wala kang maibibigay, huwag ka na lang magsalita ng masama," galit na sabi ni Emil. Pagkatapos, hinarap niya ang matanda. "Pasensiya ka na po, Lola, sa kaibigan ko. Pagsasabihan ko po siya."

Maiyak-iyak ang matanda, kaya hindi na ito nakapagsalita.

"Pasensiya na rin po kung limang piso lang ang maibibigay ko. Iyan lang po kasi ang dala ko. Ingat po kayo palagi," sabi ni Emil. Hindi na niya narinig ang pabulong na pagpapasalamat ng matanda dahil nahila na niya palayo si Darius.

"Sobra ka na, ha! Hindi nakakatuwa ang mga ginawa mo. Kanina, nagtapon ka ng basura sa kalye. Tinawaan mo ang bata. At ngayon naman, pinagsalitaan mo ng masama ang lola." Pinilit magpakahinahon ni Emil kahit naiinis siya sa kaibigan.

"Wow! Akala mo kung sino kang mabait," sarkastikong sagot ni Darius. "Sino ka para sermonan ako?"

"Concern lang ako sa 'yo. Kaibigan mo ako at hindi ko hahayaang gumawa ka ng mali sa kapuwa. Ngayon kung hindi mo gusto ang sinabi ko at ginagawa ko, sige... Bahala ka na. Ikaw na lang ang pumunta kay Daniel. At huwag ka na ring pupunta sa bahay." Pagkatapos niyon ay walang lingon-likod niyang tinalikuran si Darius.

Mabilis na naglakas pauwi si Emil habang iniisip pa rin niya si Darius. Nalulungkot siya sa masamang ugali nito. Nahiling niya sa Diyos na sana magbago ito.

Sa tapat ng kanilang gate, naroon si Darius.

"Samahan mo na ako kina Daniel. Promise... hindi na mauulit. Tama ka naman, e," maluha-luhang sabi ni Darius. "Kapag hindi mo ako sinamahan, hindi mo na makikita ang pagbabago ko."

Mga Kuwentong PambataTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon