Tuwing umaga, nasa Ilog Pasig si Juanito. Namimingwit siya roon upang may pang-ulam sila. Kapag marami siyang huli, binabangka niya ang kabilang bayan upang ibenta ang iba niyang isda. Nakakabili pa siya ng bigas na sasaingin nila.
Tuwing tanghali, naliligo si Juanito sa ilog kasama ang kaniyang mga kaibigan. Tuwang-tuwa silang sumisisid sa ilalim ng tubig dahil nakikita nila roon ang mga makukulay at iba't ibang uri ng isda. May biya, kanduli, tilapia, hito, at marami pang iba.
Tuwing hapon, nag-iigib si Juanito ng inuming tubig doon. Pinupuno niya ang mga tapayan.
Tuwing gabi, lalo na kapag maliwanag ang buwan, namamangka rin si Juanito Ilog Pasig. Ititigil niya ang pagsagwan sa gitna ng Ilog Pasig para tingalain ang mga bituin sa langit.
"Salamat, Panginoon, sa mga biyayang ito!" madalas na nauusal ni Juanito.
Isang umaga, sa pamamangka ni Juanito, napansin niya ang magandang dalaga sa pampang ng Ilog Pasig. Nabighani siya sa binibini.
"Magandang umaga sa iyo!" bati ni Juanito.
"Magandang umaga rin sa iyo!" bati ng dalaga.
"Ako nga pala si Juanito. May mga isda akong ibibigay sa iyo. Sana tanggapin mo, kapalit ng pangalan mo."
Tinanggap ng dalaga ang mga isdang ibinigay ni Juanito.
"Maraming salamat, Juanito! Ako nga pala si Lily."
Araw-araw naglalaba si Lily. Mas naging masipag lalo si Juanito sa pamimingwit dahil araw-araw niyang binibigyan ng isda ang dalaga.
Isang araw, walang isdang dala si Juanito para kay Lily.
Hindi nalungkot ang dalaga. Makita lang niya ang binata, masaya na siya.
"Tulungan na kitang maglaba," alok ni Juanito kay Lily.
Hindi naman tumanggi si Lily, pero nagulat siya nang kunin ni Juanito ang kanang kamay niya.
"Tanggapin mo ang singsing na ito, tanda ng pag-ibig ko sa iyo." Isinuot ni Juanito sa daliri ni Lily ang singsing.
"Salamat!" maluha-luhang sabi ni Lily.
"Walang anuman! Ingatan mo sana iyan. Kapag nakapag-ipon na ako, pakakasalan na kita. Gusto kong makasama ka habang buhay. Mahal na mahal kita."
"Mahal na mahal din kita, Juanito. Oo, iingatan ko ito," pangako ni Lily.
Nagpatuloy ang kanilang pagmamahalan. Saksi ang Ilog Pasig kung gaano nila kamahal ang isa't isa. Nagpatuloy rin si Juanito sa pamimingwit at pagbebenta ng isda upang makaipon siya ng pera.
Lumipas ang ilang buwan, napansin ni Juanito na hindi suot ni Lily ang singsing.
"Nasaan na ang singsing, Lily?" usisa ni Juanito.
"Nasa bahay lang. Naiwan ko."
Araw-araw, hinahanap ni Juanito ang singsing kay Lily ngunit iba-iba ang dahilan nito.
"Magtapat ka nga sa akin, Lily. Nasaan na ba talaga ang singsing?"
"Bukas, makikita mo," pangako ni Lily. Pag-alis ni Juanito, umiyak siya. Hindi niya talaga alam kung paano nawala sa kaniyang daliri ang singsing. Hiyang-hiya siya sa binata.
Kinabukasan, wala sa pampang si Lily. Nangamba si Juanito kaya pinuntahan niya ang dalaga sa bahay nito. Mas lalo siyang nalungkot dahil hindi rin alam ng mga kapatid at mga magulang ang kinaroroonan ng dalaga. Walang sinuman ang nakapagsabi kung nasaan siya.
Labis na nalungkot si Juanito sa pagkawala ni Lily. Hindi na siya namimingwit, nag-iigib, naliligo, at namamangka sa ilog. Sinisi niya ang Ilog Pasig. Pero, isang araw, may nakapagsabi sa kaniya, na may kakaibang halaman ang tumubo sa pampang kung saan madalas naglalaba si Lily.
Agad siyang pumunta roon. Nakita at namangha siya sa halaman. Makintab ang mga dahon nito. Katulad ng mga daliri ni Lily ang tangkay. Ang bulaklak naman ay kasingganda niya. Naniwala siyang si Lily ang halamang iyon.
"Salamat, Panginoon, dahil makakasama ko pa rin siya!" sabi ni Juanito.
Nang tumagal, ipinangalan niya iyon kay Lily.
BINABASA MO ANG
Mga Kuwentong Pambata
Short StoryAng mga bata ay mahilig sa kuwento kaya ang mga kuwentong ito ay dedicated para sa kanila.