Sa baryo ng San Lazaro, ang batang si Paolo ang pinakamahusay sa bawat laro. Hindi siya matalo-talo ng kaniyang mga kalaro. Madalas siyang umuwing masaya dahil sa pagkakapanalo.
Kapag uso ang trumpo, lagi siyang panalo. Hindi ito nasusugatan man lang o nabibiyak. Samantalang ang mga kalaro niya ay umuuwing umiiyak. Ang galing pa niyang magpaikot. Kukunin pa niya ito habang umiikot, ilalagay sa palad, at padadaanain sa kaniyang braso. Napapapalakpak tuloy ang kaniyang mga kalaro.
Tuwing sila ay maglalaro ng piko, lagi siya ang nananalo. Maraming bahay siyang nabubuo kasi naman parang binubulungan niya ang kaniyang pamato. Madalas, kapag siya ang nauunang tumira, ang mga kalaban niya'y hindi na nakakapaglaro. Ang galing kasi ng kaniyang pamato-- isang makinis, makintab, at flat na bato.
Sa habulan, si Paolo ang number one. Para siyang palos. Hindi siya mahuli-huli, hindi mahipo, at lalong hindi mayapos.
Kapag Langit-Lupa ang laro, hindi siya maabot ng taya dahil siya'y lumalayo. Sinisigurado niyang hindi siya binabantayan nito. At kapag nataya siya, agad siyang nakapaglalaro.
Kapag sila ay nagluluksong-baka, hindi siya natataya. Ang taas kasi ng lundag niya. Tinalo pa niya ang mga palaka. Talong-talo talaga niya ang mga baka.
Sa luksong tinik, si Lauro ay may teknik. Laging siya ang tumitira. Hindi siya natataya, pero hindi siya mandaraya. Para siyang kabayo dahil sa taas ng talon niya.
Kapag siya ay lumalaban sa sungka, ang panalo ay laging siya. Ang mga bato ay napupunta sa kaniya. Kahit may kakampi pa ang kalaban niya, siya pa rin ang panalong idinideklara.
Kapag nakikipaglaro siya ng patintero, hindi siya natataga. Kung tumakbo kasi siya'y parang si Lydia de Vega. At kapag ang grupo niya ang taya, siya ang madalas na nakakataga. Ang husay niyang magbantay. Parang si Lastikman, na humahaba ang mga kamay.
Sa tago-taguan, ang husay rin niya. Hindi siya nakikita kahit malapit lang siya sa taya. May lahi yata siyang multo kasi bigla na lang nawawala at susulpot sa dilim. Palibhasa siya ay maitim.
Kapag siya ay nakikipaglaro ng sipa, nabuburot ang taya. Ang galing niyang talaga! Parang may isip ang sipa kasi sumusunod sa kaniya. Kaya niyang sumipa-sipa kahit isandaang bilang pa.
Tuwing panahon ng yoyo, wala nang mas gagaling pa kay Paolo. Andami niyang alam na tricks at exhibition. Nagagawa niyang palakarin ang yoyo. Kaya niyang ipagbuhol-buhol ang tali nang hindi tumitigil sa pag-ikot nito. May pasayaw-sayaw pa nga siya kapag naglalaro, kaya tuwang-tuwa ang kaniyang mga kalaro.
Kapag sila ay naglalaro ng tumbang preso o tumba lata, bihira siyang mataya. Ang tsinelas niya ay parang may mahika. Ang galing niyang tumira. Lumilipad ang lata kapag tinamaan ng tsinelas niya. Kawawa nga ang taya, panay ang habol nito sa lata.
Sa larong tatsing, siya ay napakagaling! Sa pagtarget ng mga tansan sa loob ng bilog ay bihasang-bihasa siya. May sikreto yata ang pamato niya. Kaya naman, naiuuwi niya ang halos lahat ng tansan ng kaniyang mga nakakalaban.
Sa holen, mahusay rin siya. Kapag ang laro ay karera sa butas sa lupa, lagi siyang nauuna. Kapag ang laro ay parang tatsing, siya pa rin ang bida. Kaya naman, may koleksiyon na siya ng mga holen. Umabot na iyon sa walumpu. Magkakaiba ang mga kulay niyon at disenyo.
