Nang bumisita sa bahay si Ninang Gelay, narinig ko ang pinag-uusapan nila ng aking nanay.
"Tama ka, Mare! Wala na yatang bata ngayon ang nagsasabi ng 'I love you' sa kanilang mga magulang, kahit ang inaanak mong si Mikay," sabi ng aking nanay.
Bigla akong napaisip. Hindi nagtagal, may ideya akong naisip. Kaya, tumakbo ako patungo sa kuwarto. Naglalaro doon ang kapatid kong bunso.
"Maglaro ka lang diyan, Gelo. Magkokompyuter lang ako," sabi ko sa kapatid ko.
"Sige, Ate," tugon ni Gelo.
Hindi ako nag-aksaya ng oras. Gusto kong magbago at maiba ang paniniwala ng mga magulang ko tungkol sa mga kabataan ngayon.
Agad akong lumabas nang mahanap ko na sa kompyuter ang tatlong salitang sasabihin ko kay Ninang Gelay.
Naabutan kong nagpapaalaman na ang magkumare.
"Bye po, Ninang Gelay," sabi ko. Lumapit na rin ako.
"Bye, Mikay!" tugon ni Ninang Gelay. Niyakap niya pa ako at hinagkan ang noo ko.
"Kaluguran da ka," sambit ko. Hiniling ko na sana tama ang pagkabigkas ko sa Kapampangan ng 'I love you.'
Nakita kong nagtinginan ang aking nanay at si Ninang Gelay, habang nakangiti akong kumakaway.
Kinagabihan, nang matutulog na kami, binati kami ng 'Good night' ng aming ina.
"Good night po! Ta ama yo contigo," sagot ko. Iyon ang nakabisado kong 'I love you' sa Chavacano.
"Nahigugma ko nimo," sabi naman ni Gelo.
Iyon ang katumbas niyon sa Cebuano. Itinuro ko iyon sa kaniya.
Nagtalukbong agad kami ng kumot, kaya hindi na namin nakita ang reaksiyon ng aming ina. Pero sigurado akong nagtataka siya.
Kinabukasan, sabay kaming lumabas sa kuwarto ni Gelo. Sabay rin naming tinungo ang kusina kung saan naroon ang aming nanay at tatay.
"Anlabyen kata!" sigaw ni Gelo. Iyan naman ang salitang Sambali ng 'Mahal kita.'
Nag-Kinaray-a naman ako. "Ginapalangga ta ikaw."
Takang-taka ang mga magulang namin. Nagtatanong ang kanilang mga tingin.
Humarap naman ako sa aking kapatid. Nag-Pangasinense ako. "Inaro ta ka."
Nag-Ibanag naman siya. "Iddu taka."
Natawa ang aming nanay at tatay.
"Ano'ng nangyari sa inyong dalawa," tanong ng aming ina.
"Anong lengguwahe ang sinasalita ninyo," tanong naman ng tatay ko.
Ngiti lang ang isinagot namin sa kanila.
"O, sige na. Kain na tayo," yaya ng nanay ko.
Masayang-masaya kami ng kapatid ko noong araw na iyon. Naisip ko, masarap pala ang magsabi ng 'I love you.' Kaya, itinuloy namin ni Gelo ang pagkakabisado.
Naglagay rin kami ng mga sticky notes sa aming refrigerator, gaya ng "Kalasayan ta kaw" at "Pina-urata ta ikaw." Ang una ay salitang Tausug. Ang pangalawa ay Waray-waray.
Dahil sa mga ginagawa namin ni Gelo, napansin naming laging masaya at nakangiti ang aming mga magulang. Desidido kaming pag-aralan pa ang ibang wika at diyalekto.
"Kando ta ge," sabi ko. B'laan iyon ng 'I love you.'
"Ichadaw ko imu," sagot naman ni Gelo sa wikang Ivatan.
Siyempre, hindi ako nagpatalo. Kabisado ko ang sa Ilokano. "Ay-ayaten ka."
Ginagawa namin iyon kapag hindi naririnig ng aming nanay at tatay.
Isang gabi, hindi agad kami natulog ni Gelo. Malapit na kasi ang Araw ng mga Puso. Gusto naming batiin ang aming ina at ama, gamit ang ibang diyalekto ng mga Pilipino. Kaya, nagpraktis uli kami.
"Kalinian ko seka," sabi ni Gelo sa wikang Maguindanaon.
"Tahigugma ta kaw," sagot ko sa diyalektong Surigaonon.
Nag-Ibaloi si Gelo. "Ashemek ta ka."
Nag-T'boli naman ako. "Bungnawa hukon."
"Mabayaku si kau," sabi ni Gelo sa salitang Yakan.
"Penpenhod cha-a," sagot ko sa wikang Ifugao.
"Pekababaya-an ko seka," sagot niya sa lengguwaheng Maranaw.
Tatlong magkakasunod na katok ang narinig naming magkapatid.
"Matulog na kayo, Mikay, Gelo," sabi ng aming ina.
"Opo," sagot ko.
Kinabukasan, paalis na ang aming ama.
"Ingat ka, Joven," sambit ng aming ina habang kumakaway. "Palangga tagid ka!"
Nagkatinginan kami ni Gelo. Alam kasi naming pareho na katumbas iyon ng 'Mahal kita' sa salitang Hiligaynon.
Hindi kami nagpahalata ni Gelo. Nagba-bye rin kami.
Noong Pebrero 13 ng gabi, nagplano kami ni Gelo. Gusto naming sorpresahin ang mga magulang namin.
Kinabukasan, maaga kaming bumangon para pitasin ang rosas sa hardin. Pagkatapos, hinintay naming magising ang mga magulang namin.
"Happy Valentine's Day po sa inyo!" sabay naming bati at yakap sa aming nanay at tatay.
Sabay rin silang bumati. "Padaba namo kamo."
Napatingin si Gelo sa akin. "Naunahan tayo, Ate."
"Oo nga. Bakit po ninyo alam ang plano namin?" Bigla akong nalungkot.
Nagtawanan ang dalawa, habang kami ni Gelo ay nadidismaya.
"Mga anak, wala sa husay sa pagsasalita ng iba't ibang wika ang pagsasabi ng 'I love you' o 'Mahal kita.' Nasa puso iyan at nasa gawa," sabi ng aming ina.
"Tama ang inyong ina. Mikay at Gelo, alam naming mahal ninyo kami. Ang pagiging masunurin, masipag, at mabait ninyo ay sapat na para masabi ninyong mahal din ninyo kami," sabi naman ng aming ama.
"Ayaw po ba ninyo na sinasabihan kayo ng I love you?" usisa ko.
"Gusto. Tuwang-tuwa nga kami sa inyo," sagot ng aming ina. "Pinag-aralan talaga ninyo, ha!"
Nagkatinginan kami ni Gelo. Natawa kami at nag-apiran pa.
"Halika kayo rito." Niyakap kami ng aming ama, gayundin ng aming ina.
"Mahal namin kayo!" sabay naming bulong.
BINABASA MO ANG
Mga Kuwentong Pambata
Short StoryAng mga bata ay mahilig sa kuwento kaya ang mga kuwentong ito ay dedicated para sa kanila.