"Buuuuuuuuuuuubot!"
Dinig na dinig ko ang sigaw ni Mama mula sa sala. Agad akong pumanaog "Po? Bakit po?" tanong ko. Napakamot ako sa ulo lalo na nang makita ko ang hawak niya.
"Kaninong buhok ito?" Ipinakita niya ang isang kumpol ng buhok. "Nawalis ko sa ilalim ng sofa."
"Hindi po akin 'yan," tanggi ko. Lalong kumati ang ulo ko.
"E, kanino 'to? Hindi naman ito akin. Unat at mahahaba ang hibla ng buhok ko."
"Baka kay Papa."
Habang tila naniniwala si Mama, tatawa-tawa akong bumalik sa kuwarto.
"Buuuuuuuuuuuubot!"
Dinig na dinig ko ang sigaw ni Mama mula sa aking kuwarto. Agad akong pumanhik. "Po? Bakit po?" tanong ko. Napakamot ako sa ulo lalo na nang makita ko ang hawak niya.
"Kaninong buhok ito?" Ipinakita niya ang isang kumpol ng buhok. "Nawalis ko sa ilalim ng kama mo."
"Hindi po akin 'yan," tanggi ko. Lalong kumati ang ulo ko.
"E, kanino 'to? Hindi naman ito akin. Unat at mahahaba ang hibla ng buhok ko."
"Baka kay Papa."
Habang tila naniniwala si Mama, tatawa-tawa akong bumalik sa sala.
"Buuuuuuuuuuuubot!"
Dinig na dinig ko ang sigaw ni Mama mula sa banyo. Agad akong lumapit. "Po? Bakit po?" tanong ko. Napakamot ako sa ulo lalo na nang makita ko ang hawak niya.
"Kaninong buhok ito?" Ipinakita niya ang isang kumpol ng buhok. "Nakita ko sa basurahan sa banyo."
"Hindi po akin 'yan," tanggi ko. Lalong kumati ang ulo ko.
"E, kanino 'to? Hindi naman ito akin. Unat at mahahaba ang hibla ng buhok ko."
"Baka kay Papa."
Habang tila naniniwala si Mama, tatawa-tawa akong bumalik sa kusina.
"Buuuuuuuuuuuubot!"
Dinig na dinig ko ang sigaw ni Mama mula sa balkonahe. Agad akong sumagot. "Po? Bakit po?" tanong ko. Napakamot ako sa ulo lalo na nang makita ko ang hawak niya.
"Kaninong buhok ito?" Ipinakita niya ang isang kumpol ng buhok. Nawalis ko rito sa balkonahe."
"Hindi po akin 'yan," tanggi ko. Lalong kumati ang ulo ko.
"E, kanino 'to? Hindi naman ito akin. Unat at mahahaba ang hibla ng buhok ko."
"Baka kay Papa."
Habang tila naniniwala si Mama, tatawa-tawa akong bumalik ako sa hardin.
Tuwang-tuwa ako sa aking ina kasi hindi niya nahuhulaan kung kanino buhok ang mga nakukuha niya.
Tuwang-tuwa ako tuwing sisigaw siya at tatanungin niya ako tungkol sa mga kumpol ng buhok na nakukuha niya sa mga sulok-sulok.
Pero, hindi ako natutuwa sa sobrang kati ng ulo ko. Tuwing nabubugnot ako, bunot ako nang bunot ng buhok ko. Kamot. Bunot. Kamot. Bunot. Madalas, mas marami ang bunot kaysa kamot. Ang sarap sa pakiramdam kapag nagbubunot ako ng buhok. Nakalilimutan kong kay tagal na pala akong nakakulong sa bahay. Nakalilimutan kong kay tagal na palang walang pasok sa paaralan.
Inip na inip na ako. Gusto ko nang lumabas ng bahay at makipaglaro. Gusto ko nang pumasok sa paaralan at makasalamuha ang mga guro at kamag-aral. Nabasa ko na nga ang lahat ng libro sa bahay. Nalaro ko na lahat ang mga online games sa cell phone ni Mama. Napanood ko na halos lahat ang magagandang vlogs.
BINABASA MO ANG
Mga Kuwentong Pambata
Short StoryAng mga bata ay mahilig sa kuwento kaya ang mga kuwentong ito ay dedicated para sa kanila.