Sa siyato, siya lagi ang kampeonato. Sa husay niyang maglaro nito, iniisip tuloy ng kaniyang mga kalaro na marunong din siya sa tsako. Sa isang tira, nakakatatlo siya bago niya mapalayo. Ang lakas niyang pumalo. Umaabot ng limang metro ang madalas bilangin ni Paolo. Kapag sila ang taya, madalas siya ang tagasalo. Kaya ang iskor ng kalaban nila ay malayong-malayo. Ang parusa pa naman ay tatalon-talon nang malayo.
Pagdating sa teks, ang may pinakamaraming koleksiyon ay si Paolo. Pambihira kasi ang kaniyang pamato. Para itong manghuhula dahil laging naiiba. Kaya naman, ang galing niyang magbilang. "Isa, dal'wa, tatlo, apat, lima, anim, pito, walo, siyam, sampu, cha!" Ganyan din ang bibilangin ng dalawa niyang kalaban. Meron na kaagad siyang apatnapu't dalawang teks. Ang sampu't cha kasi ay katumbas ng dalawampu't isa.
Kampeon din si Paolo sa goma. Bawat pagsipa niya sa mga binuhol na goma, marami ang makakawala. Gamit ang hinliliit sa paa, kukuhitin naman niya nang paisa-isa ang mga nakaambang goma. Madalas nauubos niya ang mga iyon, bago pa makatira ang kalaro niya. Pag-uwi niya, nakatirintas pa ang mga goma. Isasabit niya iyon sa kaniyang balikat, kaya para siyang si Zuma.
Kahit sa Chinese garter, hindi nagpapatalo si Paolo. Ang galing pa rin niya kahit talagang pambabae ang larong ito. Sabagay, hindi lang naman siya ang nag-iisang lalaki. Naglalaro rin sina Nepthali at Isagani.
Sa hula hoop, ang galing din niyang kumembot. Tinalo niya pa ang katawan ng bulate sa sobra nitong lambot. Sa loob ng labinlimang minuto ang hula hoop ay nananatili pa ring umiikot.
Sa jackstone, lagi rin siyang panalo. Kahit ang mga babae, kaniya pang natatalo.
"Ang laki kasi ng kamay mo." Madalas, si Athena ang nagrereklamo.
"Hindi, ah! Madiskarte lang talaga ako. Sa bawat laro, hindi lang galing ang kailangan mo," sabi ni Paolo.
"Ano pa?" tanong ni Athena.
"Talino!" mabilis na sagot ni Paolo.
Marami pang laro ang nilalaro ni Paolo. Madalas siyang manalo at bihira matalo.
Minsan, wala nang gustong makipaglaro kay Paolo. Siya kasi lagi ang nanalo. Bihira siya maging taya, kaya laging siya ang naglalaro.
"Sali naman ako sa inyo," pakiusap ni Paolo.
"Huwag na," sabi ni Nepthali habang nakanguso.
"Oo nga! Lagi ka na lang panalo," sang-ayon ni Isagani, sabay layo. "Halika, Nepthali, doon tayo."
Nalungkot si Paolo. Nanghinayang siya sa mga gagambang nasa loob ng posporo. "Wala nang gustong makalaro ako. Sige, pakakawalan ko na lang kayo."
Pauwi na sana si Paolo nang tinawag siya ni Athena, na nasa malayo. "Paolo, halika, laro tayo!"
Nakangiting lumapit si Paolo. "Talaga? Gusto mo akong isali sa laro ninyo?"
"Oo naman. Hindi ba, mabait ka namang kalaro?"
Tumango-tango si Paolo.
Nang nasa bahay na siya ni Athena, nakilala ni Paolo ang kanilang kalaro --si Andrea, kapatid nitong bunso.
"Ano ang ating laro?" tanong ni Paolo.
Ngumiti muna si Athena, saka tiningnan ang kapatid niya. "Mayroon kaming paperdolls, Barbie dolls, rag dolls, at iba pang manika. Mamili ka."
"Yay! ang sabi ni Paolo. "Hindi na! Uwi na ako, Athena."
Tawa nang tawa sina Athena at ang kapatid niya.
BINABASA MO ANG
Mga Kuwentong Pambata
Historia CortaAng mga bata ay mahilig sa kuwento kaya ang mga kuwentong ito ay dedicated para sa kanila.