Ang Kuwento ng Matsing

5 0 0
                                    

Nakatira si Makak sa isang kagubatan sa Palawan sa Luzon. Si Makak ay matsing na may mahabang buntot.

Isang araw, namataan ni Makak ang puno ng kamatsile. Hitik na hitik ito sa mga hinog na bunga.

"Ang suwerte ko! Wala akong kaagaw," sabi ni Makak, saka agad na inakyat ang puno.

Sa sobrang galak, nakalimutan ni Makak na may mga tinik ang puno ng kamatsile. Kaya sa kalagitnaan pa lamang ay napasigaw si Makak. Natusok ng tinik ang buntot niya.

Nagliparan ang mga ibon nang tanggalin niya ang buntot sa tinik. Nabunot naman ang tinik mula sa puno, pero naiwang nakatusok sa kaniyang buntot.

Halos mapangiwi naman si Makak sa sobrang sakit nang subukan niyang bunutin ang tinik sa kaniyang buntot.

"Kailangang matanggal ang tinik sa buntot ko." Nag-isip siya ng paraan.

Bumaba siya sa bayan at nagtungo sa kaibigang barbero.

"Kaibigan, babayaran kita kapag nabunot mo ang tinik sa buntot ko," sabi ni Makak.

"Sige, susubukan ko basta bayaran mo ako, ha?"

"Oo naman."

Sinubukan ng barbero na bunutin ang tinik, gamit ang labaha nito. Subalit, sa halip na mabunot, naputol ang dulo ng buntot ni Makak.

Napaiyak sa galit at sakit si Makak. "Kapag hindi mo naibalik ang buntot ko, kukunin ko ang labaha mo bilang kabayaran!"

Hindi na naibalik pa ng barbero ang dulo ng buntot ni Makak kaya ibinigay nito sa kaniya ang labaha.

Sa kalsadang pabalik sa gubat, nakita niya ang matandang babae. Nangangahoy ito gamit ang mabigat na itak.

"Lola, gamitin mo ang labahang ito para hindi kayo mahirapan," alok ni Makak.

"Maraming salamat, iho!" Natuwa ang matandang babae. Agad naman nitong sinubukan ang labaha. Subalit, bago pa naputol ang kahoy, naputol na ang labaha."

"Naku, pinutol mo ang aking labaha!" galit na sabi ni Makak. "Kung hindi mo mapapalitan ito, kukunin ko ang mga panggatong mo."

Napilitang ipalit ng matanda ang labaha sa mga kahoy na panggatong.

Binitbit ni Makak ang mga kahoy pabalik sa bayan upang ibenta ang mga ito. Sa di-kalayuan, natanaw niya ang matandang babaeng nagluluto at nagtitinda ng biko.

"Lola, malapit nang maubos ang kahoy na panggatong mo," sabi ni Makak. "Gamitin mo ang mga kahoy ko para makaluto ka ng marami at masasarap na biko."

Tinanggap ng matanda ang mga kahoy ni Makak. "Maraming salamat, iho, sa kabutihan mo!" Agad naman nitong ginamit ang mga kahoy ni Makak hanggang isa na lang ang natira.

"Naku, inubos mo ang kahoy ko!" naiinis na sabi ni Makak. "Ibigay mo sa akin lahat ng naluto mong biko bilang kabayaran sa mga kahoy ko."

"Wala naman akong kakayahang mangahoy," malungkot na sabi ng matanda. "Sige, kunin mo nang lahat 'yan,"

Nagpatuloy sa paglalakad si Makak patungong bayan upang ibenta ang mga biko.

Sa di-kalauyan, nakasalubong niya ang isang aso. Tinahulan siya nito.

"Hindi! Ibebenta ko 'to!" sabi ni Makak. At nang hindi pa rin ito umalis sa harapan niya, kumuha siya ng bato at binato niya ang aso.

Nakaiwas ang aso, pero hindi pa nagtatagal ay hinabol nito si Makak.

"Hayo! Hayo!" sigaw ni Makak, pero hindi siya pinakinggan ng aso. Nasakmal siya nito hanggang sa tumilapon ang mga biko.

Kinain ng aso ang mga biko.

"Ang biko ko," nanghihinayang na sabi ni Makak bago dumilim ang paningin. 

Mga Kuwentong PambataTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon