Mahal na mahal ko ang aking ina, pero hindi niya ako minahal.
"Lauro, kunin mo ang isa pang walis tingting. Tulungan mo akong maglinis sa bakuran natin," madalas sabi niya tuwing umaga.
"Lauro, hugasan mo ang mga plato," utos niya tuwing matatapos kaming kumain.
"Lauro, tama na ang laro. Matulog na tayo." Tuwing hapon, iyan ang sabi ng nanay ko.
"Lauro, tulungan mo ako. Magtiklop tayo ng mga nilabhan ko," sabi ni Mama sa akin pagkatapos akong patulugin.
"Lauro, halika rito, tumingin ka sa niluluto ko," yaya niya sa akin.
"Lauro, maghain ka na't kakain na tayo," utos na naman niya pagkatapos niyang magluto.
"Lauro, ikaw na ang maghugas ng mga plato. May iuutos kasi ako sa kuya mo."
Nagtatampo na talaga ako. Lagi na lang kasi ako. Ako. Ako. At ako!
Minsan pa nga, tinawag niya ako para tulungan siyang maglaba. Mabuti na lang, natuwa ako sa mga bula. Pero pagkatapos maglaba, uutusan na naman niya ako.
"Lauro, tulungan mo akong magsampay."
Lalo akong nalungkot nang isinilang si Laura. Mas dumami ang kanyang utos.
"Lauro, bantayan mo ang kapatid mo," utos ng Mama ko.
"Lauro, ipagtimpla mo nga ng gatas si Laura," utos pa niya.
"Lauro, palitan mo ang lampin ni Baby," ang kanyang sabi.
"Lauro, iugoy mo naman ang duyan ni Bunso," untag pa ng nanay ko.
"Lauro, dahan-dahan naman sa pagbuhat kay Laura. Mahina pa ang kanyang mga buto," paalala niya sa akin.
Mabilis lumaki ang bunso kong kapatid. Mas lalo ring dumami ang aking mga gawain.
"Lauro, napakain mo na ba ang kapatid mo?" tanong ng ina ko.
"Lauro, huwag mawawala ang tingin mo kay Laura," aniya.
Nakakainis talaga. Hindi na ako makapaglaro. Sunod-sunod ang utos niya sa akin, samantalang hindi naman niya maasahan si Kuya.
"Lauro, paliguan mo na si Bunso."
"Lauro, palitan mo ang bestida ni Laura."
"Lauro, suklayan mo naman ang kapatid mo."
"Lauro, hindi mo yata nilagyan ng pulbos ang likod ni Laura."
"Lauro, nasaan ang kapatid mo?"
"Lauro, mahalin mo nang husto ang kapatid mo," minsang sabi ni Mama sa akin.
Mahal na mahal ko ang bunso kong kapatid. Naramdaman ko rin ang pagmamahal sa akin ni Laura kahit hindi pa siya gaanong makapagsalita. Pero, hindi ko naramdaman ang pagmamahal sa akin ni Mama.
Isang araw, malungkot na nagpaalam si Mama sa amin. Isa-isa niya kaming niyakap— si Kuya, si Laura, at ako. Lihim naman akong natuwa dahil sa wakas makakapagpahinga na ako sa mga utos niya. Masaya ako dahil sa palagay ko, makakalaya na ako sa mga gawain sa bahay.
"Lauro, ikaw na ang bahala kay Laura," bilin pa sa akin ni Mama.
"Po?" gulat kong tanong sa aking ina.
"Naturuan na kitang maging responsableng kuya, kaya tiwala akong maaalagaan mo si Laura." Tinapik pa ako ni Mama, saka tumulo ang aking luha. "Tinuruan ko na kayo ng kuya mo na gampanan ang mga responsibilidad ng isang ama at ina."
Nakita kong malungkot si Kuya.
"Kailangan mo pa po bang magtrabaho sa ibang bansa?" tanong ko kay Mama.
Tumango si Mama. Naluluha na rin siya. "Kailangan, Lauro, para maibigay ko ang mga pangangailangan ninyong magkakapatid, na hindi naibigay ng inyong ama."
Noon din, naunawaan ko na si Mama. Mahal na mahal niya pala kaming magkakapatid. Mahal niya pala ako, kaya niya ako tinuruan ng mga gawaing bahay.
BINABASA MO ANG
Mga Kuwentong Pambata
Short StoryAng mga bata ay mahilig sa kuwento kaya ang mga kuwentong ito ay dedicated para sa kanila.