Mabait sa akin si Lib kahit isang buwan palang ang bahay nila sa kaharap naming lote.
Tuwing Sabado, niyayaya niya ako sa bahay nila para makipaglaro sa kaniya. Ang dami-dami niyang laruan. May mga tao-tauhan. May mga kotse-kotsehan. May mga baril-barilan. Mayroon din siyang scooter at bisikleta. Minsan, naglalaro kami ng Playstation. Pinahihiram niya rin ako ng iPad niya. Nanonood din kami ng Youtube videos.
Ang saya-saya ko kapag nasa bahay nila ako. Ang sasarap pa ng pagkain nila. Kaya lang, paglabas ko sa bakuran nila, nalulungkot ako.
Titingin pa muna ako sa harap ng magarang bahay nila. Pagkatapos, papasok na ako sa lumang bahay namin.
"Ang suwerte ni Lib. Nasa kanya na ang lahat ng bagay na wala ako," bulong ko bago ako pumasok sa bahay.
"O, Bok, bakit hindi yata maipinta ang mukha mo? Nag-away ba kayo ni Lib?" salubong sa akin ni Mama.
Umiling ako. "Kailan po ba maipapaayos ni Papa ang bisikleta ko? Gusto kasi ni Lib na magbisikleta naman kami."
"Naku, anak, ang sabi ng Papa mo, hindi pa siya makahanap ng manibela. Wala pa raw kasing nagbebenta ng sirang bisikleta sa junk shop na pinagtratrabahuan niya," paliwanag ni Mama.
Tumango lang ako. Lalo akong nalungkot.
"Siyanga pala, nakalimutan kagabi ng Papa mo na iabot sa iyo ang mga libro at magasin mula sa junk shop. Nasa kuwarto mo," pahabol na sigaw ni Mama.
Wala sana akong balak tingnan ang mga iyon, kundi lamang nakita ko ang larawan ng bisikleta sa magasin. Binuklat ko iyon, pero lalo pa akong nalungkot.
Tiningnan ko lang ang mga cover ng bawat libro at magasin, saka ko ipinatong sa lamesa.
"Ang dami-dami nang babasahin dito. Si Papa naman, dala pa nang dala. Binasura na nga ng iba, siya naman inuuwi pa rito. Kalat lang tuloy."
Nang araw na iyon, lungkot na lungkot ako.
Mula sa bintana, tanaw na tanaw ko ang magandang bahay ng kaibigan ko. Kinaiinggitan ko talaga siya.
"Bok, Bok, pakibuksan naman ang pinto," tawag sa akin ni Ate Karina.
Agad ko siyang pinagbuksan.
"Patingin naman ako ng mga libro mo. Baka kasi nandiyan ang kailangan ko," sabi niya.
"Sige na. Dalhin mo na lahat iyan sa kuwarto mo. Ang sikip na dito, e."
"Ano ka ba? Punong-puno na rin ng aklat ang kuwarto ko. Maliban kasi sa bigay ni Papa, nireregaluhan pa ako ng mga kaklase ko ng aklat."
Namimili na siya. Ako naman, tahimik lang. Hiniling ko na sana, magustuhan niyang lahat ang mga babasahing nasa kuwarto ko.
"Uy, ang gaganda nito!" Hawak ni Ate Karina ang ibang magasing kabibigay pa lamang ni Papa. "Liwayway! Ito ang pinakasikat na lingguhang magasin noon hanggang ngayon. Ayaw mo ba?"
"Sabi ko nga sa 'yo, kunin mo nang lahat iyan, e."
"Ang tamad mong magbasa. Samantalang ako, nag-iipon pa mula sa baon ko para mabili ko ang mga magasin at librong gusto kong basahin."
"Ikaw iyon."
"Hay, naku, Bok! Huwag mong katamaran ang pagbabasa. Ang ibang bata, gustong-gustong magbasa, wala lang silang mabasa. Tayo, masuwerte dahil nahihingi lang ni Papa sa junk shop ang mga babasahin natin," litanya ni Ate Karina.
Nakatingin lang ako sa labas.
"Ang mga ito ang kayamanan natin," patuloy ni Ate Karina.
"Tama ang ate mo, Bok," bungad ni Mama. "Nakita mo naman ang mga medalya niya, hindi ba? Mula Kinder hanggang ngayon lagi siyang nangunguna sa klase."
BINABASA MO ANG
Mga Kuwentong Pambata
Historia CortaAng mga bata ay mahilig sa kuwento kaya ang mga kuwentong ito ay dedicated para sa kanila.