"Class, maghanda kayong lahat para sa pictorial. Nariyan na ang photographer," anunsiyo ni Ginoong Howard Horacio, ang gurong tagapayo ng VI-Pag-ibig.
"Sir, para po ba sa ID?" tanong ni Tina.
"Opo," sagot ng guro.
Nag-ayos na ang karamihan. Excited silang makuhaan ng litrato. May nagsuklay na. May naglagay ng pulbos. May nag-ayos ng polo at blouse. May nanalamin.
Abala si Ginoong Horacio sa pagwawasto ng mga ipinasang papel ng mga estudyante. Napansin niyang magulo at maingay ang mga nagdadalagang estudyante.
"Ano 'yan? Bakit nagpupulahan ang mga labi ninyo?" Napahinto at napatayo ang guro. Sinipat niya ang mga labi ng mga mag-aaral. Mga anim ang may mapupulang labi, kabilang si Tina.
"Lip tint po iyan, Sir," sabi ni Joylyn.
"Hindi ninyo kailangang kulayan ang mga labi ninyo kasi ini-edit naman ng photographer ang picture. Baka masobrahan, pumangit pa. Ang gaganda na ninyo. Huwag na ninyong takpan. Ang pangit lang ang nagtatago sa kolorete," litanya ng guro. Kay Tina siya nakatingin. Napansin niya kasing sa kaniya nanggaling ang lip tint na ginamit ng mga kaklase.
Pilit binubura ni Tina ang lip tint sa mga labi niya, gayundin ang mga kaklase niya.
"Maging natural kayo, mga babae. Mas maganda ang natural," dugtong ng guro.
Nakayuko na si Tina. Hindi naman niya natanggal lahat ng lip tint.
"Ang babata pa ninyo para magpapula ng labi. Alam ba ninyong nagiging dahilan iyan ng pang-aabuso sa inyo ng mga lalaki? Iba ang dating sa akin kapag may kulay ang mga labi. Hindi pa ninyo kailangan iyan. Huwag ninyong madaliin ang inyong pagdadalaga. Maliwanag ba?"
"Opo!" halos sabay-sabay na sagot ng VI-Pag-ibig.
"Very good!"
Ilang araw ang lumipas, nakasalubong ni Ginoong Horacio si Tina sa labas ng paaralan. Pauwi pa lamang siya noon. Napansin niya ang mapupulang labi ng estudyante, ngunit hindi niya ito pinagsabihan.
Bumati si Tina sa kaniya, gayundin ang dalawa nitong kasama, na hindi niya kilala.
"Saan kayo pupunta?" tanong ng guro.
"Diyan lang po."
"Sige, ingat."
"Ingat din po, Sir!"
Gusto man niyang sermunan si Tina, hindi niya nagawa. Ayaw niyang makakita ng dalagitang pagala-gala sa kalsada.
Kinabukasan, bago nagsimula sa leksiyon, nagpasaring si Ginoong Horacio. "Delikado na ang panahon ngayon. Mapalalaki at mapababae, hindi na ligtas ngayon sa kapahamakan. Alam ninyo ang gusto kong sabihin, kaya sana lagi kayong mag-iingat. Hangga't maaari iwasan ang pagtatambay at paggala-gala sa kalye. Kayong mga babae, kapag nag-iba na ang kulay ng mga labi ninyo, makakaakit kayo ng mga lalaki," litanya ng guro.
"Hindi po lahat, Sir," nakayukong saad ni Tina.
"Sana nga, Tina. Sana nga..."
Patuloy na napapansin ni Ginoong Horacio ang katigasan ng ulo ni Tina. Lagi pa ring pula ang mga labi nito. Madalas pa nga, nagpapaalam ito para magbanyo. Ang hula niya, may pinapapansinan sa ibang silid-aralan.
Isang hapon, makakasalubong sana niya sa hagdan si Tina. Bigla itong tumalilis. Nainis siyang lalo dahil kanina pa uwian. Dapat wala na siya sa paaralan.
