Dumalaw sina Janna at Janjan sa kanilang lola.
Nagmano ang mga apo kay Lola Caren. Masuyong niyakap ng lola ang mga apo. Pagkatapos, kinapa-kapa niya ang buhok at ang mga braso ni Janna. Kinapa-kapa niya rin ang mga braso at pisngi ni Janjan. "Mataba ka na ngayon, Janjan. Ikaw, Ate Janna, kumain ka nang marami para tumaba ka."
Tumingin lang si Janna sa lola. Pagkatapos, nagtinginan ang magkapatid.
"Sandali lang... Ipaghahanda ko kayo ng pagkain." Maingat na tinungo ni Lola Caren ang refrigerator. Naglabas siya ng mga pagkain.
Lihim na napangiti ang magkapatid.
"Sige na, mga apo, kumain na kayo. Huwag kayong mahiya. Mayamaya lang, darating na ang Papa ninyo," sabi ng lola, habang painot-inot siya sa paglakad pabalik sa kanyang upuan.
Tahimik na kumain ang magkapatid. Patingin-tingin sila sa may pintuan.
Mayamaya, tumambad ang kanilang ama.
"Hello!" masayang bati ng Papa. Agad niyang nilapitan ang mga anak at isa-isang hinalikan ang noo. "Kumusta na kayo?
Nakatingin lang sina Janna at Janjan sa ama, habang nilalabas ang mga pasalubong.
"Bakit ang tatahimik ninyo? tanong ng ama.
Hindi sumagot ang magkapatid.
Nagtataka si Lander sa reaksiyon ng dalawa. Gayunpaman, pinilit niyang pasayahin ang mga anak. "Pambaon niyo ang mga ito, ha?" Tinutukoy niya ang paper bag na hindi niya binuksan.
Nakatitig si Janjan sa ama. May nais siyang sabihin.
"Kumusta, Janjan." Ginulo pa ng ama ang buhok ng anak. Hindi niya narinig na sumagot si Janjan.
Nakayuko lang si Janna, tinatapos ang pagkain.
"Lander, ipagluto mo ng masarap na pagkain ang mga anak mo. Si Janna, ang payat. Si Janjan lang ang medyo tumaba. Parang hindi yata napapakain nang husto ng ina nila."
Tahimik na tahimik ang kusina. Nagtitinginan at nagpapakiramdaman lang ang mag-aama. Tanging si Lola Caren lamang ang panay ang kuwento tungkol sa kanyang mga apo.
"Noong nakaraang Sabado, nandito sila. Hindi ka dumating. Mabuti at nakarating ka ngayon," ani Lola Caren.
"Opo. Andami po kasing trabaho."
Nais bumuka ng bibig ni Janna, pero hindi niya nabigkas. Si Janjan naman, nakuntento na lang sa pagsulyap sa ama.
"Naku, bigyan mo naman ng panahon ang mga anak mo," payo ng ina ni Lander.
"Opo, Ma. Kapag nabakante ako, ipapasyal ko sila." Isa-isa niyang tiningnan ang mga anak.
Yumuko si Janna. Tumingin sa iba si Janjan.
Ramdam ng ama ang pagkailang ng mga anak sa kanya. Gayunpaman, kahit alam niyang marami siyang pagkukulang, naniniwala siyang nasa mabuti silang kalagayan. Naaalagaan sila ng ina at nasusuportahan ng padrasto ang kanilang mga pangangailangan.
"Sa ngayon, hindi ko pa magagawa iyon. Aalis rin ako agad."
Nalungkot sina Janna at Janjan sa pahayag ng kanilang ama.
"Janna, magkuwento na kayo ni Janjan sa Papa ninyo," utos ng bulag na lola.
"Ano iyon, anak? May problema ba sa eskuwela?" Hinarap ni Lander ang mga anak. Naghintay siya sa sasabihin ng mga ito, ngunit nakayuko lang si Janna. Nakatingin lang sa malayo si Janjan
"Kapag wala ka, ang dadaldal ng mga iyan. Nalaman ko nga na ang Papa Gino nila ay may trabaho na. Sinabi rin sa akin ni Janna, na ang mga ibinibigay mong pera, gamit, at pagkain ay hindi nila ipinapaalam sa kanilang step father," kuwento ng lola.
"Basta lagi kayong magpapakabait sa Mama at Papa Gino ninyo. Magmahalan kayong magkapatid. Lagi kayong tutulong sa mga gawaing-bahay. At higit sa lahat, mag-aral kayong mabuti," payo ng ama.
Nakatingin lang sina Janna at Janjan sa ama.
"May gusto ba kayong sabihin sa akin, Janna... Janjan?" Isa-isa niyang tiningnan ang mga anak. "May gusto ba kayong ipabili? Kainin? O pasalubong?"
