Tuwing papasok si Ranny sa paaralan, anim na kilometro ang nilalakad niya. Dumadaan siya sa isang sapa. Tumatawid siya sa dalawang ilog. Umaakyat at bumababa siya sa tatlong bundok. Tinatakbo niya ang apat na burol. Tumutulay-tulay, nagpapalipat-lipat, at lumulukso-lukso siya sa limang pilapil.
Sa bawat pagpasok niya sa paaralan, hindi lang bag ang kaniyang bitbit. May dala rin siyang isang basket na may lamang paninda—kamote, ube, gulay, at saging. Ibinibenta niya ang mga iyon sa kaniyang mga guro sa ikalimang baitang.
Sa halos araw-araw na pagpasok ni Ranny, hindi siya nagreklamo o sumuko. Pinahahalagahan niya ang edukasyon. Mataas ang pangarap niya para sa sarili, sa pamilya, at sa kaniyang komunidad. Kaya naman, hangang-hanga sa kaniya si Binibining Nancy Lisa.
"Karlo, hindi mo ba talaga titigilan si Ranny? Ano ang masama kung magtinda siya ng saging?" Madalas ipagtanggol ni Binibining Lisa si Ranny kay Karlo.
Titigil naman si Karlo, pero kapag reses, tutuksuhin na naman nito si Ranny.
"Hoy, Ranny, nilagang saging na naman ang baon mo?!"
"Gusto mo?"
"Yak! Ano ako, unggoy? Tabi ka nga riyan!" Hinawi ni Karlo ang baon ni Ranny na nasa lamesang kawayan.
Nagkandalaglagan ang mga iyon.
Walang kibong pinulot ni Ranny ang mga nilagang saging.
Walang araw na hindi siya inaasar ni Karlo. Minsan, sinasaktan pa siya kapag hindi niya sinunod ang utos sa kaniya, kaya madalas siyang umuuwi nang umiiyak.
Wala ring araw na hindi makapagpapatumba si Ranny ng puno ng saging.
Bago didiretso sa bahay, dadaaan muna si Ranny sa sagingan ng kaniyang ama. Susuntok-suntukin niya ang isang puno ng saging na may bungang nasa hustong gulang na.
"Ikaw, ang sama-sama mo sa akin!" sigaw niya sa harap ng puno ng saging, sabay suntok.
Halos lumubog ang kamao ni Ranny sa puno.
"Bakit? Bakit?" Sunod-sunod na muli niyang sinuntok ang puno hanggang sa unti-unti itong yumuko. Natuwa si Ranny. Naglaho ang mga luha niya. "Bukas, may ibebenta na naman ako."
"Saging na naman? Mukha ka na talagang unggoy!" pamimintas ni Karlo kay Ranny.
"Gusto mo?" Inialok ni Ranny ang hawak niyang lakatan.
Kinuha iyon ni Karlo at idinuldol sa bibig ni Ranny. "Bagay sa unggoy 'yan." Pagkatapos, inihagis nito sa likod ang balat.
Hindi nakaimik si Ranny dahil halos mabulunan siya sa isinubong saging.
Tawa nang tawa namang tumalikod si Karlo.
Hindi lumipas ang kalahating minuto, si Ranny naman ang humagalpak. Nakita niya kung paanong umangat si Karlo sa lupa na parang baboy na inihagis sa ere nang maapakan nito ang balat ng saging.
"Aray ko... Walang hiya kang baluga ka! Kapag nakatayo ako rito, yari ka sa akin," banta ni Karlo.
Bago pa nakatayo si Karlo, bumalik na si Ranny sa kanilang silid-aralan.
Subalit bago naman siya nakauwi, inabangan siya ni Karlo. Galit na galit ito sa kaniya. Noon lamang siya nakakita ng baboy na parang torong nag-aapoy ang ilong.
Sinubukan pang tumakbo ni Ranny, pero nagsilabasan mula sa likod ng mga halaman at puno ang mga kaibigan ni Karlo. Nahuli siya ng mga ito.
"Tatakas ka pa, unggoy!" sabi ni Karlo habang palapit kay Ranny.
Subalit bago naman siya nakauwi, inabangan siya ni Karlo. Galit na galit ito sa kaniya. Noon lamang siya nakakita ng baboy na parang torong nag-aapoy ang ilong.
BINABASA MO ANG
Mga Kuwentong Pambata
Short StoryAng mga bata ay mahilig sa kuwento kaya ang mga kuwentong ito ay dedicated para sa kanila.