Kinabukasan, nagpatawag ng HPTA meeting si Ginoong Horacio sa mga magulang ng VI-Pag-ibig para sa nakakabahalang isyu ng mga kabataan.
Dumalo ang pitumpu't limang bahagdan ng mga magulang.
Hindi naman agad binuksan ni Ginoong Horacio ang tungkol sa ikinikilos ng nga nagdadalaga niyang estudyante, lalo na ni Tina. Nahirapan kasi siya kung paano ito simulan.
"Mga magulang, magtulungan po tayong gabayan ang ating mga anak. Ang ilan sa mga babaeng estudyante, nag-iiba na po ang kulay ang mga labi. Nakababahala po ito!" litanya ng guro.
Nagulat ang ibang magulang. Ang iba naman ay sumang-ayon pa. Natuwa naman ang guro kahit paano dahil alam nila ang mga pagbabago ng kanilang anak.
Pagkatapos ng meeting, sinabi ng guro na maaaring magpaiwan ang magulang na hinihinalang ang anak niya ay ang tinutukoy niya.
Nagpaiwan ang ilan, gayundin ang lola ni Tina. Natuwa si Ginoong Horacio nang harapin niya ito.
"Sir, pasensiya na po. Ako na lang po kasi ang kasama ni Tina..."
"Salamat po dahil nakarating kayo. Siya po talaga ang tinutukoy ko."
"Alam ni'yo po kasi..." Humikbi ang lola ni Tina.
"Alam kong mabuti po kayong lola para kay Tina, pero kailangan po nating mapigilan o hindi man ay magabayan ang pagdadalaga niya... Alam ni'yo po kasi... hindi po maganda sa isang estudyante na..."
"Alam ko po iyon, Sir. Pero, sana hayaan ni'yo na po siyang gumamit ng lip tint. Iyon na lang po..." Hindi na napigilan ng lola ni Tina ang pag-iyak.
Kinabukasan, tila nag-iba ang pagtrato ni Ginoong Horacio kay Tina. Napansin iyon ng mga kaklase.
"Sir, naka-lip tint na naman po si Tina," sumbong ni Joylyn kay Ginoong Horacio.
"Okay lang 'yan."
Nanlaki ang mga mata ni Joylyn. Para siyang napahiya.
"Sir, puwede na po bang mag-lip tint?" tanong naman ni Bea.
"Naku, gustong-gusto iyan ni Christine!" biro ni Steven.
"Si Tina lang ang pinapayagan kong mag-lip tint!" sigaw ni Ginoong Horacio.
"Bakit, Sir?" halos sabay-sabay na tanong ng mga malalaking bulas na estudyante.
"Oo nga, Sir. Bakit po? Unfair po iyon," sabi naman ni Joylyn.
"Unfair? Bakit, may cancer ka ba? Ha? May cancer ka rin ba?" pasigaw na tanong ng guro.
Parang binuhusan ng yelo ang mga estudyante. Ilang segundo ang lumipas. Napatingin silang lahat kay Tina.
Napayuko si Tina. Yumuyugyog ang mga balikat niya.
"I'm sorry... Hindi ko sinasadya, Tina," sabi ng guro. Awang-awa siya sa estudyante habang inis na inis siya sa sarili niya.
Matagal bago umangat ang mukha ni Tina.
"Okay lang po, Sir. Ngayon, naunawaan na po ninyo... Gusto ko lang naman pong itago ang mapuputla kong labi, kaya ako nagpapahid ng lip tint..." Nagpupunas na siya ng mga luha.
"Oo... Nagkamali ako. Hindi pala ako dapat naging mapanghusga... Sana mapatawad mo ako."
Hindi kumibo si Tina. Sinulyapan niya lang si Ginoong Horacio. Nakuyom niya ang lip tint sa kaniyang kanang palad.
BINABASA MO ANG
Mga Kuwentong Pambata
Kısa HikayeAng mga bata ay mahilig sa kuwento kaya ang mga kuwentong ito ay dedicated para sa kanila.