Nagtaas lang ng tingin si Janna. Sumulyap naman si Janjan sa ama. Pero, parehong hindi bumuka ang mga bibig nila.
Nahiwagaan si Lander sa dalawa niyang anak. Ibang-iba sila kung ikukumpara sa mga nakaraan nilang pagkikita. Hindi na sila nagsasalita. "Ayos lang ba kayo sa bahay ninyo?"
Hindi agad tumango si Janna.
"Hindi ba kayo nagugutom doon?"
Tumingin lang si Janna kay Lander. "Kung alam mo lang po, Papa. Isang pandesal at kape lang ang madalas naming almusal. Si Janjan, minumura at sinasabihan ni Papa Gino ng matakaw dahil kulang sa kanya ang isa." Nasa isip lang niya iyon.
"Mabait ba sa inyo si Papa Gino ninyo?" Tiningnan niya si Janjan.
Yumuko lamang ang anak. "Mabait po siya, Papa... pero demonyo po siya kapag lasing," naisaloob ni Janjan. "Ang mga pasa ko sa braso ay gawa ni Gino. Binugbog niya ako dahil gusto ko pang kumain." Lihim niyang kinapa ang kanyang pasa.
"Magkano ang ibinibigay na baon sa inyo?"
"Five po," mabilis na sagot ni Janna. Gusto niyang sabihing, "Kaya huwag na po kayong magtaka kung bakit ang payat ko," ngunit hindi niya nasabi.
"Five lang? Ang kapatid ninyo, twenty. Kinder pa lang siya. Kayo, five?" Napailing-iling ang ama. Naawa siya sa mga anak.
"Hindi po namin kailangan ang malaking baon. Ikaw po ang kailangan namin," naisaloob ni Janna.
"Lander, may ibang pangangailangan ang mga anak mo. Iyon ang ibigay mo sa kanila."
Hindi sumagot si Lander. Awang-awa siya sa mga anak. Naisip niyang ito ang bunga ng broken family.
Tahimik na tinapos ni Lander ang pagluluto. Aalis siya nang maaga upang hindi na makita ang kalungkutang nadarama ng mga anak. Gustuhin man niyang kunin ang mga anak at itira sa kanyang tahanan, hindi maaari.
"Papa, kunin mo na kami kay Mama. Hirap na hirap na kami sa kamay ni Papa Gino." Iyan ang gustong sabihin ni Janna sa ama, ngunit mas pinili niyang ilihim.
"Papa, ayaw ko na po sa bahay namin. Sinasaktan kami ni Papa Gino, pati si Mama," sumbong ni Janjan sa ama. Subalit nakatikom lang ang bibig niya.
"Hindi po kami makapagsumbong sa 'yo dahil iyon ang gusto ni Mama," sabi ni Janna sa kanyang sarili. "Natatakot siyang kunin mo kami sa kanya."
Nang matapos magluto ang ama, hinainan niya ng pagkain ang mga anak at ina.
Tahimik na kumain ang maglolola, habang nakamasid lang si Lander. Masaya na siyang makita niyang nabubusog ang pamilya. Hiniling niya na sana patuloy siyang may magandang trabaho upang patuloy niyang masuportahan ang una niyang mga anak, gayundin ang kanyang ina.
Malungkot na nagpaalam si Lander sa kanyang mga anak at ina. Isa-isa niyang hinagkan sa pisngi sina Janna at Janjan. Nagmano rin siya sa kanyang ina. "Gusto ko, pagbalik ko, maramdaman ko na ang dating sigla ninyo. Gusto kong makita ang mga ngiti sa mga labi ninyo."
Sumulyap lang sa ama sina Janna at Janjan.
"Lander, mabuti pa ako, kahit bulag ako, nararamdaman at nakikita ko kung ano ang kailangan nila. Sana ikaw rin," sabi ni Lola Caren.
Napamaang si Lander. Tiningnan niyang muli ang mga anak. Awang-awa siya sa dalawa.
"Tama si Lola," sabi ni Janna sa sarili. "Kailan niyo po mararamdaman ang paghihirap namin sa asawa ng aming ina?"
"Mabuti pa si Lola, nakikita niyang malungkot kami at may problema. Paano mo kaya makikita ang mga lihim namin ni Ate?" naisip ni Janjan.
Lumapit si Lander sa mga anak. "Pagbalik ko, mga anak, kukunin ko na kayo sa inyong ina. Paalam. Mag-iingat kayo." Tumalikod upang itinago ang mga luha, saka siya lumabas.
Nang makalayo ang ama, tahimik na umiyak sina Janna at Janjan.
"Salamat po, Diyos, naramdaman na ni Papa ang lihim namin ni Janjan," bulong ni Janna. Niyakap niya ang kapatid.
BINABASA MO ANG
Mga Kuwentong Pambata
Short StoryAng mga bata ay mahilig sa kuwento kaya ang mga kuwentong ito ay dedicated para sa kanila.