"Anak, pakihiwa nga nitong sibuyas." Iyan ang tanging utos ni Papa na nagpapaiyak sa akin.
Lalapit pa lang ako sa kanya, umiiyak na ako. Tawa naman nang tawa si Papa.
"O, bakit umiiyak ka na naman? Hindi mo pa nga nababalatan at nahihiwa ang sibuyas, e,' sabi niya.
"E, kasi po nakakaiyak naman po talagang maghiwa niyan."
"Ganoon talaga."
"Bakit po kasi nakakaiyak ang paghihiwa ng sibuyas?"
"Naglalabas kasi ng sulfur ang sibuyas kapag hiniwa natin. Kapag umabot iyon sa ating mata, nagiging sulfuric acid, na nagiging dahilan ng pagluha natin," paliwanag niya.
Naliwanagan naman ako, kaya minsan hindi na ako naiiyak. Inilalayo ko ang sibuyas sa mga mata ko. Minsan, pumipikit pa ako.
Hindi lang ako ang pinaiiyak ni Papa, este ng sibuyas pala.
"Junjun, pakihiwa nga nitong sibuyas," utos ni Papa kay Kuya.
Umiiyak na agad si Kuya Junjun habang palapit siya. Tawa naman kami nang tawa ni Papa.
Minsan, nagtaka ako kay Papa kasi hindi ko siya nakitang umiyak dahil sa sibuyas.
"Papa, may sikreto po ba sa paghiwa ng sibuyas?" tanong ko.
"Meron. Mabuti naman at naitanong mo iyan."
"Paano po?"
Sabi ni Papa, hinihiwa niya raw ang sibuyas habang nakalubog sa tubig. Minsan naman, pinapahiran niya ng suka ang sangkalan.
Epektibo nga! Kaya, simula noon, hindi na ako umiiyak kapag naghihiwa ng sibuyas. Pero, hindi pa rin tumigil si Papa sa pagpapaiyak sa akin.
"Kainin mo iyan! Ang mahal-mahal ng sibuyas ngayon, tapos itatabi mo lang diyan sa plato mo," pagalit niya sa akin.
Tumutulo na ang luha ko habang dahan-dahan kong kukutsarain ang sibuyas sa plato ko.
"Bakit po kasi nilalagyan n'yo pa ng sibuyas ang ulam?" tanong ko.
"Iyan ang isa sa mga nagpapasarap sa lutuin. Kainin mo 'yan. Hindi ka naman mamatay n'yan. Para kang hindi lalaki."
Pinilit kong kainin, pero umaagos ang mga luha ko.
"Napakabalat-sibuyas mo naman," natatawang sabi niya.
Pati sina Mama at Kuya Junjun ay pinagtawanan ako. Ang hindi lang tumawa ay si Bunso.
Halos araw-araw akong umiiyak sa hapag-kainan dahil sa sibuyas. Lahat halos ng ulam namin ay may sibuyas. Kapag ang almusal namin ay scrambled eggs, may sibuyas. Kapag ang pananghalian namin ay ginisang monggo, may sibuyas. Kapag ang hapunan namin ay paksiw na isda, may sibuyas.
Minsan, sinubukan kong kumain ng sibuyas para hindi na nila ako pagtawanan. Masarap naman pala ang sibuyas! Hindi ito maanghang, kundi manamis-namis.
"Sabi ko sa 'yo, e!" natutuwang sabi ni Papa. "Hindi ka namatay, 'di ba?"
"Opo!"
"Maraming sustansiya ang naibibigay ng sibuyas," sabi naman ni Mama.
"Tama! Mainam ito para sa ating mga mata, puso, at kasukasuan," dagdag ni Papa.
"Wow! Kakain na po ako palagi ng sibuyas!" bulalas ko. "Huwag lang po ang hilaw."
Tinawanan na naman ako nina Papa, Mama, at Kuya. Pagkatapos, ininggit nila ako sa pagkain ng sibuyas na galing sa sawsawang toyo-kamatis-kalamansi-at-sibuyas.
"Kakain ka rin nito pagdating ng araw," sabi ni Kuya.
Napangiwi na lang ako.
Tuwing nasa hapag-kainan kaming pamilya, tungkol sa sibuyas ang usapan namin. Hindi na nila ako napapaiyak. Nagbibigay na lamang sila ng mga trivia tungkol sa gulay na nagpapaiyak.
"Alam n'yo ba? Ang bansang Tsina ang may pinakamalaking produksiyon ng sibuyas sa buong mundo. Sinundan ito ng India at Amerika," sabi ni Papa.
"Alam n'yo ba? Ang sibuyas ay ginamit na panggamot sa mga sugatang sundalo noong panahon ng digmaan," sabi ni Mama.
"Alam n'yo ba? Nabasa ko sa libro ni Patricia Shcultz, na '1000 Places to Visit Before You Die," na ang New York na may bansag na 'Big Apple' ay dating 'Big Onion," sabi ni Kuya.
"Alam n'yo ba? Ang sibuyas ay kaaway ng mga aso. Pinapababa nito ang dugo nila, na maaaring sanhi ng kanilang anemia," sabi ni Papa.
"Alam n'yo ba? Ang sibuyas ang ikaanim sa pinakasikat na gulay sa buong mundo," sabi ni Mama.
"Alam n'yo ba? Nabasa ko sa Guiness Book of World Records na si Peter Glazebrook ang nakapagtanim ng pinakamalaking sibuyas," sabi ni Kuya.
Hangang-hanga ako sa kanila. Marami akong natutuhan sa kanila tungkol sa sibuyas. Pinaiyak man ako nito, pero tuwang-tuwa ako dahil ngayon ako naman ang magtuturo kung paano maghiwa at kumain ng sibuyas. Natutuwa ako dahil ako naman ang magpapaiyak sa anak ko.
"Anak, pakihiwa nga nitong sibuyas."
BINABASA MO ANG
Mga Kuwentong Pambata
Short StoryAng mga bata ay mahilig sa kuwento kaya ang mga kuwentong ito ay dedicated para sa kanila.