Ang Kasunduan nina Felix at Hendrix

23 1 0
                                    

"Ano ba 'yan, Felix?! Bakit kanina ka pa kamot nang kamot sa ulo mo? At hindi na maipinta ang mukha mo?" tanong ni Kuya Hendrix.

"Ang hirap kasi nitong modyul sa Filipino. Hindi ko alam kung ano ang gagawin ko."

"Tungkol ba saan? Baka makatulong ako. Tutal tapos ko na rin naman ang modules ko."

Nagliwanag ang mukha ng Felix nang marinig ang sinabi ng nakatatandang kapatid. "Tungkol sa grapikong biswal, Kuya."

"Grapikong biswal?" saglit na nag-isip si Kuya Hendrix. "Alam ko 'yan! Iyan ang sistema o instrumento sa pagsasaayos at paggabay ng kaisipan para sa mabilis na pag-unawa ng mga mag-aaral sa mga impormasyon."

"Oo, Kuya... Ang mga halimbawa ng grapikong biswal ay grap, dayagram, tsart, at mapa."

"Tumpak! Iyan nga! Paborito ko iyan noon, kahit ngayon." Napatayo si Kuya Hendrix at lumapit na ito kay Felix. "Ano ba ang gagawin?"

Ipinakita ni Felix sa kapatid ang modyul niya. Agad naman nitong binasa.

"Napakadali lang pala nito!" bulalas ng kuya.

Napakamot na naman si Felix sa ulo niya. "E, nahihirapan nga akong intindihin."

"Puro ka kasi gadget! Magbasa ka rin kasi para lumawak ang kaalaman mo," galit na sagot ng kuya. "Sayang ang mga reading materials na pinupundar nina Mama at Papa sa atin kung hindi mo man lang binubuklat."

"May Google naman kasi, Kuya."

"Hindi lahat ng sagot, alam ni Google! Mahalaga pa rin ang mga aklat."

"Nasa internet naman lahat ang sagot."

"May rason ka pa, ha?! Nasa internet pala, e, 'di ikaw na ang gumawa niyang modyul mo."

Nalungkot na naman si Felix. "Sige na, Kuya. Tulungan mo na ako."

"Tulungan kita? Sana tinutulungan mo muna ang sarili mo."

"Nag-aaral naman ako nang mabuti. Tinatapos ko naman ang mga modules ko."

"Oo, pero mas lamang ang oras na ginugugol mo sa paglalaro ng online games. Hindi man lang kita nakitang magbuklat ng mga babasahin sa mini library natin."

Napatingin si Felix sa kapatid, na animo'y maamong pusa. Nakikiusap ang kaniyang mga mata.

"Ano ang dapat mong gawin?"

Napayuko siya at nag-isip, saka napatingin siya sa cell phone. "Babawasan ko na ang oras para sa online gaming."

"Iyon lang?" galit na tanong ni Kuya Hendrix.

Napatingin siya sa mini library. "Magbabasa na ako ng mga libro, encyclopedia, atlas, magasin, pahayagan, at iba pa."

Napangiti si Kuya Hendrix. "Sigurado ka o ngayon lang 'to?"

"Sigurado na ako. Pangako ko iyan, Kuya Hendrix." Nagtaas pa siya ng kanang kamay. "Tama ka naman, e. Puro ako gadget. Mas mahalaga pala ang pagbabasa." Napakamot siya ng ulo habang nakatingin sa kuya. "Tutulungan mo na ba ako?"

"Sabi rito, gumawa ka ng grapikong biswal tungkol sa mga datos." Itinuro ni Kuya Hendrix ang panuto sa modyul. "Ano bang grapikong biswal ang nararapat para sa mga datos na ito? Mga interes ng mga kabataang Pilipino."

Saglit na nag-isip si Felix. "Tsart?"

"Hindi... Puwede."

"Dayagram?"

"Puwede."

"Grap!"

"Tama! Sige na. Gawin na natin. Basta ang kasunduan natin, ha?"

"Opo, Kuya, hinding-hindi ko kakalimutan iyon."

Nag-cross my heart pa si Felix. Natawa tuloy si Kuya Hendrix. 

Mga Kuwentong PambataTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon