Si Lolo Poy

42 1 0
                                    

"Meow! Meow! Meow!" tawag ni Lolo Poy sa dalawampu niyang alagang pusa.

Naglapitan ang mga pusa ni Lolo Poy. 

Kakawag-kawag ang buntot na lumapit si Muning. 

Mabilis na lumukso patungo sa balikat niya si Katie. 

Sabay namang dumating ang puti at kahel na mga pusa na sina Puti at Kahel. 

Iika-ika na naglakad palapit sa kanya si Angelo. 

Mula sa puno, tumalon ang apat-- sina Snow, Dagul, Molly, at Spottie. 

Mula sa cat litter, agad na tumakbo si Tiger. 

Mula sa kahon ng sapatos, lumabas ang magkakapatid na kuting na sina Lala, Lila, Lily, Lola, at Lulu. 

Umiinat-inat pang lumapit si Max. 

Palukso-lukso namang lumapit si Jolly. 

Parang ramp model namang naglakad si Bella palapit. 

At mula sa kulungan, nakasimangot na lumabas ang pinakamalaki at pinakamabalahibo sa lahat—si Furr.

Nag-animong mga sundalo ang lahat ng pusa ni Lolo Poy. Umupo ang mga ito nang tuwid sa harap ng kani-kanilang cat bowl.

Habang tangan-tangan ang cat food, binilang ni Lolo Poy ang kaniyang pusa. "Isa. Dalawa. Tatlo. Apat. Lima. Anim. Pito. Walo. Siyam. Sampu. Labing-isa. Labindalawa. Labintatlo. Labing-apat. Labinlima. Labing-anim. Labimpito. Labingwalo. Labingsiyam... Kulang ng isa!" Luminga-linga siya sa paligid. "Sino ang wala? Muning. Katie. Puti. Kahel. Angelo. Snow. Dagul. Molly. Spottie. Tiger. Lala. Lila. Lily. Lola. Lulu. Max. Jolly. Bella. Furr." Agad naman niyang nakita ang bakanteng cat bowl. "Si Ming-Ming, nawawala! Nasaan si Ming-Ming?"

"Meow! Meow! Meow!" Sabay-sabay na humingi ng pagkain ang mga pusa, subalit walang umalis sa puwesto.

"Ming-Ming! Ming-Ming! Ming-Ming?" Nagtataka si Lolo Poy kung bakit wala ang isa niyang pusa. Dati-rati, ito pa ang nauunang lumapit tuwing pakakainin niya ang mga alagang pusa. "Sandali lang, mga anak ko. Hahanapin natin si Ming-Ming, ha?"

"Magandang araw po, Lolo Poy!" masayang bati ni Nonong. "Hello, mga pusa! Meow, Meow! Meow!"

"Meow! Meow! Meow!" Sabay-sabay na bumati ang mga pusa, subalit walang umalis sa puwesto.

"Ay, kasama mo pala si Ming-Ming," tugon ng matanda.

"Opo! Nakasalubong ko po siya na may kagat-kagat na isda."

"Ming-Ming, anong ginawa mo?" Kinuha ni Lolo Poy ang pusa mula kay Nonong. Pagkatapos, inamoy-amoy niya ang bibig ni Ming-Ming. "Hindi ba sinabi ko sa inyo na huwag na huwag kayong kakain ng pagkain ng iba?"

"Meow!" sagot ni Ming-Ming at tumingin kay Lolo Poy, na parang nagsasabing hindi niya ninakaw ang isda.

Malambing na hinimas-himas ni Lolo Poy ang ulo ni Ming-Ming.

"Lolo Poy, tulungan ko na po kayong magpakain sa mga pusa ninyo," alok ni Nonong. "At mamaya, tutulong din ako sa pagpapaligo sa kanila."

"Sige, Nonong, mabuti pa nga para lalo ka nilang maging paboritong kaibigan."

Nalagyan na nina Nonong at Lolo Poy ng cat food ang bawat cat bowl nang dumating ang mga galit na galit na kapitbahay.

"Lolo Poy, peste 'yang mga pusa mo!" bungad na sigaw ni Aling Mitring.

Gulat na gulat sina Lolo Poy at Nonong. Nagtatanong ang kanilang mga mata.

"Magandang araw po, Lolo Poy!" bati ni Kapitan Cesar pagkatapos nitong patahimikin si Aling Mitring. "Marami pong reklamo ang idinulog sa akin tungkol sa mga alaga mong pusa."

Mga Kuwentong PambataTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon