"O, bakit ka umiiyak?" tanong ng ina kay Totit. Hinawakan niya ang ulo ng anak, pagkatapos ay kinindatan ang asawa.
Hindi kumibo ang pitong taong gulang na bata, bagkus sinipsip niya lang ang laman ng kanyang bibig-- kanin at gulay.
"Nakakaiyak ba ang gulay? Nguyain mo na 'yan," galit na sabi ng ama.
Takot na takot na nginuya ni Totit ang kanyang pagkain. Ayaw niyang mapalo na naman siya ng kanyang ama.
Antok na antok naman ang ama, habang pinagmamasdan ang anak. "Isang subo na lang. Bilisan mo na. Nakakaantok kang bantayan. Matutulog nga muna ako."
Habang umaakyat ang ama, pinagmasdan siya ni Totit. Kumurap-kurap ang kanyang mga mata. Kahit siya'y antok na rin. Nilinga niya muna ang ina. Naghuhugas na ito ng mga pinagkainan.
Pinagmasdan niyang maigi ang berdeng bagay sa kutsara. Napalunok siya. Hindi niya talaga kayang lunukin iyon. Pakiwari niya'y magbabara iyon sa kanyang lalamunan.
Pinunasan niya ang kanyang luha at nang luminaw ang kanyang paningin, tumambad sa kanya ang berdeng halimaw.
"Kakainin kita," anito. Lumabas ang kanyang mga pangil. Akma pa siyang dadamputin nito. Kung hindi nga lang siya nakaiwas at nakatago sa ilalim ng mesa, malamang ay napirat na siya ng mga kuko nitong kay tutulis.
"Mama, Papa!" sigaw ni Totit. Takot na takot siyang nagsumiksik sa mga upuan. Ngunit, walang ano-ano'y nahila na ng halimaw ang kanyang damit. "Bitawan mo ako!" Nagkukumawala siya, habang inilalapit siya sa bunganga nito.
"Hindi ka nila maririnig, batang lampayatot."
Muli niyang tinawag ang kanyang ina at ama.
"Ikaw, ngayon ang kakainin ko dahil ayaw mong kumain ng gulay." Tumawa pa ang halimaw, habang nakabitin si Totit, malapit sa kanyang malaking bunganga.
"Huwag po! Huwag niyo po akong kainin," pakiusap ni Totit. Puspos na siya ng luha at pawis dahil nasa loob na siya ng bunganga ng halimaw. "Kakain na po ako ng gulay..." Pumikit na lamang siya.
Nang binitiwan ng berdeng halimaw ang kanyang damit, alam niyang ngunguyain na siya nito, pero bigla na lamang siya iniluwa nito. Nauntog ang ulo niya sa mesa. Pagdilat niya, nakita niya ang gulay sa kutsara. Luminga-linga siya. Naghuhugas ng mga plato ang kanyang ina. Wala na ang berde at nakakatakot na halimaw.
"Tapos ka na, Totit?" tanong ng ina.
Mabilis niyang isinubo ang laman ng kutsara. Noon niya lamang nagustuhan ang lasa ng berdeng pagkain. Naisip niyang masarap naman pala ang gulay.
"Opo, tapos na po."
"Very good!"
Simula noon, hindi na siya ginugulo ng halimaw.
BINABASA MO ANG
Mga Kuwentong Pambata
NouvellesAng mga bata ay mahilig sa kuwento kaya ang mga kuwentong ito ay dedicated para sa kanila.