"Ang damot mo naman!" Iyan ang madalas na sinasabi kay Agot kapag may nanghihiram o may nanghihingi sa kanya.
Sa eskuwela, kilala siya bilang si Agot Maramot.
"Pahiram naman ng lapis," sabi ni Maris."
"Ayaw ko nga. Dapat hindi ka burara."
"Andami mo namang lapis, e."
"Kahit na." Itinago na ni Agot ang ibang lapis niya.
"Ang damot mo talaga, Agot. Maramot!"
"Agot, puwede ko bang mahiram ang pantasa mo?" tanong ni Hero.
"Ayoko! Bumili ka kasi ng sa 'yo!" singhal niya.
"Ang damot mo talaga, Agot. Maramot!"
"Pahiram naman ng pambura," sabi ni Dessa.
"Ayaw ko nga! Ulitin mo na lang kaya."
"Sandali lang naman."
"Istorbo ka lang!" singhal niya.
"Ang damot mo, Agot!"
"Pahingi naman ng isang papel," bulong ni Noel.
"Bakit? May pinatago ka bang papel sa akin?"
"Kaya nga nanghihingi ako. Babayaran ko na lang bukas."
"Binili ito ng nanay ko, kaya tumigil ka."
"Napakaramot mo talaga."
"Pahiram naman ng gunting," sabi ni Quintin.
"Ginagamit ko, 'di ba?"
"Sandali lang."
"Ayaw ko. Baka hindi mo pa isauli."
"Ang damot-damot mo naman!"
"Puwede ba akong makigamit ng pangkulay mo?" tanong ni Nicolai.
"Hindi puwede! Magpabili ka kasi sa nanay mo."
"Ang damot mo na nga, ang taray mo pa!"
"Pahiram naman ng ruler," sabi ni Jester.
"Wala! Wala akong ruler!"
"Nakita kita kanina, gumamit ka."
"E, ano'ng pakialam mo?"
"Wala naman, Agot Maramot!"
Kahit sa mga kapatid niya, maramot si Agot.
Walang sinuman ang nakagagamit ng mga gamit niya. Hindi rin siya namimigay ng mga bagay o pagkaing meron siya.
"Ate Agot, hingi ako... kendi," sabi ng kapatid niyang bunso.
Agad niyang itinago ang kendi, na gusto sana niyang kainin.
"Wala... Walang kendi, Aga. Wala!"
"Tinago mo." Hinanap pa ng kapatid ang kendi sa bulsa ng ate niya.
"Wala nga!" singhal niya. Tinabig pa niya ang kamay ni Aga, saka tumakbo palayo. Hinayaan niyang umiyak ang kapatid niya.
"Agot, pahingi nga ng isang goma. Ipantatali ko lang sa buhok ko," sabi ng ate niya.
"Ayaw ko, Ate Aiko. Magkukulang na ito kapag binawasan ko. Nakabuhol na, o."
"Ang damot mo!"
"Pahiram naman ng diksyunaryo mo. May titingnan lang ako," sabi ni Kuya Arjo.
"Ano bang salita ang titingnan mo? Ako na ang maghahanap para sa 'yo?"
"Basta! Ako na lang ang maghahanap. Pahiram na."
BINABASA MO ANG
Mga Kuwentong Pambata
Short StoryAng mga bata ay mahilig sa kuwento kaya ang mga kuwentong ito ay dedicated para sa kanila.